Si Tere

Hindi pangkaraniwang araw na iyon para sa batang si Tere. Ika-20 ng Nobyembre 1887–Iyon ang araw ng kanilang paglalakbay para dumalo sa misa sa pribadong kapilya ng Santo Papa sa Roma.

Sa munti niyang puso, naroroon ang hindi maipaliwanag na pananabik sapagkat alam niya na maaaring mangyari ang isang malaking himala—himalang gustung-gusto niyang matupad sapagkat siya, si Tere, ay ibig na ibig na ialay ang kaniyang buhay sa Diyos at sa paglilingkod sa kapuwa.

“Talagang kakatwa ang batang si Tere,” anang nakakikilala sa kaniya.

“Napakasensitibo, napakaiyaking bata,” sabi ng isang kapitbahay.

“Marahil, dahil maagang naulila sa ina,” ayon naman sa isa. “Apat na taon pa lamang nang mamatay ang kaniyang inang si Zélie,” tugon naman ng isa.

“Ngunit tunay na napakatalino at napakamatiising bata, lalo na’t alam nating lagi siyang tinutukso at inaapi sa eskwela,” ayon naman sa isa.

“At mukhang hindi rin nakabuti nang magmadre ang ate niyang si Pauline,” sabi ng isang ale na nakakikilala sa kaniya.

“Hindi nga ba’t nagkasakit siya?”

“Pero napagaling siya ng Mahal na Birheng Maria,” tugon naman ng isa.

“Oo nga raw, at nginitian pa siya. Pero, hindi ba kayo nagdududa sa kaniyang nakita?”

“Pero naniniwala ako sa milagro,” sabi naman ng isa.

Ang mga nagkukulumpunan ay pawang nakakikilala nang lubos sa batang si Tere—ang batang maramdamin, matiisin, matalino maganda, mabait, madasalin, at may pusong punum-puno ng pagmamahal na nag-uumapaw na hindi mo kayang sahuring ng dalawa mong palad…

***

Hindi malilimutan ni Tere ang bisperas ng Pasko, 1886—agad siyang “lumaki,” at hindi na siya isang batang musmos na kailangan ng kalinga ng mga magulang at nakatatandang kapatid. Hindi na niya kailangan pang umiyak, at nalampasan na niya ang pagkamaramdamin at ang hindi maipaliwanag niyang kalungkutan.

At parang sa batang si Tere, isa iyong himala at grasya mula sa Diyos: Ang mapagtagumpayan niya ang bahagi ng kaniyang pagkatao na itinuturing na kahinaan…

***

Labing-apat na taon na si Tere, at heto nga, pupunta siya sa Roma upang bumisita at makaharap ang Santo Papa Leo XIII.

Ngunit hindi lamang ang pagbisita sa Batikano, ang pagdalo sa pribadong misa, at makahalik sa singsing ng Papa ang kaniyang layunin sa paglalakbay sa Roma. Ang tunay na pakay niya? Ang basbas ng Papa para makapasok siya sa kumbento at maging bahagi ng Orden ng mga Carmel.

Nang matapos ang misa at makakita ng pagkakataon, nagpatirapa siya sa harap ng Santo Papa na mayroong isang matinding pakiusap:

“Santo Padre,” ani Tere, “kung mamarapatin po ninyo at ipag-uutos, makapapasok po ako sa kumbento upang maging ganap na madre, at tagapaglingkod ng Diyos!”

Tiningna siya ng Papa. Parang hindi naanting sa kaniyang pagmamakaawa. Gayunman, sinabi nito:

“Sundin mo ang sasabihin sa iyo ng iyong mga Superyor. Kung Kalooban ng Diyos, makapapasok ka sa kumbento.” At tumalikod na ang Papa at pumasok sa isa sa mga kuwarto ng Batikano.

Naiwang luhaan ang batang si Tere, sapagkat tila hindi siya pinakinggan ng Santo Papa. Gayumpaman, dahil ang Diyos ang tumatawag, Siya ang hahawak sa batang si Tere at aakay para makapasok sa kumbento at maging ganap na madre at lingkod ng Diyos…

***

Sa kaniyang pagpasok sa kumbento, naging bulaklak si Tere sa altar ng Diyos.

Minsang tinanong siya ng isa sa kaniyang mga kasamahan—“Ano ang masasabi mo kay Jesus?”

“Wala, kundi minamahal ko siya.”

Sa siyam na taong inilagi niya sa kumbento, hanggang sa bawian siya ng buhay dahil sa isang matinding karamdaman, naging napakatamis para sa kaniya ang nararamdamang pagdurusa dulot ng kaniyang sakit sa baga sapagkat batid niya, na hindi kailanman siya pinababayaan ng Diyos na siyang tumawag sa kaniya para maglingkod.

Sabi nga niya sa isa sa kaniyang mga pahayag bago siya pumanaw:

“Pakiramdam ko, magsisimula na ang misyon ko, ang misyong ilapit ang mga tao na ibigin ang Mahal na Panginoon gaya nang pagmamahal ko sa Kaniya at ipagkaloob sa malilit na kaluluwa ang aking maliit na pamamaraan ng pagtitiwala at pagsuko sa Diyos.”

Sino si Tere?

Siya si Sta. Teresa ng Niño Jesus, na kilala rin bilang “Maliit na Bulaklak ng Diyos.”

Ang maikli niyang buhay—27 taon—ay higit pa kaysa sa isang siglo sapagkat ang pagtitiwala, pag-ibig, at pagsusumikap niyang masunod ang Kalooban ng Diyos ay nagdulot sa kaniya ng hindi matutumbasang ligaya at tuwa, kahit sa gitna ng pagsubok, sakit, at pagdurusa.

At maaari mo ring maranasan iyon kung lubusan din ang magiging paniniwala at pag-ibig mo sa Diyos—gaya nang pagmamahal at pag-ibig niyang ipinadama hindi lamang kay Tere, maging sa lahat ng tao.

Ang kuwentong pambatang ito ay naisulat bilang lahok sa Saranggola Blog Awards 9.

http://www.sba.ph/

ccp

deviceph

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s