Posted in essay, non-fiction, Other, poem

Hugos

Pagkaminsan, parang sapang tuyo ang hugos o daloy ng mga alaala. Kahit anong pilit, hindi mo mahuhuli ang mga larawan. Parang kilyawan o kulasising nagpapalitapat-lipat sa mga sanga ng punong ipil-ipil. Parang lobong nakakawala sa hangin, na kahit anong pilit na abutin, napakaimposible nang muling mahawakan ang kumawalang pisi.

Mayroong mga panahon namang parang ilog na rumaragasa ang mga alaala. Hindi mo mapigilan ang agos at bugso. Hindi makayanan kahit pa sarhan ang daluyan ng pinagpatung-patong na mga bato at mga siit, kagaya ng ginagawa ng mga beaver sa kanilang tahanan.

***

Ngayong Mayo, sumasargo ang mga gunita sa nananamlay kong utak.

Mayo 10, 1948 nang isilang ang daddy ko, si Abelardo V. Torregoza. Hindi ko siya tunay na ama pero minahal niya ako at inaruga tulad ng isang tunay na anak. Namatay siya noong Nobyembre 2008. Hindi man lamang kami nakapag-usap. Kung nabubuhay pa siya, 63 na sana siya ngayon.

Mahusay na manggagawa ang daddy ko. Bagaman inaabuso, hindi siya nagrereklamo nang husto. Mayroong mga pagkakataong nagbibitiw siya sa trabaho bilang kapitan ng lantsang pangisda, pero hindi mo siya mariringgan na mayroon siyang sinasabing masama laban sa kanyang amo.

Gayon naman talaga ang aktitud ng isang obrero: Hanggang kayang magtiis, magtitiis sa mga pag-aglahi sa kanya. Mayo 1, Internasyunal na Paggunita sa Araw ng Paggawa. Na ginawang Mayo 3 ng nagrereyna-reynahan sa Malakanyang, si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Makapal ang mukha. Talagang abot sa langit ang katigasan ng apog. Hindi na nahiya sa mga obrero. Palibhasa’y hindi nagmula sa lahi ng mga manggagawa. Nagmula kasi siya sa lahi ng mga magnanakaw at taksil sa bayan (tingnan ang buhay ni Juan Macapagal, na pinakaninuno ni Gng. Arroyo dito. At ang isa pa niyang kalahi na si Lazaro Macapagal, dito).

***

Nic Atienza (May 4, 1947-Dec. 5, 2007) and Ka Bay Abadilla (Sept. 13, 1940-May 14, 2008) Photo by Ilang-Ilang D. Quijano

Namatay noong Mayo 14, 2008 ang matalik kong kaibigan at kasama sa pakikibaka at panitikan na si Bayani S. Abadilla. Kanser ang ikinamatay niya. Pero sabi nga ni Mao Zedong, hindi mahalaga ang dahilan o paraan ng kamatayan. Ang kabigatan (halaga) ng kamatayan ng isang tao ay nababatay sa kung ano ang nagawa niya para sa Bayan.

Malaki ang naging ambag ni Ka Bay (magiliw naming turing sa laging nag-aalburutong matanda; pero mabait at maunawain si Ka Bay) sa kilusang mapaglaya ng sambayanan, partikular sa kilusang manggagawa at maralita. Kaya ang kamatayan niya, kasing bigat ng bundok ng Sierra Madre.

Muntik ko nang makalimutang Mayo rin ng isilang si Monico Atienza, isang guro at rebolusyonaryo.

***

Maraming alaala ang Mayo. Panahon ng pamumulaklak. Panahon ng unang ulan na magtutuldok sa tag-araw. Subalit, mukhang imposibleng sumapit agad ang tag-ulan.

Nagmamarkulyo si Haring Pebo. Ayaw niyang lumuluha ang langit. Parang balaraw ang tama ng sikat ng araw sa balat. Nakakapikon at nakaaasar ang init ng araw. Gayunman, nauunawaan ko rin ang kalikasan. Sino nga ba naman ang hindi tatakasan ng bait sa kalupitan ng ilang tao? Patuloy siyang ginagahasa. Patuloy na inuubos ang kanyang katas at bango. Hayop talaga ang mga kapitalista. Walang panama ang mga lintang nagkapit sa balat ng kalabaw. Parang mga kuto. Bundat na’y nagpapakabundat pa. Ang siste, pakakalatin pa ang lahi niyang gahaman doon sa mga bagong sibol na kaisipan sa pamamagitan ng pilosopiya ng indibiduwalismo.

Kinausap ko nga si misis ukol sa ganitong kaisipan. Matatalakay siguro natin ‘yan sa susunod na mga araw.

***

Masarap gawan ng berso ang mga alaala. Kaya naririto, kahit magaspang at salat sa estetika, pagdamutan n’yo na.

Mayo ay buwan ng mga alaala

Nagpipista ang mga alaala
sa suluk-sulok ng isip
sa mga kalyehon ng utak:
puti, pula, itim at asul.
Kahit anong pigil
Dadaloy at dadaloy
Gaya ng agos ng ilog
Patungong karagatan
May pait at tamis
May tabsing at alat
Ang nagpipistang mga alaala
sa suluk-sulok ng utak.
May ngiti at sigok
May sarap at kirot
May halinghing at tangis
Ang mga larawang nagsugat sa isip:
Mukha ng mga kaibigan
Anino ng mga kaaway
Kaway ng mangingibig
Yapos ng kinasusuklaman.
May pangalan at wala
ang mga alaala
May mga ulila
May mga katipan.
At sa paglisan, paglipad
ng mga alipato ng mga gunita:
May bakas na maiiwan
Mga rekuwerdong sasamsamin
At muling isisilid sa baul
Para sa wastong panahon
Muling pawawalan at hahayaang
magliwaliw sa sulok ng isipan
ang mga alaala ng nakaraan:
parang mga paruparo
sa tuwing mamumulaklak
ang mga halaman sa buwan ng Mayo.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s