kaarawan

Para sa Unang Anibersaryo ng Sigliwa – ilang pagmumuni-muni

binibilang-bilang
mga dahong nalagas
ng kalendaryong
araw-araw naagnas.

at napagtantong
isang taon nang singkad
ang likmuang ito
sa kalawakang birtuwal.

isang taong pagtititik
ng mga karanasan
isang taong paguubos
ng kuryente’t tiktak ng orasan.

ngayon nga ay dapat na magdiwang
sapagkat sa isang taong nagdaan
mga akda rito kundi man naluto
sana ay di rin naman nahilaw.

hunting

target: activists

inasinta ang ibig silain
sinigurong sa ulo ang tama
para patay agad ang target.

“Bang!” alingawngaw ng baril
Waring humahagibis na hangin
ang iniluwang punglo.

dumapo sa katawan
sa ulo, sa dibdib
biktima’y agad tumimbuwang.

nagmamadaling tumalilis
ang dakilang mangangaso
hindi na pinagkaabalahang
kunin ang sinila nito

pinasibad ang anumang sinasakyan
kaykay, liparan ang alikabok
sa bawat lansangang dinaanan.

ang dakilang mangangaso
hayun! nakasaludo sa heneral
Mission accomplished, Sir!”

ilang araw pa – ang mangagaso
namumutiktik ang dibdib sa medalyang tanso
matapos ang seremonya’y
muling isinuksok ang baril –
maraming pabuya’ng kakamtin
kung makararami ng aktibistang papatayin!

MILAGRO

Miracle of the Loaves and Fishes, Lambert Lombard

naghihintay tayo araw-araw
sa pag-ulan ng tinatawag
nating milagro o himala

naghihintay tayong
maglakad ang lumpo
makakita ang bulag
makaawit ang pipi
umulan ng salapi

ang hindi natin nababatid
at bihira nating mapagtanto
na tayo mismo ang himala
ang milagro ng Diyos
dito sa ibabaw ng lupa.

ngunit dahil sa pagkalimot
hindi tayo nagiging milagro ng Diyos
kundi ipot, kulapol ng dumi
na nagpapadugyot
sa mundong sa pag-ibig ay kapos.

panukat

Ancient of Days (God as an Architect) by William Blake

Araw-araw, dinadangkal
ang bawat pulgada
ng ating maikling buhay.

Tinatakal, tinitimbang
ang ating kahulugan
sa mundong ibabaw.

Sinusukat, pinikpik
Ang bawat gawa,
at hininga ng puso’t isip.

Dahil sa isang saglit
sa huling paghigit —
Sasapit tayo sa araw
ng Dakilang Pagsusulit…

Nalathala sa Facebook bilang “Pagdangkal ng Araw,” Hulyo 11, 2010.

sigaw

Silence of the Storm by angelreich

sumigaw ako
at gumanti ang alingawngaw
at nakita ko ang sarili
na ang tanging yapos
ay ang nakabibinging katahimikan

muli kong tiningnan
ang kuwadrong nakasabit sa dingding
subalit ang tanging naapuhap
ay ang mukha, ang anino
sa basag nitong salamin

napabuntunghininga ako
ibinulong sa hangin ang pangalan mo
at muling sumigaw,
ang umalingawngaw
sa pandinig ng puso’y
nakabibinging katahimikan
at ang yumapos sa kalul’wa
ang malamig na hanging amihan…

Facebook, Hulyo 2, 2010.

sibol

ang lupang tigang
alalaong baga’y ang dibdib ng magsasaka:
kapag dinilig mo ng dugo
at pinataba ng luha
ang ibubunga nito
ay isang malagablab at
nagaalimpuyong digma!

(para sa mga taga-Hacienda Yulo, Hulyo 3, 2010; nalathala sa Facebook)

Pagnanasa

Katawan ay marupok na banga

Sa kaunting ligatik, mababasag ang bibinga

Gayundin ang kaluluwa

Kapag nadarang sa nasa

Parang kahoy, masusupok

Magdidiklap, magbabaga

Alipato’y lilipad—

Ang anak ng sigâ

Kapag nadaiti sa dayami’y

Sunog ang linilikha.

At kapag ang lahat-lahat, nalamon na ng apoy

Walang matitira kundi ang abo niyon.

“?”

Magaspang ang tulang ito. Pero inilathala ko na rin. Baka mapanis at wala nang pakinabangin. Maligayang panonood at pagbabasa! Pero siyempre, mas malamang ang paghingi ng dispensa. Mayroong typographical errors kasi, at mahihinang linya. Pero pagtiyagaan na. Iyan lamang ngayon ang kaya…

Itanong mo sa palay, sa lupa

Sa iyo, sa iyo na itinuturing
ang sarili na salbador ng bayan
Dinggin mo ang sigaw
ng bawat uhay ng palay

Damhin ang bawat pintig
ng kayumangging lupang
sa iyo ay nanawagan;
At kuruhin ang kanilang
mga lihim na kasaysayan.

Ikaw, ikaw na ang turing
ay tagapagdala ng katuwiran –
Itanong mo sa kanila
ang mga pangalan
niyong nagpapala
sa kanila nang tunay.

Kung kaninong hininga
ang sa kanila’y bumubuhay
at kung kaninong mga mata
ang sa kanila’y tumatanglaw…

Kung kaninong pawis at luha
ang sa kanila’y dumidilig;
At kung kaninong panangis
ang sa parang ay maririnig
sa tuwing inaani’y
isang sakong binlid
at bigkis-bigkis
na tubóng kay asim o walang tamis.

Ikaw, na turing sa sarili’y pag-asa
Napagtatanto mo ba ang maging tunay na aba?
O nabigyang ginhawa ang magsasaka
sa sarili mong asyenda?
Nabigyan mo ba at ng iyong ina ng katarungan
ang dugong tumapon sa Luisita’t Mendiola?

Kung tunay ngang pag-asa
at katarungan ang iyong dala:
Bumaba ka sa lupa—
At muling itanong sa kanya
ang tunay niyang ninanasa…

Kung kanino siya papanig
At kung sino ang ibig
na gabi at araw makaniig:

Sa mga nakatira sa batong mansiyon
o sa nagtitiis sa kubong pawid?
Sa mga hindi nagpapatulo ng pawis
O doon sa nakatangan sa karit?

Ulan

sa pagluha ng langit
nitong nagdaang
mga gabi at araw

namumula nang muli
at nagdadahon
ang punong kabalyero

namumunga na rin unti-unti
ang kalapit na puno
ng malunggay at abokado

ang talahib na tinabas
ay muling tumataas
at nagdadahon

ang saging na sinibak
ayon, at mayroon
na ring bagong sibol

kaysarap na makitang
muling naglulunti
ang paligid na tinuyo ng El Niño

subalit ibang ulan
ang ibig nitong
natutuyong puso’t isip ko

ibig ko ay ang ulan
ang bagyo, ang ipu-ipo
ng panlipunang pagbabago

na magpapanariwa
sa natigang
na bayan ko.

kailan kaya darating
ang pinakaasam
na pagpatak at pagbayo?