Mabini: Isang Kalyehon/Eskinita sa Concepcion

Kay F.L., isang mabuti at malapit na kaibigan nang panahon ng aking kabataan. Para sa’yo ito, kapatid. 

1

Hindi ko malilimot, kailanman, ang hitsura niya. Payat, medyo malaki ang ulo, may itim at tuwid na buhok, medyo hukot. Hindi ko alam kung bakit laging taas ang balikat niya. Pero isa lang ang alam ko, bukod sa pamangkin siya ng isa sa iginagalang na guro sa paaralan namin, isa sa pinakamatatalik kong kaibigan.

Hindi ko rin malilimot kung paano siya gumuhit sa pisara ng isang kamisetang hindi naman mukhang kamiseta sapagkat rektanggulo lamang iyon na nilagyan niya ng bilog sa itaas at parang mga manggas sa dalawang tagiliran nito parang magmukhang kamiseta. Ang aming aralin—pangunahing pangangailangan ng mga tao na tatatlo lamang noon—pagkain, damit, tirahan. Wala nang iba pa. Magtatrabaho ka paglaki mo upang makakain, upang makapagdamit nang maayos, at mabubungan ang magiging pamilya mo. At siya, na isang payat at laging-nakataas-ang-mga-balikat na binatliyo ay mangangarap—kagaya rin naming lahat—na makamit ang kaniyang pinapangarap na buhay—ang magkaroon nang maayos na matitirhan, may sapat na pagkain para sa kaniya at para sa kaniyang asawa’t magiging mga anak, at may perang panggastos sa iba pang mga pangangailangan.

Muli, nagbabalik—kahit na 27 taon na ang nakararaan—ang mga alaala ng iginuhit niyang kamisetang walang kuwelyo, sa pisara dahil sa pinag-aaralan naming tatlong batayang pangangailangan ng isang tao…

2

Napakarami, hindi ko na mabilang kung ilang ulit akong nadaraan sa tapat ng bahay nina Nando na ang bungad, natatabingan ng isang gate na bakal na kulay berde, sapagkat ang napakaliit na eskinitang iyon—na kilala bilang Mabini—ay daanan patungo sa Kalye Burgos. Bukod pa rito, sa lugar na iyon naroroon ang paborito kong lugawan na pinag-aalmusalan ko kapag walang pasok. Doon, oorder ako ng umuusok na lugaw na mayroong laman at sasamahan ko ito ng utak ng baboy na papatakan ko ng kalamansi’t lalagyan ng iba pang pampalasa. Dagdag pa roon, oorder ako ng tokwa at pritong lumpia upang ipang-ulam sa lugaw na gustung-gusto ko.

Utak, laman, lugaw, lumpia, tokwa, gate ng kanilang bahay, ang mga lumot na nakadikit sa mga pader, ang dulo ng kalye, ang bahay isa pa naming kaibigan, at ilang mga barbed wire at mga kitikiti at buteteng magiging palaka sa minsan ay malinaw na kanal—lahat iyon ay nagbabalik sa aking gunita kapag nababanggit ang makipot na kalsadang iyon, na wari ko ay kasing kipot noon ng mga pangarap naming mga batang nahihilig sa larong kalye, sa pagsisimba, sa pagtingin sa mga imahen ng santo, at pagkakaroon ng bubot na pag-ibig o paghanga sa mga kaklase naming babae noon.

3

 “Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo—bukod kang pinagpala sa babaing lahat at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus,” hugong ng mga boses na mga nagrorosaryo sa pag-akyat ng imahen ng Birhen ng Fatima sa kanilang bahay sa Mabini.

Matapos ang pagdarasal, narinig kong “kinausap” ng kaniyang ina ang estatwa ng Birhen. Taga-Davao ang kaniyang ina at may punto kung managalog.

“Huwag mo po kaming pababayaan, Mama Mary. Mahal na mahal ka namin, Mama Mary,” sabay halik sa larawang yari sa eskayola na dinamtan ng ginintuan at burdadong damit na donasyon ng mga deboto.

Tandang-tanda ko pa kung gaano katamis ang ngiti ng kaniyang ina na maputi at may hitsura na laging nakaayos ang maikli, alun-along buhok at sinusupil niya ito gamit ang headband.

Kaya kami siguro naging malapit sa isa’t isa, dahil sa bukod sa magkaklase kami at magkalaro, pareho kaming relihiyoso ni Nando, maging ang iba pang mga kaklase namin: sina Bong-Bong, Jose, Darren, Jename, Jennifer, Mabel, Eloisa, Jocely, Concepcion, at iba pa ay pawang nararahuyo sa daigdig ng mga santo, ng mga dasal, at mga sitas sa Bibliya.

Katoliko kami samantalang may mga kaklase kaming kaanib ng simbahang itinatag ng rebolusyonaryong si Gregorio Aglipay.

Tandang-tanda ko, minsan isang gabi, nagprusisyon-prusisyonan kami gamit ang mumunting larawan ng Birhen, ng Kristo, at ng Niño nabili naming nakalagay o nakadikit sa bubog. Si Nando, magaling gumawa ng kung anu-ano, ang siyang naglagay sa tikin na kawayan ng mga imaheng iyon at na kinabitan pa ng kuwintas na plastic na krus. Parang mga bandila ay itinanghal naming ang mga iyon, at sa kadiliman ng gabi, maririnig ang mga boses namin sa pag-awit at pagdarasal. Iyon, para sa amin, ay isang seryosong laro sapagkat tangan-tangan naming ang mga larawan ng banal na nabuhay sa mundo.

O Hesus ko, patawarin mo an gaming mga kasalanan, iligtas mo po kami sa apoy ng impiyerno, hanguin mo ang mga kaluluwa sa Purgatorio, lalung-lalo na ang walang nakaalala…”

Sa bawat hakbang at bawat usal ng dasal, naroroon ang mga batang puso namin. At ang liwanag na tumatanod sa amin sa dilim ay ang mumunting kandilang inilagay sa loob ng isang malaking lata ng gatas na binutasan nang maliliit sa loob at nilagyan ng tatangnang alambre. Itututok namin ang ilaw na iyon sa lansangang aming dinaraanan at pagka minsan, sa larawang dala-dala namin. Sa aming likuran, hindi namin puna ang naghahabaan naming mga anino dulot ng liwanag munting liwanag na iyon na nagmumula sa aming ilawang lata. Hindi namin napupunang parang mga multo iyong nakasunod sa amin. Basta ang alam namin noong mga panahong iyon, nakatuon ang aming mga pansin sa larawan ng Kristo, ng Birhen, ng Niño na nakadikit sa makapal na salamin at nakalagay sa dulo ng tikin na gawa ni Nando.

“Ulitin natin ito, ha?” ani ko.

“Oo, sa isang gabi,” anila.

At matapos magpaalaman, umuwi na kami sa mga tahanan namin sapagkat papalalim na rin ang gabi at ayaw namin na mabulyawan ng mapagtungayaw naming mga ina.

4

Hindi ko matandaan kung napag-usapan ba namin kung ano ang magiging kami pagdating ng araw. Noon, hinuhulaan na magiging pari o siyentista ako, dahil sa pagkahilig ko sa agham at teknolohiya at dahil na rin sa pagiging palabasa ko ng Bibliya at palagiang pagsisimba. Naging sakristan pa nga ako noon sa aming parokya subalit hindi ko rin tinagalan dahil sa hindi ko naibigan ang asal ng mga kasama ko sa pagsa-sakristan.

Basta ang alam ko lang, malapit kami noon ni Nando at kasama siya sa ilang mga lakaran, gaya nang pagkain namin noon sa isang popular na lugawan malapit sa isang pamantasan, pagtawid lamang ng daang Gobernador Pascual.

May pagkasipunin si Nando, at kung pahirin niya ang kaniyang ilong, ganoon na lamang. Gamit ang kamay, papahirin niya ito nang pataas at saka ipapahid sa damit ang uhog nito. Tipikal na gawain ng isang batang sa susunod na panahon, mag-iiba ang landas.

Hindi ko alam kung ano’ng nangyari. Subalit kahit pilit kong alalahanin kung ano pa ang mga napag-usapan at napagsamahan naming noon, ay para bang malabong tubig sa kanal pagtapos ng ulan ang mga gunita ko tungkol sa kaniya.

Gayunman, sa tuwing maririnig ko ang buong pangalan niya, napapangiti ako sapagkat, minsan naglalaro kami ng anumang larong alam namin. Aakyat sa bakuran ng kanyang tiyuhin na nagmamadali sapagkat hahabulin kami ng mababagsik, puting-puting gansa at pagkaminsan, makikita ko siyang nagpapakain ng mga manok na panabong nilang alaga.

May mga pagkakataon din siguro na nagkakagalit kami (o baka naman hindi?).

Gayunman, nang magbibinata na kami at nasa huling bahagi n gaming pag-aaral sa elementarya—magiging magkaribal kami sa iisang babae na kaklase rin namin—si Klang.

“Gusto ko si Klang,” aniya.

“Ako rin,” ani ko naman.

Hindi ko na matandaan kung sino pa ang ikatlong manliligaw subalit alam ko, kung hindi ako nagkakamali, napasagot niya at naging pagsintang pururot niya si Klang—ang babaing mayroong magandang labi, mapungay na mata, at may balat na hindi naman kaputian. Pero para sa amin, isa siya sa pinakamagandang babae sa balat ng lupa at ang makasama siya, ang maging nobya siya, ay isang malaking karangalan sa aming mga batang lalaking tuli na at nagbibinata.

Ngunit dahil hindi rin naman alam ang tunay na kahulugan ng pag-ibig, relasyon at pagmamahal—matatapos din ang ugnayang iyon pagpasok namin sa high school.

Magkakahiwa-hiwalay na kami matapos na tumanggap ng diploma (na ako, bukod sa diploma ay ginawaran pa ng natatanging parangal at sandamakmak na sertipiko’t medalya dahil ako ang valedictorian ng klase).

Ang alam ko, sa pampublikong high school siya nag-aral sa Malabon at ako naman, naipasok sa isang pribadong paaralang hunyango kung ituring ko. Sekular ang pakilala subalit napakarelihiyosng protestante ang may-ari. Sa Navotas, na karatig-bayan ng Malabon, naroroon ang pinasukan kong high school.

Wala na akong naging balita sa kanila sapagkat bibihira na nga ring magkita.

Basta ang gunita ko kay Nando, isa siyang mabait, masunurin, at mapagmahal na anak at kapatid bagaman naaalala kong hiwalay ang kaniyang mga magulang.

5

Isang malakas na lagabog sa pinto ang kanilang narinig.

Naabala ang kanilang paghahapunan na hagyang huli na sapagkat alas-diyes na noon ng gabi at ang kanilang mga kapitbahay kung hindi man naghahanda nang matulog ay nanonood ng kanilang paboritong palabas sa telebisyon.

Ang asawa niya ang tumayo para sinuhin ang mga nang-aabala.

“Bang! Bang! Bang!” sunud-sunod na putok ng baril, at sa agaw-liwanag ay nakita niya ang kisap bagaman agad na nagdilim ang kaniyang paningin sapagkat ang tingga, baon na sa kaniyang bungo, dibdib, tiyan. Agad siyang nalagutan ng hininga. Hagip din ng lumilipad na punglo na susi sa kamatayan ang babae.

Wumang-wang ang sirena ng ambulansiya at nagkukumahog ang mga pulis na nag-iimbestiga sa pananalakay na iyon, Hulyo 29, 2016 sa bahay na iyon na nakatindig, natatabingan ng gate na hindi ko na alam kung na ngayon ang kulay na nakapahid na pintura, sa maliit na eskinita na kung tawagin ay Mabini. Nakarating ang babae sa ospital subalit agad ding binawian ng buhay.

Onsehan, diumano sa droga, ang dahilan kung bakit sinalakay at pinaslang ang mag-asawa, ayon sa imbestigasyon.

Nang mabalitaan ko ang nangyaring iyon sa bahay na lagi kong pinuputahan at dinaraanan noong bata ap ako, agad na sumirit sa aking gunita ang araw na iyon na pareho ang nakikita naming liwanag at mga bagay na nakapalibot sa akin.

Agad na sumigid, hindi lamang ang larawan ng kanilang tahanan, ang mukha ng kaniyang ina na humahalik sa imahen ng Birhen, ang mga laro at tawanan, ang lugawan na kinakainan ko ng lugaw na may halong laman at utak—kundi ang tagpong iyon sa klase naming sa ikatlong baitang:

“Tatlo ang pangunahing pangangailangan ng tao—pagkain, damit, at tirahan…” alingawngaw ng boses ng aming guro at ang pagtawag nito sa mga ibig na magboluntaryong gumuhit ng mga larawan ng bahay, damit, tirahan. At ang payat na na binatilyong iyon ay gumuhit ng isang rektanggulong mayroong isang butas sa itaas at parang mga manggas sa gilid—isang kamisetang hindi naman kamiseta.

Nanghihinayang ako, sa totoo lamang. Sapagkat batid kong mabait at masunuring anak ang mahigit na isang taon nang patay na si Nando. Naghangad ba siya nang labis kaysa madamitan, mabigyan ng masisilungan, at mapakain ang kaniyang pamilya kung kaya siya sumugal sa isang hanapbuhay na hindi lamang sumisira sa iba kundi maging sa iyong sarili? Hindi ko alam. Hindi ko na rin siya matatanong sapagkat tikom nang pangmatagalan ang kaniyang bibig.

Pero, hindi ko malilimutan ang kaniyang hitsura, ang kaniyang tindig, at ang mga panahong naglalaro kami sa eskinitang iyon, na singkipot ng aming mundo, na kung tawagin ay Mabini…

Ang akdang ito ay naisulat bilang lahok sa Saranggola Blog Awards 9.

http://www.sba.ph/

 

Mga Sponsor:

ccp

 

deviceph

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s