Tanaw sa Panginorin

Inaapuhap natin sa mga bituin
ang kasagutan sa malaon nang bugtong
niyaring ating mga buhay,
hinggil sa pag-iral sa mundong ibabaw.
Tinalunton natin ang daan ng mga tala
habang sinundan kung saan lalapag
ang mga kometang dumaraan lamang–
mga estrangherong umibis sa lansangan
isang hapon ng tag-araw. 10

Itinanong natin kay Lilith ang tungkol sa ating anino.
Ang mga lihim na dako sa ating pagkatao.
Inusisa natin si Chiron sa sugat ng ating espiritu.
Natatakot tayo sa pag-atras ni Mercuriong
tagapagbalita ng mga bathala’t bathaluman
sa malayong kabundukan ng Olympo
sapagkat tila bumabagal ang ikot ng mundo.
At sa pag-atras ng kaniyang mga paang may pakpak
Ay parang pag-atras din ng bisa ng pagkaunawa ng mga tao
at pagkasira ng teknolohiyang nagpapaikot sa ‘ting mundo. 20

Binasa rin natin ang mga palatandaan
sa ginagawang paglamon ni Bakunawa sa buwan
o ni Minokawa kay Haring Sol.
Dinama natin ang silakbo ng lakas
at puwersang nagpapatakbo sa mundong
sinasalamin diumano ng pag-usad
ng mga planeta’t bituing natatanaw lamang
natin sa malayo, sa kalawakang
mas nauunawaan natin ang hiwaga
sa tuwing hahapon ang araw sa Kanluran. 30

Inalam natin ang mitong kakabit ng bawat bituin.
Kinilala natin ang mga pangalang nasusulat sa pisngi ng langit.
Pilit na sinasagot ang bugtong na ibinubuga ng hangin,
ang mga palaisipang nasusulat sa kumot ng dilim.
Nadarama natin kapuwa ang mangha at lagim
sa nangyayaring mga bagay sa kalikasang
sa atin ay nagluwal, at maging sa mga kaganapang
taong kinapal ng Makapangyarihan ang may kagagawan:
mga digmaan, mga sakunang dulot ng kapabayaan
at pagsasamantala ng sangkatauhan kay Inang Kalikasan. 40

Pilit mang binugaw ng siyensiya’t teknolohiya
ang sinasabing usok ng mga pamahiin
subalit nagbabalik ang puso’t kaluluwa natin
sa pag-atado ng mga lihim ng mga lihim
na tanging ang panloob na pandama
ang nakakaalam at nakakikilala
sa mga palatandaang nasa pagitan ng reyalidad at hiraya.
Kaya nagbabalik tayo sa pagmamasid sa galaw
ng araw, ng buwan, ng mga planeta’t bituin
dahil ito ay pananalamin 50

Pananalamin sa katotohanang kapilas
ng mga hiwagang nakikita sa itaas –
sa sangkalawakang mas matanda pa
sa nababatid nating kasaysayan ng lahat.
Subalit hindi lang tayo sa kalawakan tumingin
kundi maging sa mga lihim na mensaheng
nakapalaman sa mga panagimpang
dumadalaw sa tuwing tayo’y nahihimlay.
Dahil ayon sa mga paham: Sa pananigip
nakikipag-usap ang Maykapal. 60

Samantalang sa bangungot naman dumadalaw
ang kampon ng kadilimang
gustong angkinin ang ating diwa’t espiritung
na nagmula sa Maykapal.
At sa pagsisid natin sa hiwaga ng kalikasan,
at maging sa pagmamasid sa galaw
ng sariling isipan at diwang natatago
natatago sa sulok ng ating katauhan
ay unti-unti nating nauunawaang
lahat pala tayo’y magkakaugnay. 70

Ngunit, ang kabatiran nati’y kapiranggot lamang
at ‘di matutuhan ang lahat sa isang dangkal ng buhay.
Gayon man, kahit panganganino lamang
ang nakikitang kasagutan sa malawak na eskima
nitong ating buhay (at maging ng ibang kinapal)
ay nakikini-kinita na natin, na kung lalandasin
nati’y ang landas ng mga bituin
at ang susunda’y ang liwanag ng bukangliwayway
na nagpipinta ng sari-kulay sa panginorin —
hindi tayo maliligaw sa pagkilala sa mga sarili natin… 80

Photo by Scott Lord: https://www.pexels.com/photo/stars-in-galaxy-16880957/

Leave a comment