Tingi-tinging ligaya, tingi-tinging pag-asa: Ang tunay na mukha ng ilegal na droga sa Pilipinas

Hindi maikakailang ang droga ang isa sa pinakamatitinding problema, hindi lamang ng Pilipinas, kundi maging ng buong daigdig. Sabi nga sa pinakahuling ulat ng United Nations Office on Drugs and Crime, nasa isang bilyong katao o limang porsiyento ng buong populasyon ng daigdig ang gumagamit o nakagamit na ng ipinagbabawal na gamot. Ayon pa rin sa naturang ulat, 26.5 milyon naman ang dumaranas ng mga karamdaman na dulot ng paggamit ng droga o yaong tinatawag na “drug related disorders.”

Dito lamang sa Pilipinas, tinatayang mahigit 1.7 milyon ang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Katumbas ito ng 1.9 porsiyento ng bilang ng ating mga mamamayan. Ngunit kung tutuusin, bumaba na ang bilang na ito dahil noong 2015, ayon mismo sa datos ng Dangerous Drugs Board (DDB), nasa 1.8 milyong Pilipino ang patuloy na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot noong 2015.

Methampetamine hydrochloride, o mas kilala sa tawag na shabu, ang nangungunang substansiyang inaabuso ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa bansa. Tinagurian noong “poor man’s cocaine” dahil sa mabibili nang tingi-tingi sa murang halaga, ngayon, maging ang bisyong ito ay napakamahal na rin, ayon mismo sa Philippine National Police. Mas mura pa nga raw ngayon ang tunay na cocaine kaysa sa kemikal na itong inaabuso ng marami nating mga kababayan.

Napakakumplikadong usapin

Kung susuriing mabuti, napakasalimuot na usapin ang ilegal na droga. Dahil hindi lamang ito usapin ng mabisang pagsupil sa produksiyon, pagbebenta, at pagpupuslit ng mapanganib na mga kemikal na ito, kundi usapin din ito ng pag-ugat sa tunay na dahilan or rason kung bakit nga ba ang isang Juan o Maria de la Cruz ay piniling magpakabangag—at magpaalipin—sa nakababaliw, nakapipinsala, at nakamamatay na bisyong ito.

Ayon sa Foundation for a Drug-Free World, isang non-stock, non-profit na organisasyong nagbibigay kaalaman sa mga tao hinggil sa masama at nakasisirang epekto ng droga sa kalusugan at buhay ng isang tao, iba-iba ang dahilan ng bawat indibiduwal kung bakit sila gumamit o nalulong sa ilegal na droga. Ngunit isang bagay ang malinaw—maraming kabataan at maygulang na gumagamit nito dahil ibig nilang may mabago sa kanilang buhay.

Sabi nga ng konserbesyunista, magsasaka, nobelista, makata, at propesor na si Wendell Berry (b. 05 Agosto 1934):

“People use drugs, legal and illegal, because their lives are intolerably painful or dull. They hate their work and find no rest in their leisure. They are estranged from their families and their neighbors. It should tell us something that in healthy societies drug use is celebrative, convivial, and occasional, whereas among us it is lonely, shameful, and addictive. We need drugs, apparently, because we have lost each other.”

Sa madali’t sabi, marami ang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot dahil sa hindi nila kayang maipaliwanag na kalungkutan at kahungkagan na nadarama nila sa kanilang mga buhay. Dahil dito, humahanap sila ng lunas sa napakasakit na pakiramdam na ito, at nauuwi sila sa adiksiyon o pagkalulong sa anumang mga bagay na maaari nilang abusuhin—alak, sex, sugal, sigarilyo, pagkain, at ilegal na droga.

Sabi naman ng Amerikanong makata’t manunulat na si William Seward Burroughs II, walang sinumang nalulong sa droga ang ibig na malulong sila sa droga. Nagkataon lamang na sa pagkakatikim nila sa ipinagbabawal na gamot, hindi na nila mapakawalan ang sarili sa bilangguan kung tawagin ay pagkagumon o adiksiyon.

Higit na nakagpapasalimuot sa usaping ito ay ang katotohanan na ang pagkalulong sa droga ay isang matinding usaping pangkalusugan.

Paliwanag ng National Institute on Drug Abuse ng Estados Unidos, ang pagkalulong sa droga ay isang “napakatinding karamdaman” (chronic disease) na kinakailangang tutukan upang lubusang mapagaling at maialis sa sistema ng nalulong sa droga. Dahil binabago ng mga kemikal na nasa ilegal na droga ang konstitusyon at takbo ng utak ng isang tao, napakahirap na maalis ito sa kanilang sistema. Ang situwasyong ito ang lalong nakapagpapakumplika pa sa masalimuot na ngang problemang pangkalusugang dulot ng mga lasong itong ipinapasok ng mga durugista sa kanilang mga katawan.

Dahil sa wala sa katinuan, karaniwang nakagagawa ng krimen o nakapamiminsala ang taong lulong sa ipinagbabawal na gamot. Unti-unti ring sinisira ng negatibong epekto ng ilegal na droga ang mga personal at panlipunang ugnayan ng mga taong nalululong dito.

Sa Pilipinas, mapupunang karamihan ng mga nalululong sa ipinagbabawal na gamot, maralita o yaong nabubuhay sa isang kahig, isang tuka.

Mismong ang pambansang pulisya na ang umamin—kabuhayan para sa ilang mahihirap ang pagbebenta ng ilegal na droga. Makikita rin sa datos ng PNP na mahigit kalahati ng bilang ng gumagamit ng ilegal na droga ay walang hanapbuhay. Marahil, ligtas na isipin na gumagamit sila ng droga para makalimot sa napakaaba nilang kalagayan, o kaya naman, sintomas ito ng kanilang kawalang pag-asa sa buhay.

Dumaragdag din sa kasalimuotan ng tinatalakay nating usapin ang katotohanang mayroong malalaking tao sa gobyerno at pulisya at kabilang sa alta-sosyedad o malalaking negosyante ang nasa likod ng paglikha, pagbebenta, pamumudmod, at pagpupuslit ng ilegal na droga. Dahil mayroong tao sa burukrasya at sa pulisya ang pumuprotekta sa mga kartel o sindikato ng droga, inaasahan ding magiging mahirap (bagaman kaya) ang pagresolba sa usaping ito.

Usapin ng Batas, Karapatang Pantao, at Ugat ng Ilegal na Droga

Hindi maikakailang ang pangunahing dahilan kung bakit nanalo ang kasalukuyang Presidente ay dahil sa paninindigan niya hinggil sa usapin ng ilegal na droga at kung paano tuluyang mapapalis ang problemang ito sa lipunang Pilipino.

Sa pag-usad ng Operation Tokhang ng PNP sa unang bahagi ng 2016, marami ang sumukong “durugista” at “tulak,” subalit dumami rin ang bilang ng brutal na pinatay (diumano’y nanlaban) sa mga lehitimo at “ilehitimong” operasyon.

Umalma ang ilang mga organisasyon sa karapatang pantao gaya ng Amnesty International (AI), Karapatan, at maging ang Human Rights Watch (HRW) sa kung paano isinasagawa ang “paglilinis” sa mga komunidad na sinasabing apektado ng ilegal na droga.

Dito, pumapasok ang usapin ng pagpapatupad ng batas at paggalang sa karapatang pantao ng mga pinaghihinalaan pa lamang na sangkot sa ilegal na droga.

Bukod sa pagrepaso ng mga batas at sa kondukta ng operasyon ng mga alagad ng batas para masakote ang mga salarin, dapat din na pagtuunan ng ating pamahalaan at maging ng mga komunidad at nasa pribadong sektor ang pag-ugat sa tunay na dahilan kung bakit dumarami ang nalululong at sumusugal sa ilegal na droga.

Dapat na solusyunan ang kahirapan at kawalan ng katarungang panlipunan sa bansa 

Hindi maitatatwa na malaking bahagdan ng populasyon—higit sa 20 porsyento—ang lublob sa kahirapan at hindi nakatatanggap ng sapat na sahod o kita para mapaunlad ang kanilang sarili at matustusan ang pangangailangn ng kani-kanilang pamilya.

Bagaman hindi nating sinasabing kahirapan ang pangunahing dahilan ng pagkalulong sa droga, subalit hindi rin nating maitatangging malaki ang kaugnayan nito sa pagkakalulong sa droga ng ilang mga tao. Anang The Borgen Project sa America, “magkakambal ang kahirapan at pagkalulong sa droga” kung kaya dapat na suriin din ang usaping ito, at tutukan na maresolba ang problema ng kahirapan, kagutuman, at hindi pagkakapantay-pantay sa isang lipunan.

Ituring na isang krisis pangkalusugan ang problema sa droga

Sabi nga ng Amnesty International sa isang ulat nito, hindi sasapat ang operasyong pampulisya upang masolusyonan ang problema ng droga sa bansa. Mas makasasama pa nga raw ito, anang AI kaysa makabubuti.

Mungkahi ng AI, dapat na ituring din na isang usaping pangkalusugan ang problema ng ilegal sa droga sa bansa para makapagpagamot at makapagpagaling nang husto ang mga naging biktima nito; at hindi rin mangangamba ang mga magpapagamot dahil sa epekto ng paggamit ng ilegal na droga, na hindi sila makakasuhan gaya nang pagkakaso sa mga taong nagbebenta at gumagawa ng mga ito.

Pagbabanyuhay at pagbabago ng tanaw ng isip 

Sabi ng isang happiness coach at business consultant na si Jonecca San Pascual, upang mapagaan ang buhay at hindi tayo marahuyo sa masasamang gawain, dapat din na mapag-aralan ng bawat Pilipino ang pamamaraan kung paano muling mapoprograma ang isip, at hindi ito mamamalagi sa “negatibong” panig.

Malaki ang ugnayan ng kaisipan at estilo ng pamumuhay (lifestyle) ng isang tao.

Kung magagawa nating ituon ang ating lakas at pag-iisip sa mga bagay na tunay na nakabubuti at kapaki-pakinabang—hindi lamang para sa ating mga sarili kundi maging sa buong lipuna’t sangkatauhan—siguro’y hindi na iiral ang anumang uri ng pang-aabuso sa substansiya para lamang makalimot at matugunan ang sinasabi ngang “kahungkagan” sa ating mga pagkatao.

 

 

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s