Guro

Ang guro ay wala sa mga paaralan
O kaya naman ay nasa laboratoryong
Sinlamig ng hatinggabing walang bituin.
Wala sila sa mga librong mali-mali ang teksto
Na ginastusan ng bilyun-bilyong piso.
Nasa siping sila ng kasaysayan –
Nasa dibdib ng kalyehon at mga kabudukan
Nasa sentido sila ng nakaraan,
at nasa antatao ng bubuksang kamalayan.
Nasa apoy sila ng mga danas,
Nasa dingas sila ng ilawang dati’y aandap-andap
Ngunit ngayon ay sumasabog na liwanag.
Wala sila sa huwad na pagdiriwang–
Nasa agos sila ng umaapoy na digmaan.

Ilang talang ligáw mula sa isang estudyante ng Row 4

Enrollment

Naisangla na ang kaisa-isang
Kalakiang katulong sa bukid.
Kasama ang titulo ng lupang ni
Minana pa kay lolo at lola.

Bilin ni Inang sa akin:
Magpakabait ka anak
Malupit ang lungsod…
Iuwi mo rito anak
Ang dangal na putong
Sa aming ulong ubanin…

Ilang libong piso
Ang lulustayin sa libro
Bayaring hindi yata
Matapus-tapos
Para lamang makapasok
sa kolehiyo’t unibersidad
Na ang gusali’y
Parang singtanda na rin
Ng dinayong lungsod…

Unibersidad

Dunong daw ang dinudukal
Sa apat na sulok ng
Silid aralang ilang utak
Na rin ang tinuruan
Ng katutunang mapang-alipin.

Laboratoryong di magamit
Kasilyas na impiyerno ang amoy.
Gurong singtanda na ni Mahoma.
Kausap lagi ang berdeng pisara.
Librong kinopya rin
Sa gawa ng iba.

Mabuti na lang
May nag-akay
At malawak ang landas
Patungong Mendiola
At sa Plaza Miranda.

Thesis

Ideyang pinagdikitdikit

Ilang libro ang binuklat
Ilang butil ng pawis
Sa noo ang pumatak
Ilang gabing mata’y
Namamaga sa puyat.
Madalas ang reklamo
Ang bulsa ay butas.

Matapos ipasa at
Ipagtanggol lahat—
Ay lintik! Ideyang
Pinagpaguran, nanakawin
lang lahat?

Singko

Kinatatakutan
Ang munting markang pula
Sa dilaw o berde o asul
Kartong lalagdaan
Ng gurong kumakalam din
Ang tiyan…
Abu’t abot ang dasal—
Singko, huwag naman!

Graduation

Entabladong hinintay makita
Mapapanhik na ng dalawang paa.
Subalit ang tanong sa sarili’t
Sa iba—pagkatapos nito,
Buhay ko’y ano na?

Diploma

Kapirasong papel
Anting-anting (daw)
Kontra kahirapan
Subalit ano ang saysay
Kung walang mapasukan?

Tunay na pagkatuto

Nang nag-aral ako ng gredwan
Isa lang ang aking alam—
Kailangang mag-aral para
Hindi maging mangmang.

Nang ako ay magtapos
Sa elementari skul
Isa lang ang dasal—
Makita ko ang haiskul.

Nang magtapos ako ng haiskul
Mapalad na nakatuntong
Sa kolehiyong bilang sa daliri
Ang totoong nakaturol.

Nang nasa kolehiyo na
Napagtanto kong wala
Sa apat na sulok ng silid
Na pinintahan ng puti
O kulay krema ang pagkatuto
Dahil marunong ding
Magsinungaling ang titik ng libro.
Marunong ding magligaw
Ang mga numero gayundin
Ang teoryang pinakakabisado.

Wala sa loob ng tarangkahan
Ang karunungang nakauunawa—

Nasa kabila ng dambuhalang gate
Nasa malapad na lansangan
Na madalas matigmak ng dugo
Dahil sa bangis ng galamay
Niyaong nasa puwesto.

Nasa bukiring ayaw mamunga
Nasa gatla sa noo ng mga magsasaka
Na lagi’t lagi na lamang
Inaagawan ng karapatan
Sa bukid na iniwing buong buhay.

Nasa loob ng pabrikang nagkokoro
Sa pag-ubo ang yayat na manggagawa
Na kulang pa ang limos sa palad
Para ipambili ng parasetamol
Pampawi sa lagnat ng tuberkulosis.

Nasa gitna ng dagat, nasa paraw
Nasa sirang lambat, nasa baling sagwan
Nasa bulok na isdang nakahain
Sa gitna ng hapag-kainan.

Nasa kabundukan, nasa kaparangan
Nasa gitna ng sambayanang
Lagi’t lagi na lamang gahasa
Handusay, kulang-palad
Binabaliw, dinadapurak
Ang kaunting dangal sa sarili.

May aral sa kasaysayan
May aral sa tunggalian
May aral sa tungki ng digmang-bayan.

Hindi lang unibersidad
ang may monopolyo ng pagkatuto.
Dahil ang tunay na talino:
Nasa lipunan. Nasa paglaban.

ampalaya tea sa gitna ng pagbubulay-bulay*

Katatapos ko lamang magsulat nang mahabang balita ukol sa budget cut sa state universities and colleges. Nakasasawa na, kung tutuusin ang isyu. Hindi na bago. Hindi na dapat pag-aksayahan ng kuryente at panahon. Pero hindi dapat ganoon ang pagtingin doon. Dahil marami ang apektado. Maraming kabataan ang apektado. At ang mga kabataan, sabi nga ni Jose P. Rizal, ang pambansang bayani, ang pag-asa ng bayan. Pero sa gobyerno – wala tayong kapag-a-pag-asa.

***

Sasabihin na naman ng iba, hindi dapat ibunton ang lahat ng sisi sa gobyerno dahil hindi naman saklaw ng gobyerno ang lahat ng puwersang nakaaapekto sa lipunan, gaya halimbawa, ng presyo ng produkto at serbisyo. May patakaran kasi iyan, hindi maaaring galawin at masisira ang “equilibrium” at lalong mawiwindang ang lahat ng bagay.

Pero naisip na ba natin na may sapat na kapangyarihan ang gobyerno para maiayos ang lahat ng ito? Pero dahil balintuwad ang istruktura ng kasalukuyang gobyerno kaya balintuwad din ang solusyon na naiisip nito sa mga problema ng nasyon. Aysusmaryosep!

***

Ayon sa datos na nakalap natin, 1.7 porsiyento ang idinadausdos ng panukalang badyet na laan para sa pampublikong kolehiyo’t unibersidad sa susunod na taon. Ang halaga nito sa aktuwal: tumataginting na P650.6 milyon lang naman. Bukod sa pagtapyas sa badyet ng mga unibersidad at kolehiyo, tinapyasan din nang halos kalahati ang halaga ng scholarship na ibibigay ng gobyerno para maralita ngunit matatalinong estudyante. Napakahusay. Gusto nila ng edukado at propesyunal na mga mamamayan pero kailangang bawasan ang badyet na laan para sa kanila para sila makapag-aral. Aysusmaryosep na kaisipan ‘yan!

***

Nakatutuwa naman na 30 mula sa 297 kinatawan ng Kongreso ang nanindigan: TUTOL KAMI SA BUDGET CUT SA EDUKASYON. Saludo ako sa inyo, mga sir at ma’am!

Eh, sinu-sino naman sila na magigiting na kongresista na pro-student?

Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino; House Committee on Higher and Technical Education Chairman Rep. Sonny Angara; Lone District of Sarangani Rep. Emmanuel Pacquiao; Lone District of San Juan Rep. Joseph Victor Ejercito; Bayan Muna Partylist Rep. Teodoro Casiño; Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares; Gabriela Women’s Partylist Rep. Luzviminda Ilagan; Gabriela Women’s Partylist Rep. Emerenciana de Jesus; Anakpawis Partylist Rep. Rafael Mariano; ACT Teachers Partylist Rep. Dante Antonio Tinio; Lone District of Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat Jr.; Lone District of Apayao Rep. Eleanor Bulut-Begtang; Davao del Sur Rep. Marc Cagas; Lanao del Norte Rep. Fatima Dimaporo; Ang Kasangga Partylist Rep. Teodorico Haresco; Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy; La Union Rep. Eufranio Eriguel; AVE Partylist Rep. Eulogio Magsaysay; Samar Rep. Emil Ong; Lone District of Nueva Viscaya Rep. Carlos Padilla; Bataan Rep. Herminia Roman; Lone District of Camiguin Rep. Pedro Romualdo; Cebu Rep. Gabriel Quisimbing; at Buhay Partylist Rep. Michael Velarde.

Sumuporta rin sa panawagan na itigil ang pagtapyas sa badyet sa edukasyon sina Minority Leader Rep. Edcel Lagman, Committee on Appropriations Vice Chairperson Rep. Josefina Joson, Lone District of Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, Lone District of Mountain Province Rep. Maximo Dalog, Manila Rep. Rosenda Ocampo, at ALIF Partylist Rep. Acmad Tomawis.

***

Mahirap pala ang diabetiko. Nagiging malilimutin. Madaling mapagod at madaling uhawin at gutumin. Pero ayos lang. May ampalaya at gamot naman. Pero sa sakit kaya ng bayan ko, ano ang pinakamainam na solusyong dapat ilapat? Kayo na ho ang sumagot at magtitimpla pa ulit ako ng tsaa…

*Nalathala sa Filipino Writer noong Setyembre 30, 2010.

Pasukan na naman

Muling magbubukas ang mga gabaldon
Naroroon ang mga batang Jejemon
Mga produkto ng ating iskul bukol
Dahil sa tarantadong nagmamarunong.

Kulang ang libro, pisara at yeso
Walang mesa’t upuan, wala ring guro
Paano kasi, ang karampot na pondo
Ninakaw pa nitong mga tarantado!

Pati nga ang suweldo nina sir at mam
Kapurit na nga, labis pa kung kaltasan.
Dahil sa suweldong huling-huli’t kulang
Ang kaguruan, tabon na ng pautang!

Masaklap pa rito, ang perang kinaltas
Sa sahod na sa kamay, hindi lumapat
Nanakawin pa ng opisyal na tunggak
ng GSIS, Diyos ko, walang habag!

Kaya nga yaring guro, si sir at si mam
Aalis ng bansa’t mangingibang-bayan
Paaalila roon para sa dolyar
Lahat nga ay gagawin, kumita lamang!

Mabalik sa batang magsisipag-aral
Magsisipasok doon sa paaralan-
Mumunting batang gusto nga ng magulang
Maiahon nga mula sa kahirapan.

Dahil ang magulang ay walang trabaho,
Bulsa nga ay basyo, wala kahit piso
Walang maibili, kahit pan de koko
Dahil nga gutom mapurol itong ulo!

Mayroon mang trabaho ang ina’t ama
Mapag-aral ang anak, ‘di makakaya
Sapagkat yaring sahod, naku! Kulang pa
Kulang na pambayad sa pagkai’t upa.

Haysus! Haysus! Haysus! Talaga nga naman
Kahit ang migrante, ngayo’y umaaray
Kasi nga naman, itong eskuwelahan
Tuwisyo’y sumisirit, nakamamatay!

Ito namang Komisyon de Konsumisyon
Instrumento nga ng negosyanteng pulpol
Kaya hayun! Hayun! Ang mga ulupong!
Kuwarta at magulang ay lamun-lamon!

Ito pa ang siste, mga katoto ko:
Edukasyong benta nitong mga loko:
Edukasyong alipin, isip na dayo
Kaya hindi umunlad itong Bayan ko!

Kung ganito ang lagay ng edukasyon
Dami ang Pilipinong magiging pulpol;
Bunsod lahat ng komersiyalisasyon
Mapait na bunga ng globalisasyon!

Kaya kabataan, magkaisa ngayon!
Buong lakas, nating igiit, isulong!
Hindi lamang sapat na edukasyon
Kundi pati pagsulong ng ating nasyon!

TALASALITAAN:

Gabaldon – tipikal na istruktura ng mga silid-aralan o classroom na parihaba at mayroong malalaking bintanang jalousie.

Pisara – blackboard

Tunggak – hangal, gago; ginagamit din na pang-uyam sa mga taong nagmamarunong o kaya naman ay mayroong maitim na budhi.

Yeso – chalk