Guro

Ang guro ay wala sa mga paaralan
O kaya naman ay nasa laboratoryong
Sinlamig ng hatinggabing walang bituin.
Wala sila sa mga librong mali-mali ang teksto
Na ginastusan ng bilyun-bilyong piso.
Nasa siping sila ng kasaysayan –
Nasa dibdib ng kalyehon at mga kabudukan
Nasa sentido sila ng nakaraan,
at nasa antatao ng bubuksang kamalayan.
Nasa apoy sila ng mga danas,
Nasa dingas sila ng ilawang dati’y aandap-andap
Ngunit ngayon ay sumasabog na liwanag.
Wala sila sa huwad na pagdiriwang–
Nasa agos sila ng umaapoy na digmaan.

Balintuwad

Batubato sa langit
ang tamaan ay huwag magagalit…

– isang matandang kasabihang Tagàlog

Muling pinabangon ang mga bangungot,
ng nagdaang pilit na ngang nililimot,
Bugtong kang mahirap makita ang sagot,
Isa ka kayang banat, na sablay ang hugot?

Dating walang batik, bakit ngayo’y mamantsa?
Kumbaga sa damit, kapit na kapit na,
Hindi na maaalis, kahit na ikula,
Hindi matatanggal kahit ibabad pa!

Sabi mo noon, sa katuwiran kang lagi,
Pagtapos nakisama sa mga taong tabingi:
Una’y sa sugarol at mahilig sa babae,
Tapat sa kapital, taksil sa trabahante!

Ikalawang saliwa na iyong nagawa,
Ipagtanggol ang babaing dangal ay wala.
Kahit saan mo tingnan, iyan ay kakatwa,
Sabihing matuwid ang gawang hidwâ.

Kamakailan lamang nagulat ang tao,
Nang makipagdaop-palad ka sa mamatay-tao.
Aba’y ano na nga ba’ng nangyayari sa iyo?
Tinakasan ng bait at naging luku-luko?