Si Atty. Edwin Lacierda at ang mito ng pagtaas ng presyo ng langis

Atty. Edwin Lacierda (indolentindio.com)

HINDI KO maiwasang mamangha sa mamang na pinakabibig ng Malakanyang.

Sabi niya, napaka-inconsistent ng grupong PISTON [Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide] dahil nagpoprotesta ito sa pagtaas ng presyo ng langis, naggigiit na tanggalin ang value-added tax [VAT] sa mga produktong petrolyo, at nananawagan para sa pagsasabansa ng industriya na kinopo ng tatlong dambuhalang kompanyang Chevron, Shell at Petron — na ang huli’y dating pag-aari ng gobyerno na ipinagbili noong 1994 sa Aramco at simula noon, ang kalbaryo ng mga mamamayan sa taas-baba [na mas malamang ang pagtaas kaysa pagbaba] ng presyo ng langis, subalit ngayon ay naghain na rin ng kanilang petisyon ng taas-singil sa pasahe. [Nga pala, habang inia-update natin ang blog na ito, nagdagdag na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng singkuwenta sentimos (50¢) sa pasahe o minimum fare].

Pero, hindi ito ang laman ng ating munting diskurso kundi ang ilang kabalintunaan sa posisyon ng gobyerno hinggil sa pigil-taas sa presyo ng langis. Continue reading

Letra

Madalas, nakikipaghabulan ang isang manunulat sa mga titik at mga salita...

MADALAS, kaysa hindi, nakikipaghabulan at nakikipag-asaran ako sa mga letra. Mapa-balita, mapa-sanaysay, mapa-tula. Para kasing kayhirap nilang hulihin at kapag nahuli mo na’y kayhirap namang pagdugtung-dugtungin, parang maninipis na lastiko na sa kaunting higit-lubay, mapuputol. At kung ibubuhol mo naman para magdugtong, parang nakaaasiwa naman dahil hindi siya buo at laging mapapansin ang dugtong.  Continue reading

“?”

BIHIRA akong magtanong. Reporter ako kung saan-saang publikasyon, pero lagi kong kinahihiyaang magtanong. Baka kasi ‘di ko magustuhan ang sagot o baka mali ang aking itatanong o pamamaraan ng pagtatanong. Kaya kinahihiyaan kong madalas, ang magtanong.  Continue reading

sahod-ulan

tigang pagkaminsan ang bukid ng isipan...

Siyam-siyam ang ulan. Subalit minsan, ang patak ng ulan sa atip ng isipan ay napakadalang. Parang paghihintay sa pagpatak ng ulan sa alinmang maumidong araw sa buwan ng Marso.

***

Kagaya ng pinitak sa tuwing sasapit ang tagtuyot, bitak-bitak na dumarating na mga kaisipan. Waring mababasag ang bawat piraso kapag pilit na pinaghugpong at walang silbing pagpatubuan ng anuman. Malibang may nakaantabay na ipong tubig sa balon o malaking katingan at pagtiyagaang pawiin ang bawat bitak sa pamamagitan ng pagpapadaloy ng sariwang tubig sa sugatang kaisipan.

***

Pagkaminsan, tila bagyo naman ang dating ng mga kaisipan — humahagunot, bumabayo. Napakahirap paamuin, napakahirap na pigilin. At sa ganitong panahon — para-parang ibig na mapagod ang isip at ipanalangin ang kagyat na paghinto sapagkat ang naunang naipunlang magagandang pangitain ay unti-unting nababalaho, naglalaho: tinangay na ng malakas na hangin at linunod ng ulang pabugsu-bugso.

***

Sinasahod ng isip ko ngayon ang ambon. Uhaw siya sa bagong mga kaisipan — banal at karnal. Nauuhaw siya at agad niyang isinasahod ang kanyang dila sa ambong hindi man lamang makabasa ng kanyang barong suot. Subalit maghihintay siya at hindi maaampat ang kanyang pananabik. Kapag lumakas ang ulan, isasahod niya ang basag-ang-bibigang tapayan para roon ipunin ang ilang matamis at mapaklang patak ng ulan.

Kung lumakas man ang turbunada, magsiyam-siyam man ang ulan ay walang takot siyang lalabas at sasalunga sa alimpuyo ng hangin at agos. Bakit? Dahil uhaw siyang katulad ng bukid na ilang ulit na pinagkaitan ng patak ng ulan. Kaya, kahit na umapaw pa’t hindi niya kayang tanganan — hahayaan lamang niyang dumaloy at umapaw ang lahat ng ideya… at saka naman niya pababayaang lunurin ng mga salita ang blangkong papel na nasa harap niya…

Sa aking mga mambabasa

Sa ika-17 ng Hulyo, magdadalawang taon nang lumalangoy sa kalawakan ng birtuwal na reyalidad ang blog na ito. Sa loob ng dalawang taon, mahigit 40 libong katao na ang tumingin at nag-usisa sa kung anumang kabaliwang nasusulat dito: mga tula ng protesta; nakaririmarim at pagkaminsa’y malibog na kuwentong buhay; mga sanaysay na naglalaman ng kuru-kuro; at mga larawang hinalbot sa kung saang website at inilagay rito. Continue reading