Mga Karatula Kalsada ng Diwa

“Paskil”

Karatula’y isang babala,
O paalala kaya
Sa iyong nawawala
sa isip at diwa
Ang dapat na iasal
Sa lipunang pinatatakbo
Ng mga batas, panuntunan,
Mga nasusulat na mga panuto—
Mundong hindi tumatakbo
Sa silakbo, sigabo ng damdamin mong
Madalas kaysa hindi’y nararahuyo
Sa gawaing lisya at liko.
(Wala naman kasing makaaalam.
Lahat ay gumagawa niyan.
Kung mahuli man, kayang lusutan…)

Walang tawiran—nakamamatay.
Huwag tumawid—may namatay na rito.
Bawal magtapon ng basura rito
Ang lunang ito ay hindi para sa tao.
Aso lamang ang umiihi rito…

Hayop ba tayong walang pag-iisip
Na simpleng salita’y hindi malirip
Na lahat ng nasusulat ay dapat tupdin,
lahat ng panuto’y dapat sundin?

Maraming nagdarasal, tutop ang dibdib…
Maramng ibig makapasok sa Paraisong Langit.
Subalit tunay na umuukilkil sa isip—
Batas ng tao’y hindi matupad, hindi mabatid
Paano pa kaya ang utos ng Hari ng Langit?

***

“Signboard”

Katahimikan ng gabi ay biglang binulabog
Tila tunog ng tambol ang rapidong putok.
Himig ng gabi, ay palahaw at himutok
Awit na ponebre’y sa kaluluwa’y nanoot.

Sa isang sulok, kalyehon ng lungsod
Na ang mga gusali’y naglalakihang puntod
Ilaw na dagitab ang nagsilbing tanod
Sa katawang walang buhay, sa dugo ay lunod.

Adik ako, huwag tutularan.
Anang paskil na napakaibabaw
Sa duguang bangkay na tinatangisan
Ng nangungulilang kabiyak ng buhay…

***

“Billboard”

Sumumpit sa mga mata larawan ng ngiti ng artista
Sa naglalakihang patalastas sa kahabaan ng EDSA.
Sinasabuyan ng usok, inaawitan ng busina
Mga imahen sa naglalakihan, nagkukulayang karatula—

Pampaputi ng singit, kilikili, tuhod, hita, braso
Alak-alakan, bisig, bukung-bukong talampakan.
Alahas na ginto at pilak, relong ‘singmahal ng mansiyon
Damit na kumikinang sa sekwins at burloloy.

Mga gamot na nakapagpapanipis ng baywang,
Nakapapawi ng takam nang ‘di madagdagan ang timbang.
Pampakipot ng “kuwan.” Pampalaki ng kalamnan.
Pampatigas ng buto, pampalaki ng mga suso.

Sulong na teknolohiyang aalis sa balbon at bulbol
Nang malayang makapagpalda nang maigsi
Sa mga pagtitipon, sa trabaho, o anumang okasyon
O makapag-bikini kapag nasa beach o resort.

Bahay at lupa, sasakyang magagara.
Murang tiket sa eroplano papuntang ibang bansa.
Pautang sa mga nagnanais na magkabahay, magkasasakyan,
“Tips” kung paano makakakamal ng sandamukal na kayamanan…

Anunsiyo ng bagong telenobela, game show, at gag show.
Bagong mga pagkaing sa buhay, makapagpapalawig…
Bagong teknolohiya—computer, cellphone o anumang gadget.
Diskwento at sale sa mga mall , tiyangge, at supermarket.

Sa haba ng prusisyon ng mga larawan ng iba’t ibang kalakal
Kaluluwa at isip, puso at diwa, pawang nangapapagal.
Napapatanong tuloy sa sarili, habang inaantay
na umandar ang bus na aking sinasakyan—

Ang mga ito ba talaga ang batis ng ligaya at halaga ng buhay?
O mga lasong itong sa puso’t kaluluwa’y pumapatay?

Ang mga tulang ito’y lahok sa Saranggola Blog Awards 9. Naisulat sa ilalim ng kaisipang natipon sa katuturan ng salitang “Karatula”.

saranggola-336x280-e1508055670534.jpg

 

ccp

deviceph

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s