agriculture-arable-clouds-countryside
Ang larawan ay mula sa pexels.com. Pinanatili sa may-ari ang karapatang-ari (copyright) ng larawan.

Nang naglilinis ako ng aking kabinet ng mga aklat, nakita ko ang isang lumang tulang naisulat nang ako ay nasa kolehiyo pa. Kung hindi ako nagkakamali, naisulat ko ito mga 13 taon na ang nakararaan. Pagbigyan na ninyo. Harinawang huwag kayong maalibadbaran…

Paano nga ba sasabihing hindi na kita mahal?
Parang kayhirap namang usalin ng mga salita.
Samantalang kaydaling sabihing: “Patawad”
At ang mga pangungusap na “Mahal na Mahal
kita at hindi kailanman magbabago ang tibok ng dibdib.”
Subalit, tulad ng mga luha,
Unti-unti ring mapapagod ang mga mata
At sa katagala’y unti-unti ring matutuyo,
Mawawala rin ang pamumugto.
Gaya ng damo sa umaga at hamog kapag madaling-araw:
Magbabagong bihis. Sasama sa hangin.

Bakit nga kaya sa kabila ng katamisan
Naroroon at nagbabanta ang isang unos?
Marahil, kasama ito sa mga hiwaga ng buhay.
Kasama sa sanglaksang palaisipang
Dapat sagutin, bigyang-kasagutan.

Napakaraming tanong subalit kayramot ng kasagutan.
Dahil sa kaunti ang sagot, malawak ang katahimikan.

At dahil sa pananahimik, buong pag-aakala’y
Laging “Oo” ang saglot. Laging pag-amin.

Datapwa, iba pala ang sinasabi ng isip.
Iba rin ang ibinubuka ng bibig.

Ngayon ko lamang napatunayang
Sa napakaraming pagkakataon
Sa napakahabang panahon ng paghihintay
At pagpapakarahuyo sa pagsuyo:
Darating din ang panahong mauupos
Na tila isang kandila ang damdamin…
Wala na roon ang tamis.
Wala na roon ang sigla.
Gaya ng panahon ng taglagas,
Susundan ng patak ng niyebe.
At tutunawin naman ng mga patak ng ulan.

Subalit huwag mong hinalaing
Ni minsa’y hindi nag-ukol sa iyo
Ng isang hibla ng pagpapakatotoo–
Pagpapakatotoong minsa’y hinibang ang sarili;
na minsa’y nagkulay-bahaghari ang paligid
dahil sa kaulayaw ka sa mga dapithapong
malayang umiihip ang hanging amihan;
na ang mga yakap ay katumbas din
ng mga panahon ng tag-araw
na kaysarap magtampisaw sa sapa
habang hinahabol ang mga isdang
nagkikisaw-kisaw sa makinang na tubig.

Huwag mo rin sanang sabihing
Ipinagsinungaling ang bawat parirala–
Pagmamahal, pagsinta, pag-irog,
Paghanga, pagsamba, pag-asam.

Marahil talaga lamang napapagod ang puso,
Napapagal ang diwa, nanghihina ang kalul’wa
Sa paghihintay sa siang sandaling
Sabihin mong ako’y mahal mo rin…

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s