Guro

Ang guro ay wala sa mga paaralan
O kaya naman ay nasa laboratoryong
Sinlamig ng hatinggabing walang bituin.
Wala sila sa mga librong mali-mali ang teksto
Na ginastusan ng bilyun-bilyong piso.
Nasa siping sila ng kasaysayan –
Nasa dibdib ng kalyehon at mga kabudukan
Nasa sentido sila ng nakaraan,
at nasa antatao ng bubuksang kamalayan.
Nasa apoy sila ng mga danas,
Nasa dingas sila ng ilawang dati’y aandap-andap
Ngunit ngayon ay sumasabog na liwanag.
Wala sila sa huwad na pagdiriwang–
Nasa agos sila ng umaapoy na digmaan.

Singkaw

Paano nga masasabing malaya ka, o Bayan ko? Paanong masasabing hindi nakasingkaw ang pagkatao’t kaluluwa mo?

Oh, alipin ka
ng dayuhang kultura
singkaw ang dila
oh, hindi makapalag
oh, hindi makawala!

Sino baga ang maysala sa gayong lagay mo, oh Bayan ko? Sino ang dapat gumulong ang mga ulo sa kaabahang sinapit mo?

Silang gahaman
Nagpatutot sa iyo
Mga hunyango
lahi niyong bayakan
Diyablong nagsalaman
Nasa estado poder!

 

 

Ilang talang ligáw mula sa isang estudyante ng Row 4

Enrollment

Naisangla na ang kaisa-isang
Kalakiang katulong sa bukid.
Kasama ang titulo ng lupang ni
Minana pa kay lolo at lola.

Bilin ni Inang sa akin:
Magpakabait ka anak
Malupit ang lungsod…
Iuwi mo rito anak
Ang dangal na putong
Sa aming ulong ubanin…

Ilang libong piso
Ang lulustayin sa libro
Bayaring hindi yata
Matapus-tapos
Para lamang makapasok
sa kolehiyo’t unibersidad
Na ang gusali’y
Parang singtanda na rin
Ng dinayong lungsod…

Unibersidad

Dunong daw ang dinudukal
Sa apat na sulok ng
Silid aralang ilang utak
Na rin ang tinuruan
Ng katutunang mapang-alipin.

Laboratoryong di magamit
Kasilyas na impiyerno ang amoy.
Gurong singtanda na ni Mahoma.
Kausap lagi ang berdeng pisara.
Librong kinopya rin
Sa gawa ng iba.

Mabuti na lang
May nag-akay
At malawak ang landas
Patungong Mendiola
At sa Plaza Miranda.

Thesis

Ideyang pinagdikitdikit

Ilang libro ang binuklat
Ilang butil ng pawis
Sa noo ang pumatak
Ilang gabing mata’y
Namamaga sa puyat.
Madalas ang reklamo
Ang bulsa ay butas.

Matapos ipasa at
Ipagtanggol lahat—
Ay lintik! Ideyang
Pinagpaguran, nanakawin
lang lahat?

Singko

Kinatatakutan
Ang munting markang pula
Sa dilaw o berde o asul
Kartong lalagdaan
Ng gurong kumakalam din
Ang tiyan…
Abu’t abot ang dasal—
Singko, huwag naman!

Graduation

Entabladong hinintay makita
Mapapanhik na ng dalawang paa.
Subalit ang tanong sa sarili’t
Sa iba—pagkatapos nito,
Buhay ko’y ano na?

Diploma

Kapirasong papel
Anting-anting (daw)
Kontra kahirapan
Subalit ano ang saysay
Kung walang mapasukan?

Tunay na pagkatuto

Nang nag-aral ako ng gredwan
Isa lang ang aking alam—
Kailangang mag-aral para
Hindi maging mangmang.

Nang ako ay magtapos
Sa elementari skul
Isa lang ang dasal—
Makita ko ang haiskul.

Nang magtapos ako ng haiskul
Mapalad na nakatuntong
Sa kolehiyong bilang sa daliri
Ang totoong nakaturol.

Nang nasa kolehiyo na
Napagtanto kong wala
Sa apat na sulok ng silid
Na pinintahan ng puti
O kulay krema ang pagkatuto
Dahil marunong ding
Magsinungaling ang titik ng libro.
Marunong ding magligaw
Ang mga numero gayundin
Ang teoryang pinakakabisado.

Wala sa loob ng tarangkahan
Ang karunungang nakauunawa—

Nasa kabila ng dambuhalang gate
Nasa malapad na lansangan
Na madalas matigmak ng dugo
Dahil sa bangis ng galamay
Niyaong nasa puwesto.

Nasa bukiring ayaw mamunga
Nasa gatla sa noo ng mga magsasaka
Na lagi’t lagi na lamang
Inaagawan ng karapatan
Sa bukid na iniwing buong buhay.

Nasa loob ng pabrikang nagkokoro
Sa pag-ubo ang yayat na manggagawa
Na kulang pa ang limos sa palad
Para ipambili ng parasetamol
Pampawi sa lagnat ng tuberkulosis.

Nasa gitna ng dagat, nasa paraw
Nasa sirang lambat, nasa baling sagwan
Nasa bulok na isdang nakahain
Sa gitna ng hapag-kainan.

Nasa kabundukan, nasa kaparangan
Nasa gitna ng sambayanang
Lagi’t lagi na lamang gahasa
Handusay, kulang-palad
Binabaliw, dinadapurak
Ang kaunting dangal sa sarili.

May aral sa kasaysayan
May aral sa tunggalian
May aral sa tungki ng digmang-bayan.

Hindi lang unibersidad
ang may monopolyo ng pagkatuto.
Dahil ang tunay na talino:
Nasa lipunan. Nasa paglaban.

Juan Tamad nga ba ang mga Pilipino?

Tamad nga bang talaga ang mga Pilipino?

HINDI man aminin ng ilang nasa gobyerno, patuloy na dumarausdos ang kabuhayan ng milyun-milyong Pinoy. Bagaman sinasabi ng pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations (SWS) na bumaba nang halos dalawang puntos ang tantos ng mahihirap sa bansa—mula 51 porsiyento ng pamilyang Pinoy (mga 10.4 milyon) noong 2010, patungong 49 porsiyento (o katumbas ng 9.8 milyong pamilya) ngayong 2011—hindi maitatatwang hindi pa rin ganoong kabuti ang lagay ng marami nating kababayan. Continue reading

ibig kong bumaba sa toreng garing

 

ibig kong bumaba sa toreng garing
at hagkan ang gintong lupa sa kanyang paanan
sapagkat walang lasa ang hangin doon
maliban sa lansa at pakla
ng makasariling pagnanasa.

ibig kong lumundag buhat sa kanyang bintana
at hayaang malasog ang aking kaluluwa
sa pagbagsak nito maputik at mabatong lupa.
dahil sa pagsambulat ng dugo
at pagkawasak ng bungo
saka lamang matatatak sa isip at puso
na ang tungkulin ng mga makata, manunulat, mamamahayag
ay hindi para patayugin ang sariling ihi
kundi ang hagkan, yakapin, at kaulayawin
ang katotohanang inihahatag sa kanya
ng lupang matagal nang hinilahil.

Pasko at Bagong Taon

 

Mukha ni Santa Claus ang nagmamarka sa pagdiriwang ng Pasko — komersiyalismo. Namumuwalan ang mga kaha ng mall samantalang patuloy ang pag-impis ng mga pitaka ng mga konsiyumer na walang patumangga sa pamimili. Ang katuwiran: Pasko naman, minsan lamang sa isang taon daraan ang pagdiriwang kaya dapat na ‘ipagdiwang’ nang lubusan.

 

***

Binago ng mga may hawak ng kapital ang pagtingin ng sambayanang Kristiyano sa kapaskuhan o ang pagdiriwang ng kapanganakan ng Manunubos. Hindi maitatatwang ang pagpapalit ng imahe ng Kapaskuhan, mula sa Niño Jesus na nahihiga sa sabsaban at nababalutan ng simpleng lampin na baon ni Mariang kaniyang Ina (Lk. 2: 1 – 7), sa imahen ng mamang mataba, nakapula at namumudmod ng mga regalo ay isang pagtatakip ng kapital sa tunay na diwa ng Pasko. Madalas na ginagamit na pananggalang ng may hawak at tagapagtaguyod ng kapital ang pagdalaw ng tatlong haring Mago (sa tradisyon ay tinawag na sina Melchor, Gaspar at Baltazar) na matatagpuan sa Aklat ni Mateo, kap. 2, ber. 1 – 12, na naghandog sa batang Kristo ng mga regalo (insenso, kamanyang at ginto). Kung pupunahin, ayon mismo sa Bibliya, ang naturang paghahandog ay isang porma ng pagsamba o pagdakila (Mt. 2: 2).

***

Bago pa man ang bisperas ng Pasko, nagpaalaala na si Obispo Deogracias Iñiguez, Katolikong Obispo ng Lungsod ng Kalookan, na iwasan ang labis na konsiyumerismo sa pagdiriwang ng Pasko. Aniya, dapat na gawing simple lamang – at hindi magarbo – ang pagdiriwang natin ng Pasko.

***

Samantala, masasabing may “basbas” ng Simbahan ang komersiyalismo sa panahon ng Kapaskuhan dahil na rin sa rasyunalisasyong ang pagbibigay ng regalo ay kakabit ng tradisyon ni San Nicolas na pagbibigay ng regalo sa mga bata tuwing sasapit ang panahon ng Pasko. Kung may regalong dapat ipamigay, dapat ding mayroong perang pambili ng gayong mga regalo. Kaya nga, sinamantala ng may hawak ng kapital at tagasuporta ng maluluhong pagdiriwang ang ganitong kalakaran.

***

Maganda ang naging analisis ni Bernardo M. Villegas, hinggil sa Pasko. Sa kanyang artikulong nalathala sa pahayagang Manila Bulletin noong 2009, sinabi niyang:

There is, however, another important lesson from the Christmas story that can save capitalism and its allied culture, consumerism, from their excesses. As we pray in front of the manger in Bethlehem, worshiping the Child God and venerating His parents Mary and Joseph, one obvious truth that hits us in the face is that an accumulation of material goods is not the end all and be all of human happiness. Bereft of even the most essential physical comforts, the Holy Family–all three of them–exudes the greatest joy on the birth of the Redeemer. It is also joy that we see in the faces of the first visitors, the impoverished shepherds that came from the hillsides of Bethlehem. (Pagdiriin ay isinuplay ng awtor.)

Hindi man todo-todong binatikos ni Villegas, na aminado ring tagapagtanggol ng sistema kapitalismo, magandang lunsaran na rin ito ng diskurso sa kung paano nga ba dapat ipagdiwang ang itinuturing na “kaarawan” ng ating Panginoong Hesukristo. Dahil pagdaragdag pa ni Villegas sa nabanggit na artikulo,

The lesson of Christmas is detachment from the goods of this world, even if we have to use them in order to live in the middle of the world as ordinary citizens. The lesson of Christmas is not to put our happiness in the accumulation of earthly goods. The lesson of Christmas is to rejoice even if there are times when we do not have even what is needed for minimum comfort and decency.

***

Isang sulyap lamang sa ilang mga pangyayari sa ating lipunan bago magdiwang ang sambayanang Katoliko ng pagsilang ng Niño Jesus sa sabsaban sa Bethlehem:

***

Katulad ng marami nating kababayan, umaasa tayo na sana’y maging masagana, hindi lamang ang Pasko’t Bagong Taon, kundi maging ang darating mga araw. Ngayong panahon ng pagdiriwang ng kaarawan ng Panginoong Hesus (kahit hindi ito mismo ang birthday niya), sana’y mapagtanto natin na higit pa sa regalo at pera ang esensiya ng Pasko at Bagong Taon. Kundi ito ang pag-asam ng isang buhay na ganap at kasiya-siya (Jn. 10: 10). Paano magaganap ito? Sa Ikalawang Pagdating ba ng Panginoong Hesukristo? Hindi. Magaganap ito kung gaganapin natin ang ating dakilang tungkulin na maging liwanag ng mundo (Mt. 5: 14) at magaganap natin iyon sa pamamagitan ng pagiging bukas sa katotohanang inihahatag sa atin ng lipunan at pagsugpo sa lumaganap na kasamaan at kasakimang nagdudulot ng kahirapan sa sambayanan (Efe. 5:11; Luk. 10: 27, 28).

MALIGAYANG PASKO AT MANIGONG BAGONG TAON SA ATING LAHAT!!!

Mula Tula Hanggang Dula, Mula Tradisyon Hanggang Sa Bulok Na Sistema: Ang Panitikang Mapanghimagsik Sa Panitikang Pilipino*

Mark Joseph Rafal

“Napopoot tayo pagkat nagmamahal: pagkat tayo’y saksi sa pangangalawang…

Napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal; nagmamahal kaya’t braso’y humahataw.”

Bahagi lamang ang nasabing mga linya ng isang tula ni Romulo Sandoval, isang rebolusyunaryong makata at isa sa mga makatang naging tinig ng mga uring-anakpawis nuong panahon ng dekada ‘70, ang dekadang ipinunla ang pagkakaroon ng Batas Militar sa bansa. Pagkat Tayo’y Nagmamahal ang pamagat ng nasabing tula na tumatalakay at nagpapakita sa kondisyon ng mga obrero’t magsasaka sa panahon kung saan namamayani ang ligalig at takot sa paligid. Kung papansining mabuti, ang tinig sa tula’y iniuusal ng isang obrero o magsasaka na lubos na nagmamahal—hindi ang malagkit na pagmamahal sa isang sinisinta—kundi ang pagmamahal sa kalayaan nilang makawala sa kadena ng mga nang-aapi sa kanilang uri. Halimbawa ang tulang ito ni Mulong ng isang tula ng paghihimagsik laban sa mga uring sumisipsip lamang ng dugo sa mga tulad nilang pinapatay na halos ng pagod na ang kapalit ay tila limos pa nilang hinihingi. Sapagka’t mayruong iba’t ibang antas at iba’t ibang uri ng paghihimagsik, ang tulang ito ni Mulong ay isang magandang halimbawa ng paghihimagsik laban sa pang-aalipin at pananamantala. Ang mga ganitong akda ay pagpapatunay lamang na ang Panitikang Mapanghimagsik ay patuloy na umiiral sa anumang panahon, saan mang larangan at sa iisang katotohanan na ang paghihimagsik ay bahagi ng lipunan na ating ginagalawan. Continue reading