Guro

Ang guro ay wala sa mga paaralan
O kaya naman ay nasa laboratoryong
Sinlamig ng hatinggabing walang bituin.
Wala sila sa mga librong mali-mali ang teksto
Na ginastusan ng bilyun-bilyong piso.
Nasa siping sila ng kasaysayan –
Nasa dibdib ng kalyehon at mga kabudukan
Nasa sentido sila ng nakaraan,
at nasa antatao ng bubuksang kamalayan.
Nasa apoy sila ng mga danas,
Nasa dingas sila ng ilawang dati’y aandap-andap
Ngunit ngayon ay sumasabog na liwanag.
Wala sila sa huwad na pagdiriwang–
Nasa agos sila ng umaapoy na digmaan.

Bugtong

Hindi masagut-sagot na tanong
Aninong naglalakad sa gabi
Nagkukubli upang huwag maaninaw
sa liwanag ng nagtatayugang poste.
Sa usok, inihuhugis pangarap na kumpis
Itinatago luha sa likod ng ngiti’t bungisngis—
Matapos na maglunoy sa sála at pawis
At nang maibulsa papel na mukha ng bayaning tahimik
Dali-daling tatalilis nang hindi masumpit
Ng liwanag ng araw, pusong lito’t humihibik…

Lungsod ng Antipolo, Rizal; Setyembre 1, 2012

bagaman wala kayo*

bagaman wala kayo rito
naririto pa rin kayo
nakadambana sa aming mga puso.
bawat antak at sikad
ng aming kaluluwa’t dibdib
saliw na awit, talindaw
sa pagpalaot namin
sa karagatan ng tabsing
bibingwitin namin
kabibi ng inyong gunita–
pakikibakang naiwan
pagibig sa bayan.
habang gumagaod kami
sa paghahanap sa inyo
sa suluk-sulok
sa bawat kanto
sa bawat kampo
sa bawat hukay sa sementeryo
ay hinahanap din namin
sa aming mga sarili
tapang at bagsik
upang singilin silang
kumuha’t naglibing sa inyong pilit
sa anino at kuko ng inaamalang
pananahimik…!

—–

*Para sa mga desaparecidos, mga sapilitang nawala…

Singkaw

Paano nga masasabing malaya ka, o Bayan ko? Paanong masasabing hindi nakasingkaw ang pagkatao’t kaluluwa mo?

Oh, alipin ka
ng dayuhang kultura
singkaw ang dila
oh, hindi makapalag
oh, hindi makawala!

Sino baga ang maysala sa gayong lagay mo, oh Bayan ko? Sino ang dapat gumulong ang mga ulo sa kaabahang sinapit mo?

Silang gahaman
Nagpatutot sa iyo
Mga hunyango
lahi niyong bayakan
Diyablong nagsalaman
Nasa estado poder!

 

 

Walang Dapat Makalimot sa Oktubre 24, 1917

sinumang may pusong mapagmahal
sa sariling laya at bayan
ay hindi dapat lumimot
sa isang mahalagang araw
sa inaagiw na pahina ng kasaysayan:
ang ika-24 ng Oktubre, 1917

sa lungsod ng St. Petersburg
sa matandang Rusya
ay nagpasya, Oktubre 24, 1917,
ang mga busabos na tapusin ang pang-uulol
ng naghahari-hariang mga unggoy
at tinanganan nila ang armas
sa wasiwas ng sulo ng Marxismo —
ang agham at diwa ng proletaryo
ay sinalakay nila ang mga nitsong palasyo
at pinalayas ang mga hayop na nagsatao.

kung sinuman sa inyo
na may pagmamahal na lantay sa kanyang puso
at may pagmamalasakit sa kapwa niya tao
ay huwag lilimutin ang petsa kung kailan
nagpasyang lumaban ang mga dungo
upang tuwirin ang landas na liko
at bawiin ang layang matagal nang itinatago
sa mga ataul na pilak at gintong
larawan ng diyus-diyosang walang liwanag sa ulo

tanganan ninyo ang aral
ng pahinang iyon sa kasaysayan
at pakatandaang walang paglayang
hindi pagbubuwisan ng buhay
at walang ibang magkakalas ng tanikalang
nakahabid sa ating katauhan
kundi tayu-tayo rin lamang:
ang inaapi’t tinatapak-tapakang
masang sambayanan.

MARTIAL LAW

para sa kanilang nagsasabing kailangan noong 1972 ang kamay na bakal para mapanatili ang kaayusan at demokrasya sa naghihirap at naghihingalo nang Inang Bayan

basbas ba ng Diyos
ang sikilin ang kalayaan
ng taumbayang hikahos?
hindi.
ito’y kapritso ng mga baliw
sa kapangyariha’t uhaw sa dugo
mga aswang na nagkukunwaring santo
mga dorobong nagkukunwaring pilantropo
mga duwag na nagkukunwang matatapang na sundalo
na ang totoo’y bahag ang buntot
mga walang pangil na aso!

Basbasan mo kami, o alaala ng mga bayani ng Rebolusyong Oktubre 1917

O kayong magigiting na bayaning nagbuwis ng buhay
Sa malawak na plasa’t mga lansangan
Sa palibot ng palasyo ng Tsar
Sa Petrograd at iba pang lungsod sa matandang Rusya:
Basbasan ninyo kami ng gintong agwa bendita
Ng inyong matingkad at purung-purong alaala
Sapagkat kami rin ay naghahangad na patirin

Ang tanikalang inihabid sa amin ng mga kasiki’t naghahari-harian sa aming bayan
Sa pag-ayuda na rin ng imperyalistang panginoon nila
Na nagpapapasasa sa ninakaw na yaman sa maliliit at walang lakas na bansa
Gaya nang sa amin at sa iba pa!

Huwag ninyo kaming biguin, kayong magigiting na obrerong
Naging pulang mga mandirigmang laban sa imperyalismo at Tsarismo!
Bahaginan ninyo kami ng inyong likas na lakas at mayamang talino
Upang mapagtanto namin kung paano wastong maigaod ang bangka ng Digmang Bayan
Sa bawat gubat at bundok ng aming binusabos, ginahasang bayan
Sa bawat dagat at ilog at sapa na tinuyo’t pinarumi ng labis na paghahangad ng yaman
Sa bawat pantalan na pinagbababaab ng dayong kalakal na pumapatay sa kabuhayan ng laksa-laksang maliliit na magbubukid at negosyanteng gulugod ng pambansang ekonomiya.
Sa bawat lansanga’t eskinita ng ninanasang kubkubing kalungsuran!

Ay! Ituro ninyo sa amin kung paanong wastong mailalapat sa aming kalagayan
Ang teoryang hinubog nina Marx, Engels, Lenin at Stalin
At kung paano namin magagamit ang talas ng kanilang kaisipan
Para ilantad ang katulad nina Trotsky at mga kasapakat na taksil sa rebolusyonaryong kaisipan.

O kayong mga bayaning nagbuwis ng buhay riyan sa Petrograd
At sa iba pang liwasan, lansanga’t kanayunan ng Rusya—
Huwag ninyong ipalimot sa amin ang gintong mga aral
Ng dakilang Rebolusyong naganap noong Oktubre 1917
At huwag bayaang marahuyo kami sa sariling layunin
Bagkus ay nasain din namin—sakaling lumaya na kami’y—
Ang ibang bayang api’y palayain din
At itatag ang isang mundong walang nang-aalipi’t walang inaalipin!

Lungsod ng Antipolo, Set. 19, 2010; unang nalathala sa Facebook.