MINSAN NAIISIP KONG KAYHIRAP MAGING MAKATA*

Minsan, naiisip kong
Napakahirap maging makata.
Dahil simbilis minsan ng kidlat
Na gumuguhit lamang sa kalangitan
Bago bumuhos ang ulan,
ang mga salita’t talinghaga
Kaya kayhirap hulihi’t ikulong
Sa puting-puting papel ng iyong imahinasyon…

Kapag ang mga salita’y hindi maikulong sa bisig
At ang mga parirala’y parang isdang nagkisaw-kisaw
Sa ilog na kaybilis ng agos at daloy
Na sa liksi’y hindi mo malambat at masalakab.
Humihiwa sa puso ang bawat sandali
Na ang tanging pang-ampat sa pagdurugo ng diwa
Ay isang malalim na buntung-hininga
Dahil sa panghihinayang na hindi maipinta ang mga kataga.

Ngunit, sa sandaling mahuli mo naman
At mayakap ang mga larawa’t gunita—
Tila kulang naman ang tangang mga salita
At alam na mga talinghaga
Upang maipinta sa isang tula
Ang tamis, pakla, asim, pait,
Kinis, gaspang, ng mga karanasan
Dito sa mundong ibabaw gamit ang buhay na hiram.

Higit na masaklap ang karanasan
Sa mga araw na kahit magdamag
Ang ginagawang pakikisiping sa Mutya ng Panulat—
Nananatiling tuyo, parang linang na bitak-bitak
Ang bawat katagang sa pluma’y humuhulas!
Ay! Kaysaklap kapag dumarating ang gayong mga araw
Dahil ang tula’y walang bunga, may bunga ma’y walang sarap…

Minsa’y dadaing ka’t mananambitan
Sa gabing malamlam ang langit
Kahit pa nakangiti ang mga bituin at buwan—
Makikiusap, mananaghoy upang muling
Amukiin ang Mutya na ikaw ay pagbigyan
Na muling yakapin, haplusin at halikan ka sa gunam-gunam
Ngunit hindi siya iimik, hindi siya kikibo
Tanging malaking guhit, isang mahabang patlang ang sa iyo’y makikitalamitam.

Muli, mapabubuntung-hininga ka’t
Masasabi sa sarili: “Kayhirap palang maging bihag
Ng mga salita’t talinghaga
Kaysaklap palang maging makata…”

Gayunman sa panahong ikaw naman ay lalambingin
At buong tamis na hahagkan ng Mutyang minamahal—
Ay agad na babalong, aalimbukay ang mga imahe
At magpapasalakab ang mga salitang luluksu-lukso,
At magpapaguhit sa blangkong papel ang isang magandang tula:
Soneto, villanelle, tulang salaysay, mga liriko’t haiku…
Masasabi mo naman sa iyong sarili:
“May lungkot ma’t hilahil, may tamis ding aanihin
Kaysarap palang maging alipin ng mga salita;
Kaysarap palang maging makata!”

* Nahagilap sa isang lumang chat, petsa: Marso 10, 2015

Patuloy na Dumurugo ang Lupa

Patuloy na dumurugo ang lupa
Sa Shariff Aguak, sa lupang pangako
Patuloy na humihiyaw, mga gunitang
hindi mapalabo ng nagdaang mga taon.
Isang kasukalang naging libingan
ng ilang katawang niluray, binistay ng bala.
Hindi namin malilimot ang araw na iyon,
O Shariff Aguak, oo hindi namin malilimot
Sapagkat patuloy na nagdurugo
ang lupa, ang hangin, ang langit doon.
At sa paggunita namin ng madugong araw
ay nangangako kaming hindi kami mabibingi
ng mga sigaw ng kasinungalingan.
At gagawin namin ang lahat
Upang tuluyang maampat,
ang dugong umaagos sa mga lupang
dahil sa katawan ninyo’y nagbitak.

Isang Gabi, Naglakad ako sa Sct. Tobias at Timog Avenue (Naalala kita, Alexander Martin Remollino)

Alexander Martin Remollino (1977-2010)

Alexander Martin Remollino (1977-2010)

nilakad kong muli
mga lansangang nilakaran natin, Alex.
nalanghap bango at sangsang,
ng mga lugar na minsang
naging tagpuan ng puso’t isipan,
kasama ng mga kabagang,
ng mga kakilala’t mga kaibigan…

muling nanariwa lahat,
parang kahapon lang
pinaguusapan nating magkakasama
tungkol sa mga magsasaka
mga lumad, mga obrero,
mga maralitang patuloy
na inaaba ng lumang sistema.

naalala ko pa, na nagbabaliktakan din tayo
hinggil sa pekeng mga progresibo
na nakakabit sa pundilyo
ng salanggapang mga pulitiko
na patuloy na nirarahuyo ang publiko
na maniwala sa panggogoyo
ng internasyunal na mga ahensiyang
tulong ang negosyo.

nakakalungkot, at matagal na rin pala
nang ikaw’y pugtuan ng hininga.
sa pagkain ko sa dating tambayan, naalala kita–
para ngang nakita pa kitang tumutungga
ng paborito mong serbesa
habang ngumagata ng inihaw na tainga.
mahirap nga sigurong mawala
sa puso’t gunita, Alex,
tulad mong malaki ang puso
sa pangangailangan ng masa.