Guro

Ang guro ay wala sa mga paaralan
O kaya naman ay nasa laboratoryong
Sinlamig ng hatinggabing walang bituin.
Wala sila sa mga librong mali-mali ang teksto
Na ginastusan ng bilyun-bilyong piso.
Nasa siping sila ng kasaysayan –
Nasa dibdib ng kalyehon at mga kabudukan
Nasa sentido sila ng nakaraan,
at nasa antatao ng bubuksang kamalayan.
Nasa apoy sila ng mga danas,
Nasa dingas sila ng ilawang dati’y aandap-andap
Ngunit ngayon ay sumasabog na liwanag.
Wala sila sa huwad na pagdiriwang–
Nasa agos sila ng umaapoy na digmaan.

Salakab ng Pluma: “Roma”

sino nga ba silang nasa naeskaparate ng kapalaran kagaya ng sorbetes na tayo ay pinatatakam?

sino nga ba silang nasa naeskaparate ng kapalaran kagaya ng sorbetes na tayo ay pinatatakam?

“SUKI! Psst!” sabi ng puta sa likod ng elektronikong lamparang nasa likod ng bintanang tila eskaparateng nilagyan lamang ng manipis na kurtina para hindi makita kung ano ang milagrong nasa likod ng kapilyang iyon ng mga Magdalena. Continue reading

Nasaan ang puso mo, o Israel?

Hear ye the words of this covenant, and speak unto the men of Judah, and to the inhabitants of Jerusalem; And say thou unto them, Thus saith the LORD God of Israel; Cursed be the man that obeyeth not the words of this covenant,  Which I commanded your fathers in the day that I brought them forth out of the land of Egypt, from the iron furnace, saying, Obey my voice, and do them, according to all which I command you: so shall ye be my people, and I will be your God: That I may perform the oath which I have sworn unto your fathers, to give them a land flowing with milk and honey, as it is this day. Then answered I, and said, So be it, O LORD. – Jeremiah 11: 2 – 5, King James Version (Cambridge Ed.)

 

Umiiyak dugong tumigis sa lupa

Ng mga sanggol at musmos na walang malay.

Nagugutom sila sa iyong kabutihan, o Israel—

Ano’t nagpapatuloy ka sa iyong walang kabuluhang pagsamba?

Ulinigin mo nga, o Israel, ang sabi ng Panginoon mong Dios

Na ang pagsambang katanggap-tanggap sa kaniya’y ganito:

Na alisin ninyo bahid ng dugo sa inyong mga kamay[1]

At gawin ninyong may katarungan inyong mga hatol.

Datapwa, hindi kayo nagsisisunod

Bagkus inyong iniibig inyong mahahalay na pita—

Ang kasakiman para kubkubin ang ibang bayan.

Kaya nga pangangalatin nga kayo

Kagaya ng ginawa noong una at ginagawa ninyo ngayon

Sa mga mamamayan ng Palestina.

Sapagkat walang habag iyong puso o Israel,

Ay hindi ka rin naman kahahabagan.[2]


[1] Isaias 1: 15

[2] Santiago 2: 12 – 13

Bugtong

Hindi masagut-sagot na tanong
Aninong naglalakad sa gabi
Nagkukubli upang huwag maaninaw
sa liwanag ng nagtatayugang poste.
Sa usok, inihuhugis pangarap na kumpis
Itinatago luha sa likod ng ngiti’t bungisngis—
Matapos na maglunoy sa sála at pawis
At nang maibulsa papel na mukha ng bayaning tahimik
Dali-daling tatalilis nang hindi masumpit
Ng liwanag ng araw, pusong lito’t humihibik…

Lungsod ng Antipolo, Rizal; Setyembre 1, 2012

Kayo ang magdala ng makakain…*

Kung may trabahong sapat ang kita at tutulungan ng gobyerno, nang totoo ang sektor ng agrikultura, walang magugutom na Pilipino. (Larawang nakuha sa Internet)

Kung may trabahong sapat ang kita at tutulungan ng gobyerno, nang totoo ang sektor ng agrikultura, walang magugutom na Pilipino. (Larawang nakuha sa Internet)

SABI NG ISANG MATANDANG kasabihang Hindi, “Mahalaga ang pagkain sa pagkatutong espirituwal.” Paano nga ba makapananalangin nang husto ang isang bata kung ang iniisip niya ay isang tasang kanin, isang pritong tuyo at isang tumpok na mga gulay? Kasama sa paghihimala ng Panginoong Hesu-Kristo noong nasa daigdig pa Siya, ay ang pagpapakain sa mga nagugutom (Cf. Mt. 14:13-21; Mk. 6:31-44; Lk. 9:10-17; Jn. 6:5-15;  Mk 8:1-9; at Mt. 15:32-39). Continue reading

Ilang talang ligáw mula sa isang estudyante ng Row 4

Enrollment

Naisangla na ang kaisa-isang
Kalakiang katulong sa bukid.
Kasama ang titulo ng lupang ni
Minana pa kay lolo at lola.

Bilin ni Inang sa akin:
Magpakabait ka anak
Malupit ang lungsod…
Iuwi mo rito anak
Ang dangal na putong
Sa aming ulong ubanin…

Ilang libong piso
Ang lulustayin sa libro
Bayaring hindi yata
Matapus-tapos
Para lamang makapasok
sa kolehiyo’t unibersidad
Na ang gusali’y
Parang singtanda na rin
Ng dinayong lungsod…

Unibersidad

Dunong daw ang dinudukal
Sa apat na sulok ng
Silid aralang ilang utak
Na rin ang tinuruan
Ng katutunang mapang-alipin.

Laboratoryong di magamit
Kasilyas na impiyerno ang amoy.
Gurong singtanda na ni Mahoma.
Kausap lagi ang berdeng pisara.
Librong kinopya rin
Sa gawa ng iba.

Mabuti na lang
May nag-akay
At malawak ang landas
Patungong Mendiola
At sa Plaza Miranda.

Thesis

Ideyang pinagdikitdikit

Ilang libro ang binuklat
Ilang butil ng pawis
Sa noo ang pumatak
Ilang gabing mata’y
Namamaga sa puyat.
Madalas ang reklamo
Ang bulsa ay butas.

Matapos ipasa at
Ipagtanggol lahat—
Ay lintik! Ideyang
Pinagpaguran, nanakawin
lang lahat?

Singko

Kinatatakutan
Ang munting markang pula
Sa dilaw o berde o asul
Kartong lalagdaan
Ng gurong kumakalam din
Ang tiyan…
Abu’t abot ang dasal—
Singko, huwag naman!

Graduation

Entabladong hinintay makita
Mapapanhik na ng dalawang paa.
Subalit ang tanong sa sarili’t
Sa iba—pagkatapos nito,
Buhay ko’y ano na?

Diploma

Kapirasong papel
Anting-anting (daw)
Kontra kahirapan
Subalit ano ang saysay
Kung walang mapasukan?

Tunay na pagkatuto

Nang nag-aral ako ng gredwan
Isa lang ang aking alam—
Kailangang mag-aral para
Hindi maging mangmang.

Nang ako ay magtapos
Sa elementari skul
Isa lang ang dasal—
Makita ko ang haiskul.

Nang magtapos ako ng haiskul
Mapalad na nakatuntong
Sa kolehiyong bilang sa daliri
Ang totoong nakaturol.

Nang nasa kolehiyo na
Napagtanto kong wala
Sa apat na sulok ng silid
Na pinintahan ng puti
O kulay krema ang pagkatuto
Dahil marunong ding
Magsinungaling ang titik ng libro.
Marunong ding magligaw
Ang mga numero gayundin
Ang teoryang pinakakabisado.

Wala sa loob ng tarangkahan
Ang karunungang nakauunawa—

Nasa kabila ng dambuhalang gate
Nasa malapad na lansangan
Na madalas matigmak ng dugo
Dahil sa bangis ng galamay
Niyaong nasa puwesto.

Nasa bukiring ayaw mamunga
Nasa gatla sa noo ng mga magsasaka
Na lagi’t lagi na lamang
Inaagawan ng karapatan
Sa bukid na iniwing buong buhay.

Nasa loob ng pabrikang nagkokoro
Sa pag-ubo ang yayat na manggagawa
Na kulang pa ang limos sa palad
Para ipambili ng parasetamol
Pampawi sa lagnat ng tuberkulosis.

Nasa gitna ng dagat, nasa paraw
Nasa sirang lambat, nasa baling sagwan
Nasa bulok na isdang nakahain
Sa gitna ng hapag-kainan.

Nasa kabundukan, nasa kaparangan
Nasa gitna ng sambayanang
Lagi’t lagi na lamang gahasa
Handusay, kulang-palad
Binabaliw, dinadapurak
Ang kaunting dangal sa sarili.

May aral sa kasaysayan
May aral sa tunggalian
May aral sa tungki ng digmang-bayan.

Hindi lang unibersidad
ang may monopolyo ng pagkatuto.
Dahil ang tunay na talino:
Nasa lipunan. Nasa paglaban.