Guro

Ang guro ay wala sa mga paaralan
O kaya naman ay nasa laboratoryong
Sinlamig ng hatinggabing walang bituin.
Wala sila sa mga librong mali-mali ang teksto
Na ginastusan ng bilyun-bilyong piso.
Nasa siping sila ng kasaysayan –
Nasa dibdib ng kalyehon at mga kabudukan
Nasa sentido sila ng nakaraan,
at nasa antatao ng bubuksang kamalayan.
Nasa apoy sila ng mga danas,
Nasa dingas sila ng ilawang dati’y aandap-andap
Ngunit ngayon ay sumasabog na liwanag.
Wala sila sa huwad na pagdiriwang–
Nasa agos sila ng umaapoy na digmaan.

Patuloy na Dumurugo ang Lupa

Patuloy na dumurugo ang lupa
Sa Shariff Aguak, sa lupang pangako
Patuloy na humihiyaw, mga gunitang
hindi mapalabo ng nagdaang mga taon.
Isang kasukalang naging libingan
ng ilang katawang niluray, binistay ng bala.
Hindi namin malilimot ang araw na iyon,
O Shariff Aguak, oo hindi namin malilimot
Sapagkat patuloy na nagdurugo
ang lupa, ang hangin, ang langit doon.
At sa paggunita namin ng madugong araw
ay nangangako kaming hindi kami mabibingi
ng mga sigaw ng kasinungalingan.
At gagawin namin ang lahat
Upang tuluyang maampat,
ang dugong umaagos sa mga lupang
dahil sa katawan ninyo’y nagbitak.

Ang Hula

Manangis ka, o bayan ko
Sa kasakunaang nakaamba
Sa sinapupunan mo.
Paknitin mo ang iyong damit
Gaya ng pagluluksa nang una
Buhusan mo ng abo ng iyong mga ninuno
Ang iyong ulo, at manangis ka nang buong kapaitan
Sapagkat may kasakunaang nakaamba sa iyong sinapupunan…

Nakaagpang na pangil ng halimaw
Sa iyong leeg, sa iyong magandang leeg
O inang bayang sininta ng araw
Ipinagpapatutot ka iyong mga pinuno
Ipinalamas sa kanila ang iyong dibdib
Binayaang gahasain ka nila
Sa ngalan ng ginto at pilak
Sa ngalan ng tsokolate at gayak
Sa ngalan ng kapangyarihang ‘di rin magtatagal.

Manangis ka, o bayan ko
At simulang gahakin ang gayak
Na kaloob ng multo at anino.
Anong sakit na ikaw mismo,
Ikaw mismo ang magtitirik
Ng kandilang tatanglaw sa burol mo
At ikaw rin ang yayari ng ataul
Na paglalagakan ng iyong katawang
Karumaldumal na kinatay.

Ano, bayan ko? Hindi mo ba ihahanda
Ang iyong pamandong at sariling pangluksa
Na gayak mo rin sa gabi ng iyong kamatayan?
Hindi mo ba ipaghahanda ang iyong mga bisita
Ng biskotso, kapeng matabang, at tagulaylay
Sa gabi ng iyong walang hanggang paglalamay?
O bayan ko, malibang imulat mo mga mata,
At talasan mo ang iyong pakiramdam
Ay hindi mo malalaman
Hindi mo mababatid kung paano ililigtas sarili
Sa hula, sa propesiyang ito na nailagda na,
Naisulat na noon pa mang una,
Niyaong hindi kinulaba ang mata’t
Hindi kinalyo ang espiritu’t kaluluwa…

Lungsod ng Antipolo, ika-30 ng Hulyo 2012.

MGA LUMANG TULA (ca. 2005)

Sa Iyo, Kasama

Minsan pa, kahit puyat—
Ginising ang ulirat mo
ng alarma ng relo.

Kailangang tumiplag
Kahit namimigat sa antok
Ang iyong mga mata.

Pilit na inapuhap
Ang diwang kumalat
Sa nakaraang idlip.

Sa usok ng kape,
Kaunting subo ng pan de sal
Inihanda ang sarili
Sa isang mahabang araw.

Halos hindi sumayad
Sa tuyong balat
Ang tubig at sabon.
Agad na nag-anlaw.
Baka mahuli—
isip-isip mo—
Sa pupuntahan.

Pagdating sa bulwagan
Agad kang nakipagsiksikan.
Matiyagang pinakinggan
Ang tining ng mga dignitaryo’t
Nagmamagaling na diputado.

Sa gitna ng mga talumpati
Nang paggiit, pagtanggi—
Dinig mo ang bulung-bulungan
Nilang katulad mong
Sa isyu at balita ng lipunan
Nabubuhay.

Tapos na ang sesyon.
Salimbayan ang mga paang
Nag-uunahan sa dulo ng bulwagan.

Agad na hinarap ang kompiyuter.
Simbilis ng kitig ng ugat
Sa halos bumigay nang utak
Ang tipa ng daliri.

Kailangang matapos
Bago mag-alas dos.
O panibagong memo ni Boss?

Matapos ang ilang subo ng papel
Sa fax machine at ilang
Kuriring ng telepono,
Nakahinga ka rin.

Kakain nang tanghalian.
Ilang minuto, ilang saglit
na pahinga sa ginawaang mesa.

Ilang saglit pa—
May ngiti sa labing
Nagpaalam ka sa kanila.
Halos hindi pansin
Ang pagkaway mo.
Subsob ang kanilang ulo,
Tutok ang mata sa iskrin.

Ilang segundo lang.
Paglabas sa bulwagan,
Sa gitna ng katahimikan
At tirik na sikat ng araw
Ilang putok ang umalingawngaw.

Kanina lang binubuno ang balita.
Ngayon, ikaw ang ibinabalita.
Nagsusumigaw ang ulo sa diyaryo.

Mayo 16, 2005
Sta. Mesa Maynila

***

Kalatas mula sa Nag-uumulol na Tanda ng mga Panahon

Nang nanginginig sa gutom
Ang 11 milyong dapat
Ay itinuring mong mga anak—
Hindi ka kumibo…
Sa halip na harapin
Ang katotohanang
Maraming bituka ang
Butas-butas dahil
Walang mailaman,
Dinaya mo pa ang tantos
at buong pagmamalaking sinabi:
Ang iyong republika’y
Mayaman at hindi hikahos
Na may bigas na maisasaing
At maipapangat na galunggong
Ang mga nasa barungbarong.

Nang ang mga maralita’y
Magtirik ng lata’t sakong
Masisilungan sa baybay Pasig,
Sa ilalim ng tulay ng Kiyapo’t
Kung saang sulok, sa ibabaw
Ng umaalingasaw na estero—
Sa pagdatal ng umaangil
Na mga buldoser at
Mga matong handang pumatay
Mapalayas lamang sila
Sa lupang kinatitirikan
Para bigyang daan, mga imprastrakturang
Ng mga sakim na negosyante’t mangangalakal
Na yumaman sa pagsipsip ng dugo
Ng hilahod nang mga anakpawis—
Tuwang tuwa kapang sinasambit:
“Narito na silang magbibigay ng trabaho
At susuhay sa aking Matatag na Republika!”

Sa kabila ng mga pagtangis,
Pagtiim bagang habang minamasdan
Ang mga bahay nilang
Sinusupok ng apoy
At ginigiba ng mga maton
At habang ang ilan ay naglalamay
Sa pagkamatay ng kanilang kabiyak
Na nagtangkang damputin ang
Yerong nalaglag mula sa bubungan—
Nanatili kang tahimik at kampanteng
Nakikipaghuntahan sa kung sinomang
Mag-aakyat pa ng kung ilang yaman
Sa kabang yamang iilan din naman
Ang mabubusog at makikinabang.

Nang ang mga manggagawa’y
Nag-aklas para hingin sa kapitalista
Ang umento sa sahod nila
Wala ni imik ang narinig sa bibig
Nang walang habas na pagbabarilin
At parang hayop na tinugis
Ng mga aso ng asendero’t
Propitaryo ang mga nagsipagpulasang
Manggagawa, magsasakang gutom na noon
At dayukdok pa rin ngayon.

Nang paslangin silang nakikipaglaban
Para sa pambansang kapakana’t
Karapatan ng mga mamamayan
Hindi ka rin kumibo… nanatili
kang tahimik bagaman alam
mong inosente ang ibinubong dugo.
Pinarangalan mo pa ang mga salarin
At ipinaghanda ng isang malaking piging.

Gayundin, nang bumulagta
Ang mga mamamahayag na nagbubulgar
Ng maling asal at tiwaling gawa
Ng ilang opisyal—ganti mo’y
Limang milyong pisong
Suhol para mapaglubag ang loob
Ng kanilang naulilang mahal sa buhay…
Buong pag-aakala’y gayon na lamang
Ang tamang gawin sa kanilang parangal…

Sa buong panahon ng iyong
Pagngiti, pagkaway at pananahimik—
Sa hindi mo pagkibo sa hilahil
ng bayan na patuloy na dinadayukdok
ng kasakiman ng iilan—
Kami ngayon ang kikibo!
Sa hukuman ng kasaysayan
Ang iyong hindi sinaklolohan
Nang salakayin ng salabusab
At hayok sa yaman—
Hahatulan ka namin—
Hindi ka na magtatagal
Sa iyong luklukan!
Bilang na ang iyong araw!
Nasa bayan ang kasaysayan!

Hunyo 17, 2005
Lungsod Quezon

***

Sapagkat kami’y hindi malabo ang paningin

Hindi mo na kami mapaglalangan.
Tapos na ang panahon ng pagkaulol
Ang paniniwala sa mga pangakong
Nasa gintong katingan, sa dulo ng bahaghari.

Alam na naming hindi lahat
Nang kumikinang ay ginto.
Kumikinang din ang bubog
Na nakatitibo at maging ang tanso.

Pinaniwala mo kaming labis
Na ikaw ang Mesiyas
Ang siyang magliligtas
Sa amin sa pagkadayukdok.

Subalit nagkamali kami.
Ikaw ang Hudas na humalik
Sa aming pisngi’t
Nagkanulo sa amin sa pagkaduhagi.

Napaniwala mo kami noon
Ikaw ang propeta ng Magandang Balita.
Malinaw na sa amin ngayon
Isa kang Fariseo—ang mapagpaimbabaw!

Wala ang pusong busilak.
Wala ang sinasabing habag.
Wala ang sinasabing pagibig.
Wala ang sinasabing pagmamalasakit.

Nakita na namin.
Wala nang kulaba ang aming mga mata:

Sa gitna ng aming pagtangis
Nakikipaghalakhakan ka.

Sa gitna ng aming pagkaaba,
Nagpakabundat ka sa katas ng aming dugo.

Sa aming pagkaduhagi sa kuko ng limbas
Nakiamot ka mula sa aming laman.
Ngayon, hahatulan ka namin.
Hindi sa hukumang katig sa iyo
Kundi sa aming hukuman.
Milyong kaluluwa ang sasaksi.
Ilalagda maging ang kanilang dugo.
Nakita ka nilang tahimik na pumapaslang.

Duguan ang iyong mga kamay.
Nangangapal ang bulsa mo sa pagnanakaw.
Sinagpang mo sa leeg ang aming mga anak.
Ipinagahasa ang aming puri.
Ipinapaslang ang nagsisilbi naming tinig.

Hindi mo maitatanggi.
Hindi ka makapagtatatwa.

Nakita ka namin.
Sapagkat hindi malabo ang aming paningin!

Hulyo 5, 2005
Lungsod Quezon

Sa ilalim ng mga alapaap

napapangarap kita
sa ilalim ng mga alapaap
na napipintahan ng pulang silahis
ng gintong araw.

ang iyong mukhang kayganda
at ang iyong anyong kay aliwalas
ang larawang hagap ng aking
nananabik na gunita.

kailan ka makakapiling?
kailan maikukulong sa aking bisig,
ikaw na kalayaang matagal nang inaasam
na mahagkan ng bayan kong
malaon nang lunod sa lunggati?

Tapusin mo na ang pagluha, Inang Bayan

tapusin mo na ang pagtangis
Ina naming mahal
tumahan ka na’t
ang paglaya mo’y naghihintay
hayaang talunin ang pagsigok mo
ng mga putok ng baril
at dagundong ng kanyon
ng nag-uumalab na Digmaan
sapagkat ang paglaya’y
hindi sa patak ng luha makakamtan
kundi sa pakikibaka’t
paglupig sa mga kaaway!
tahan na o Inang Bayan
ang mga Anak mo
nagsisimula nang magtagumpay!

Ang ‘Ipuipo sa Piging’ at ang mga agiw sa aklatan

Mahigit na apat na dekada na ang nakali­lipas nang mailathala ang unang kalipunan ng mga akdang masasabi nating nakapagpabago sa mukha ng panitikang nasusulat sa wikang pambansa—ang “Mga Agos sa Disyerto” nina Efren R. Abueg, Dominador B. Mirasol (RIP), Rogelio L. Ordoñez, Edgardo M. Reyes at Rogelio Sikat (RIP).

Ngayon, muling binulabog ang tila natutulog na mundo ng panitik nang ilunsad kamakailan lang ang isang ­aklat-kalipunan ng mga tula at sanaysay na binubuo ng 32 makata’t manunulat na nabi­bilang sa iba’t ibang henerasyon ng panitikang Pilipino: ang “Ipuipo sa Piging (IsP).”

Mapangahas, kung hindi man talagang radikal ang na­ging layunin ng pagtitipon, paglalathala at pamamahagi ng “IsP.” Sabi nga ng publisador nitong si Atty. Fermin S. Salvador na nakabase nga­yon sa Estados Unidos, “Ang ‘Ipuipo sa Piging’ ay isang pagtatangkang makapaghatid ng pag-asa sa sambaya­nan. May iba pang tinig para sa lahing Pilipino. May iba pang hanay ng mga manunulat.

Naniniwala si Salvador na ang “IsP” ang maaaring magbigay-daan o maglinis ng daan para sa isang maaliwalas na bukas ng panitikang Pilipinong patuloy na inilalako bilang mapagkakikitaang kalakal lamang at hindi bahagi ng paglilinang ng isang makabago at makabayang kaisipan.

Higit sa alimpuyo ng damdamin ang mga akdang kinipil sa 328-pahinang aklat na “IsP”—tulad ng mga tula ng iba’t ibang uri ng babae’t ina, ang katipunan ng tula ni Diana Galaura Cabote na napa­sama sa kalipunan (“Walang Duda”, pp. 24–34), kagaya rin ng tulang kalipunang isinumite sa akda ni Andang Juan (“Instant”, pp. 36–37).

Matalas na komentaryong panlipunan ang birada sa mga tula nina Pia Montalban (“Bertud at Iba Pang Berso Rojo”, pp. 39–42); “Salu­ngat sa Agos” ni Ed Nelson R. Labao (pp. 51–70); “Ikaw na Inilubog sa Anestisya” ni Dennis Espada (pp. 116–135); “Tulong” (Tulang Bugtong) ni Danny Diaz; “Sunny Side Up” ni German Gervacio (pp. 151–158); samantalang lasap at ramdam mo ang mapapait na obserbasyon sa lipunan ni Kris­toffer Berse sa kanyang “Mga Marka ng Bahala.”

Ilan lamang ang mga nabanggit sa wasiwas ng hanging nakapaloob sa mga pahina ng “IsP.” At marami ngang umaasa, na kahit ang ibang kawing ng hangin-ng-buhawi’y parang mahinang tampal lamang sa sistema, na ang dumi sa lansangan ng panitikan ay tuluyang mapawid at maiwala ng hampas ng “Ipuipo sa Piging.”*

*Nalathala sa PINAS: The Filipino’s Global Newspaper. Maraming-maraming salamat sa aking mga editor, partikular kay Sel Barlam-Bautista at kay Manny de la Cruz sa paglalathala ng munting libro-repasong ito.