Posted in Filipino love poetry, love poem, love poem in Filipino, love poetry, sad poems, tula ng pag-ibig

Sangandaan

CROSSROADS
Larawan mula sa squarespace.com

paano kung dumating ang panahon
na muli kayong magtagpo, magkasalubong
kagaya rin noong unang nagtama
ang inyong mga mata, at nanungaw bigla
ang puso sa bintana ng kaluluwa…

babalik pa kaya ang dating tibok
maririnig pa kaya ang dagundong
ng pusong kaytagal na nakulong
sa pananahimik sa isang sulok
dahil sa sakit, hapdi, at kirot…

kirot ng pagwawalay
hapdi na maramdamang
singlamig na ng hatinggabi
bawat haplos, halik, yakap
abo na pusong dating naglalagblab…

paano kung muling magkrus ang mga landas
ano ang alalahanin, ano ang unang gunitang
hahayaang padaluyin sa ilog ng isipan?
ang hapdi, ang kirot, ang sintak ng pagwawalay
o malakas, mabilis na tibo ng puso
na minsang naramdaman
nang magkasalubong sa sangandaan?

alin ang papayagang maghari sa dibdib,
ang umalingawngaw sa sulok ng isip–
ang poot at galit dahil sa naunsyaming pag-ibig
o ang labis na pagkasabik
na muling mayakap ng mga bisig
na minsan, sa isang yugto ng iyong buhay
ay siyang nagpainit sa nanlalamig na kalamnan?

Posted in love poem, poem

kung bumagyo, bumaha ng mga ala-ala

kung bumabagyo ng mga gunita
gunitang kay tamis at kay pakla,
hayaang lunurin ako ng kanilang pagbaha
lunuring tuluyan ng kanilang pagbaha…

kung bumaha sa isip ng mga larawan mo
larawang tila malaking tukso sa isip at puso
hayaang malunod ako ng mga gunita mo
ng mga gunita mo, hahayaan kong malunod ako.

sapagkat mahirap ang paglimot, oo, kayhirap
laluna’t nakaugat nang malalim sa isip at damdam
parang punongkahoy na nakadipa’t nangangarap
mabuwal man, nabubuhay pa rin basta’t ugat, sa lupa ay lapat…

Posted in love poem

rason

may iba pa ba
na dahilan
kung bakit
puso’y kumakaba
sa tuwing makikita ka
at lumulukso ito
sa tuwing kapiling ka?
ano pa nga ba
ang rason ng ligaya?
ano nga ba?

Posted in love poem

Kung ang Puso’y Isang Ibon

Kung ang puso’y isang ibon
Saan pa ito hahapon?
Kundi sa ‘yong punongkahoy
Doon ito paroroon.

Sapagkat wala nang iba
Lunang masusulingan pa
Kundi pugad ng pagsinta
Sa dibdib mo na kayganda.

Kahit pa nga kasalanan
Kandungan mo’y pamugaran
Parusa ng kalangitan
Hahayaan nang lumatay!

Kung puso’y isang ibon
Saan pa ito hahapon?
Doon sa ‘yong punongkahoy
Doon nga po paroroon…

Posted in love poem

pag-alaala’t paglimot

ihampas sa bato
nang magkadurug-durog
alaalang lipos
ng iyong mukha’t alindog
subalit masaklap,
nakapanggigipupos —
hahagilapin pa rin
sa piraso ng bubog
sinasambang mukha mo
kinahuhumalingang alindog…

Posted in love poem

Tula para sa isang dating pagibig*

Narinig kong muli ang tinig mo
Hindi pa rin siya nagbabago,
Tulad pa rin siya ng dati
Nang huling magniig ating mga kaluluwa:
Malamyos pa rin, walang ‘sing tamis
Tulad ng banayad na ihip ng hangin
Sa dalampasigan, tulad ng tunog ng alon
Tuwing nakikipagniig sa pampang…

Agad kong naisip ang mga mata mo
Anaki’y bituin sa payapang kalangitan.
Sa malamig, malungkot, maligayang
Mga gabi ng buwan ng Disyembre
Mga matang madalas kong titigan noon;
Mga matang nagtatago ng lihim
Na pagkaminsa’y hindi ko mawari, matunton
Kahima’t bukas na aklat ang buhay mo.

Bakit nga kaya? Kahit na lumipas na
Ang libong sandali, tila mga kasasay
Na babalik sa pugad tuwing dapithapon
Ang mga alaala mong madalas nagpapakirot
Sa puso kong halos ayaw nang tumibok—
Parang mga larawang nagsabit sa dingding
Ang mga gunitang nakapagpapamanhid
sa kaluluwa at sa espiritung ayaw manahimik
Dahil laging ibig maglimayon,
Libutin ang dating mga likmuang
Lihim nating tagpuan noon
Subalit mga libingan ngayon
Ng mga naunsiyaming pangarap
At niluoy na pagtatangi at mga pagsamba.

Datapwa’t naroroon pa rin
Ang pag-asang muli’y lingunin,
Tapunan ang sulyap ang mga anino;
Kandiliin sa bisig ang hapay,
Langong diwang naglalakbay
Patungo sa dating likmuan:
Na malayang nahahaplos ang iyong pisngi,
Nahahagkan ang matamis, kimi mong ngiti,
Napapahid ng may pagsuyo ang luhang naglalandas,
Nagbubuhat sa mga mata mong salamin ng mga pangarap,
Naidadaiti ang palad sa iyong magandang balat
Samantalang hindi naman madama ang sarili—
Na malayang nasasabi ang mga salitang

Lagi na lamang kubli tuwing may liwanag
Samantalang naibubulong naman kung gabi;
Kung saan ang katotohanan ang mga ilusyon
At bahagi ng hindi matinag na reyalidad ang mga panaginip.

Upang minsan pa’y malasap ang lasa ng sariling luha
At kandilihin kahit paano ang sariling tuwa;
Namnaming muli ang tamis at pakla ng pag-asang
Pagbibigyan mong muling maihilig ka sa aking balikat
At maampong muli sa aking kandungan, gaya nang dati.
Tulad noong panahong pinaniwala ang sariling
Nasuklian ang mga salita bagaman naroon ang pananahimik:

Tatagpuin muli kita, minsan, isang hapon
Upang suyuin muli puso mong
Singganda ng panginoring pinapula
silahis ng papalubog na araw:
Doon sa likmuang bagaman sumasagi
Sa alaala’y alam kong nalimot na
Dahil ang puso’y siphayo’t narahuyo
Sa kulay ng kalungkutan at impit na pagluha…

* Naisulat noong 2004, muling tinipa at isinaayos ngayong ika-24 ng Hunyo, 2012

Posted in love poem, poem, Uncategorized

Babae sa aking Panaginip

Niyayapos kita sa aking panaginip
Sinisiil ng matatamis, basambasang halik
Ginugunita kita, rito sa aking isip
Sa tuwing hihimlay, sa tuwing iidlip.

At tuwing dumadalaw ka sa aking likmuan
Sa tagong sulok niyaring aking isipan—
Mga halakhak mo ang siyang pumupukaw
Sa sigla ng pusong nahirati sa panglaw.

Ngunit tuwing gumigising at ako’y bumabangon
Ang abang panaginip ay hindi nililingon
Sa aking sapantaha, talaga nga yatang ganoon
Sa panaginip lamang kita aking pinopoon…!

Hunyo 12, 2011; Lungsod ng Antipolo

Posted in love poem

Sakaling Hindi Magtagpo ang Bawat Yapos

Kung hindi magtatagpo
ang bisig sa palibot ng iyong baywang
ni sa guhit man lamang ng iyong leeg
…huwag mong isiping sumpa ang bawat sandali
kundi usal ng dalangin:
Harinawang magbalik
ang mga panahong nagpapanagpo
ang bawat haplos at titig.

Sakali mang ang sa pagitan natin
ay dapyo ng hanging nakapangingiki sa lamig
ay huwag pasisindak sa awit na tahimik
na ayaw isayaw ng mga dahon at siit
hayaan lamang dumaan ang pagkatulig
at saka pakinggan ang kabog
ng naghuhumiyaw na dibdib.

Sapagkat ang pagibig ay kapwa pait at tamis
ligaya at dusa, gabi at araw, lamig at init
panapanahong ang asukal sa lalagyan ay mapapanis
samantalang ang alak na matamis
ay magiging sukang ayaw matikman ng bibig.
gayunman, sakaling ang mga katawan ay hindi magkaniig
ni magkatagpo ang papayapos na bisig:
huwag malulumbay sapagkat maaaring magtagpong muli
ang mga dibdib kahit sa kahibangang mundo
ng walang hanggang pangangarap, at hindi natutupad na mga panaginip.

Lungsod ng Antipolo, Disyembre 9, Alas-10:59 n.g.)