Ka Roger

05ed
Rogelio Lunasco Ordoñez (September 24, 1940 – May 19, 2016) (Larawan kagandahang loob ng Pinoyweekly.org)

Mayo 19, 2016 nang malagutan ng hininga ang makabayang propesor, manunudling, makata, kuwentista, at peryodista na si Rogelio Lunasco Ordoñez. Ama kung ituring ko siya. Kagaya rin ng pagturing ko kina Ave Perez Jacob, na pumanaw noong ika-8 ng Hunyo, 2015, at Bayani S. Abadilla, na sumakabilang buhay naman noong ika-14 ng Mayo, 2008–na pawang mga kaibigan niya, sa unibersidad man, sa pasulatan man, o sa pakikibaka man sa pagpapalaya ng sambayanan mula sa pagtanikala ng tinaguriang tatlong salot–imperyalismo, burukrata kapitalismo, at piyudalismo–na, noon pa man, ay siyang sumisikil at kumikitil sa pag-asa ng bayan na maging malaya at magkaroon ng pagkakapantay-pantay. Magpatuloy magbasa “Ka Roger”

Guro

french-revolution-pictures-22-622x415
Larawan mula sa http://s.hswstatic.com/gif/french-revolution-pictures-22-622×415.jpg

Ang guro ay wala sa mga paaralan
O kaya naman ay nasa laboratoryong
Sinlamig ng hatinggabing walang bituin.
Wala sila sa mga librong mali-mali ang teksto
Na ginastusan ng bilyun-bilyong piso.
Nasa siping sila ng kasaysayan –
Nasa dibdib ng kalyehon at mga kabudukan
Nasa sentido sila ng nakaraan,
at nasa antatao ng bubuksang kamalayan.
Nasa apoy sila ng mga danas,
Nasa dingas sila ng ilawang dati’y aandap-andap
Ngunit ngayon ay sumasabog na liwanag.
Wala sila sa huwad na pagdiriwang–
Nasa agos sila ng umaapoy na digmaan.

Sangandaan

CROSSROADS
Larawan mula sa squarespace.com

paano kung dumating ang panahon
na muli kayong magtagpo, magkasalubong
kagaya rin noong unang nagtama
ang inyong mga mata, at nanungaw bigla
ang puso sa bintana ng kaluluwa…

babalik pa kaya ang dating tibok
maririnig pa kaya ang dagundong
ng pusong kaytagal na nakulong
sa pananahimik sa isang sulok
dahil sa sakit, hapdi, at kirot…

kirot ng pagwawalay
hapdi na maramdamang
singlamig na ng hatinggabi
bawat haplos, halik, yakap
abo na pusong dating naglalagblab…

paano kung muling magkrus ang mga landas
ano ang alalahanin, ano ang unang gunitang
hahayaang padaluyin sa ilog ng isipan?
ang hapdi, ang kirot, ang sintak ng pagwawalay
o malakas, mabilis na tibo ng puso
na minsang naramdaman
nang magkasalubong sa sangandaan?

alin ang papayagang maghari sa dibdib,
ang umalingawngaw sa sulok ng isip–
ang poot at galit dahil sa naunsyaming pag-ibig
o ang labis na pagkasabik
na muling mayakap ng mga bisig
na minsan, sa isang yugto ng iyong buhay
ay siyang nagpainit sa nanlalamig na kalamnan?

MINSAN NAIISIP KONG KAYHIRAP MAGING MAKATA*

Minsan, naiisip kong
Napakahirap maging makata.
Dahil simbilis minsan ng kidlat
Na gumuguhit lamang sa kalangitan
Bago bumuhos ang ulan,
ang mga salita’t talinghaga
Kaya kayhirap hulihi’t ikulong
Sa puting-puting papel ng iyong imahinasyon…

Kapag ang mga salita’y hindi maikulong sa bisig
At ang mga parirala’y parang isdang nagkisaw-kisaw
Sa ilog na kaybilis ng agos at daloy
Na sa liksi’y hindi mo malambat at masalakab.
Humihiwa sa puso ang bawat sandali
Na ang tanging pang-ampat sa pagdurugo ng diwa
Ay isang malalim na buntung-hininga
Dahil sa panghihinayang na hindi maipinta ang mga kataga.

Ngunit, sa sandaling mahuli mo naman
At mayakap ang mga larawa’t gunita—
Tila kulang naman ang tangang mga salita
At alam na mga talinghaga
Upang maipinta sa isang tula
Ang tamis, pakla, asim, pait,
Kinis, gaspang, ng mga karanasan
Dito sa mundong ibabaw gamit ang buhay na hiram.

Higit na masaklap ang karanasan
Sa mga araw na kahit magdamag
Ang ginagawang pakikisiping sa Mutya ng Panulat—
Nananatiling tuyo, parang linang na bitak-bitak
Ang bawat katagang sa pluma’y humuhulas!
Ay! Kaysaklap kapag dumarating ang gayong mga araw
Dahil ang tula’y walang bunga, may bunga ma’y walang sarap…

Minsa’y dadaing ka’t mananambitan
Sa gabing malamlam ang langit
Kahit pa nakangiti ang mga bituin at buwan—
Makikiusap, mananaghoy upang muling
Amukiin ang Mutya na ikaw ay pagbigyan
Na muling yakapin, haplusin at halikan ka sa gunam-gunam
Ngunit hindi siya iimik, hindi siya kikibo
Tanging malaking guhit, isang mahabang patlang ang sa iyo’y makikitalamitam.

Muli, mapabubuntung-hininga ka’t
Masasabi sa sarili: “Kayhirap palang maging bihag
Ng mga salita’t talinghaga
Kaysaklap palang maging makata…”

Gayunman sa panahong ikaw naman ay lalambingin
At buong tamis na hahagkan ng Mutyang minamahal—
Ay agad na babalong, aalimbukay ang mga imahe
At magpapasalakab ang mga salitang luluksu-lukso,
At magpapaguhit sa blangkong papel ang isang magandang tula:
Soneto, villanelle, tulang salaysay, mga liriko’t haiku…
Masasabi mo naman sa iyong sarili:
“May lungkot ma’t hilahil, may tamis ding aanihin
Kaysarap palang maging alipin ng mga salita;
Kaysarap palang maging makata!”

* Nahagilap sa isang lumang chat, petsa: Marso 10, 2015