Mga Lumang Tula

Minsang naghahalungkat ako ng mga lumang CD nang makita ko ang isang burned CD na kinalalamnan ng aking mga lumang tula.

Naisulat ang karamihan ng mga tulang ito noong 1995, magki-kinse anyos lamang ang makatang ito. Mga taon ng haiskul. Panahong bubot pa ang pananaw sa pagtula at mababaw pa ang hagap sa mga bagay-bagay hinggil sa buhay. Pag-ibig, kung hindi man kalibugan, ang nasa isip.

***

Napakasarap balikan ang mga taon na una akong tumula. Ito kasi ang mga panahon, gaya nang nabanggit na, bubot pa ang kaisipan at nasa tangway pa tayo ng kawalang malay at pagkakamalay.

Aaminin natin na karamihan sa tulang matutunghayan sa ibaba, alay sa mga babaing ninais na mahalin at makapiling. Balita natin, may asawa na rin ang ilan sa kanila. May mga anak na rin. Ang iba, hindi na rin natin nabalitaan kung saan napadpad.

***

Taglay ng tula ang halumigmig at alimuom ng batang damdamin. Katawa-tawa para ilan, pero para sa isang batang natututong yumakap at yumapos, humalik at kumuyumos, at dumama at humaplos sa kakaibang sensasyon at katauhan ng pag-ibig: ang tulang nalilikha dahil sa salitang pag-ibig ay tunay na kasiya-siya at pinakamahusay na tulang maisusulat mo. Hanggang sa mabatid mo, sa panahong nagkakaedad ang puso at isip mo, mayroon palang mga bagay na higit pang katula-tula kaysa sa pag-iiba’t sabi nga ng makatang si Alexander Martin S. Remollino, ang paghuhugpong ng titi at puke.

***

Muling inihahandog sa inyo, giliw kong mga tagasubaybay o mambabasa ang mga tulang naisulat, 15 taon na nakararaan. Ibigin ninyo o kamuhian, tanggapin o itakuwil, kayo na po ang bahala. Maligaya at makabuluhang pagbabasa!

***

Awit

Sa saliw ng gitarang lubhang mataginting,
Bayaang damhin ang bawat damdamin…
Damdaming nakapaloob sa bawat awitin,
Awiting nagmula sa tunay kong saloobin.

Pagibig na tapat ang siyang isinasaliw,
Sa himig ng gitara at mga awitin,
Na alay sa iyo nang buong paggiliw,
Taos sa puso’t bukal sa damdamin.

Sa bawat titik ng awit at dalit,
Na taos sa pusong winiwika’t sinasambit,
Dinggin nawa ang bawat kong hibik,
Hibik ng taos at wagas kong pagibig.

Bayaang iparinig sa buong magdamag,
Ang mga awitin ng puso kong tapat.
Ang mga kundiman ng pag-ibig kong wagas
Na siyang sasambitin hanggang sa wakas!

(Mayo 8, 1995; Malabon, Metro Manila)

***

Bulaklak

Sa buong kapanahunan, bibihirang bumukal,
Ang mumunting talulot na hiyas sa parang,
Madaling maluoy ‘pag hinipo ng araw,
Tila dilag na mahinhini na ayaw matanawan.

Sumayaw sa bawat hampas ng hangin,
Sa mata ng madla’y nakakaaliw,
Sa puso ng namimintuho’t nagpapakitang-giliw,
Ay tuwang walang kupas, ligayang walang maliw.

Alay sa Birheng idinadambana,
Sa harap ng altar ay ipinamamanata,
Ligaya at aliw sa bawat makakita,
Pagkat kabanala’y mahihinuha.

Ngunit hindi malirip ang tanang hiwaga,
Na kung bakit miminsan lamang mahinuha,
Ang halimuyak mo’t ganda ay minsan lamang makita,
Dala ba ito ng iyong pagiging mahinhin mo’t ganda?

Ngunit dalangin ko sa tuwina,
Ay muli’t muli kang makasama,
Sa bawat oras na kita’y makita,
O, bulaklak sa huling hininga!

(Mayo 5, 1995; Malabon Metro Manila)

***

Calatagan

Pagibig na tunay ang siyang natagpuan,
Sa mumunting bayan nitong Calatagan,
Tamis ng pagsuyo’t tunay na pagmamahal,
Ang siyang iniaalay sa mga pusong pagal.

Munti mang kapagura’y hindi alintana,
Kapag mukha ng dalaga’y iyong mahinuha.
Sa hinhin, sa bini, ay walang kapara,
Yaring kagandaha’y tala ang hinuha.

Aliw sa puso, tuwa sa damdamin,
Mga alaalang kayhirap limutin,
Sa munting bayan kung iyong lilimiin,
Ang Calatagan ay lunan ng aliw!

Hindi lamang tuwa ang hain sa hapag,
Kundi pagibig, pagliyag na tapat,
Dulot ng mga dalagang walang katulad,
Sa mga anak ni Eva, walang katapat!

Kung kaya dalangin, sa Poong Maykapal,
Yaring bayang munti ay pakaiingatan…
Bayang sa puso’y tunay na kaaliwan,
Ligaya sa dibdib, bisig ng Calatagan!

(Mayo 5, 1995)

***

Dalit

Dinggin ang puso kong umaawit,
ng mga imno ng gintong pagibig,
Na siyang sumasaliw sa sasal na dibdib,
na ang tanging sigaw ay tunay na pagibig.

Dinggin mo nawa sa gitna ng gabi,
Yaring aking puso’y pakinggang maiigi.
Ang mga haranang banggit ng labi,
Dinggin mo nawa nang buong pagkasi.

Bayaang ihayag ang mga damdamin,
Sa saliw na gintong himig ng biyulin,
Sa aking gitara’t mga awitin,
Madama nawa ang tapat kong paggiliw.

Sa tinig kong garalgal, maunawaang lahat,
Yaring mga damdaming sa puso’y namugad,
Sa tapat na pagibig, lahat nag-ugat—
Dinggin nawa ang dalit ng pagibig kong tapat!

(Mayo 6, 1995; Malabon, Metro Manila)

***

Harana

Dinggin mo o, giliw ang aking tinig,
Buong tamis, sa iyo umaawit,
Dulot kaaliwan sa puso’t dibdib,
Aliw mula sa pusong umiibig…

Nawa’y sulyapan, kahit sasandali,
At dinggin ang aking nilulunggati,
Bigyan ng pansin, kahit kakaunti
Itong puso ko, tapunan ng ngiti.

Sa himig na likha ng aking gitara,
Bayaang aliwin, pusong nagdurusa…
Bayaan o giliw na awitan kita,
Nang ang puso mo ay bahagyang sumaya.

Kung hagyang maidlip, bayaang gisingin,
Nitong harana, puso mong nahihimbing…
At sa hatinggabi’y maaaliw na rin,
Yaring aking pusong labis ang panimdim.

Bayaang awitin ang himig ng puso
At nang mahayag ang lihim na pagsuyo…
Bayaan na dalhin sa pinakahulo
Masayang alaalang bitbit ng puso.

At kung maaari ay iyong sabayan,
Itong aking tinig, ng himig mo mahal…
Puso’y haplusin ng iyong pagmamahal,
At nang magdamag ay lumigaya naman.

Bayaan ang mga nilumang kundiman,
Ang siyang sumaliw sa sumpang salaysay,
Nitong pag-irog, tapat na pagmamahal,
Na hindi magmamaliw kailanpaman.

At sa pagsapit nitong bukangliwayway,
Bayaang sa awit ako magpaalam…
Hanggang sa susunod, aking minamahal,
Dinggin nawang muli ang haranang mahal!

(Disyembre 27, 1995; muling tinipa at isinaayos, Mayo 11, 2005)

***

Harana 1

Sa bahaw na tinig niyaring aking gitara,
Bayaang katukin ang puso mo nang harana,
Bayaang buong magdamag ay awitan kita,
Hanggang sa bukangliwayway ay sumapit na.

Tunghayan nawa’t matamang pakinggan,
Ang mga hinaing at mga panambitan,
Ng puso kong sawi at uhaw na uhaw
Sa kakaunting patak ng tapat mong pagmamahal.

Dinggin nawa, o hirang, ang bawat kong awit,
Ang himig ng gitarang puno ng pagibig,
Ang mga kundimang puno ng hibik,
Hibik ng puso kong tapat na umiibig.

At sa pagsapit ng umaga, bilang pahimakas—
Ay bayaang ang luha sa lupa’y pumatak…
Kasabay ng awitin kong buong tamis at timyas
Mapakita sa iyong pagibig ko ay tapat!

(Mayo 8, 1995)

***

Sa Paglubog ng Araw

Idako ang mata sa dakong Silangan,
Tanawin ang araw na handang mamaalam…
Ang lambong sa puso’t abang kalagayan,
Ang ipagsaya mo ng luhang nakahihilam.

Ingiti ang labi, kahit na mapait,
Halakhak at tuwa’y iyong iparinig…
Kahit ang mga ito’y huwad at pilit,
Iyong ipakita sa kanya’y ipamasid.

Kahit na maantak ang sugat sa puso,
Ay iyong ingiti nang buong pagsuyo…
Kahti ang pintig ng diwa at pulso,
Ay tumigil sa gitna ng ikot ng mundo.

Bayaang dayain kahit na pasumandali,
Ang puso’t damdamin, ang diwa mong iwi;
Bayaang tawaging sinungaling ang sarili,
Kung kahapisa’y hindi makandili…

Sa paglubog ng araw, iyong pagbilinan—
Dalhin ang kaluluwa, kasama sa hukay…
Nang yaring pagdurusa’t libong kahapisan,
Ay kahit bahagya’y mapalis, maparam!

(walang petsa)

***

Tala

Hayun! Aking namamalas—
Ang kaniyang kagandahang lubhang matimyas,
Kumikinang-kinang nang buong busilak,
Handog sa mata’y tuwang walang katulad.

Hayun! Aking naaaninag—
Sa kaniyang mukha ang ligayang walang katulad,
Naririnig ko ang bawat halakhak
Na sumasabay sa kaniyang pagkislap.

Ngunit sabi nga ng iba—
Ikaw daw ay mapandaya sa mata…
Ang aliw sa puso’y pansamantala,
Pagkat tuwing bukangliwayway ay mamamaalam na…

Ngunit kahit ganoon ang siyang palad,
Hindi rin kabiguan itong matatawag…
Pagkat paglipas nang buong magdamag,
Ay muli kang makikita’t puso ko’y hawak.

(Mayo 5, 1995; Malabon, Metro-Manila)

10 thoughts on “Mga Lumang Tula

  1. Sa kasamaang palad, hindi ito ang nais kong makita, sadyang walang nailathala sa internet tungkol sa mga luma at sinaunang tula… marahil nakalagak ang mga ito sa national museun…. ngunit magiiwan ako ng konting komento patungkol sa iyong mga tula….
    Kalimitan ng Tulang ito ay walang Sukat, Sa Tulang “Awit” – maganda yung huling tatlong linya sa unang saknong, nagawa mo na ang bawat huli ng linya ay maging unahan ng kasunod na linya, subalit hindi ito gaanong nakapaglaro sa kalawakan ng mga salita, sapagkat ang ilan ay pauli-ulit na nagagamit o mabibigakas…

Leave a reply to maricon Cancel reply