foodevolution_palay
Larawan mula sa http://www.foodevolution.com.ph/uploads/2016/03/foodevolution_palay.jpg

Umalulong ang mga buldoser at parang mga taong naghihingalo, agad na nangatumba, at nilamon ng lupa. 

Nangingilid ang kanilang mga luha, hindi lamang sa hinagpis at sakit ng loob, kundi sa nabubuong apoy sa kanilang mga dibdib, na inihihinga ngayon ng kanilang mga mata, at natitipon sa gitna ng kanilang nakakuyom na kamao.

***

“Kung wala kayong pambayad, malaya kayong makaalis! Mga walang pakinabang,” singhal ni Don Mariano sa mga magsasakang susukut-sukot, parang mga batang hindi makasagot sa sumisinghal na magulang.

“Pppero, may isang buwan pa po kaming palugit para makahulog, ‘di po ba?” sabi ni Fermin, na halos nakahalang sa kaniyang lalamunan ang mga salitang inuusal; paanas, parang hamog na tinatangay ng hangin.

“Nagbago na ang isip ko. Ibig kong sa isang linggo kayo magbayad ng mga utang n’yo. Kung hindi kayo makababayad, pasensiyahan tayo. Matagal na rin naman kayong nakinabang sa lupain ko, at hindi rin naman ako kumikita sa inyo nang husto. Mas mainam pa nga yatang ipagbili ko na lamang ito o kaya naman, ipapatag ko at patayuan ko ng subdibisyon, o pabrika kaya. Baka dumoble pa ang kita ko!”

“Don Mariano!” halos paiyak na sabi ng mga butuhang lalaki’t babae, na ang mga ina’y napayakap sa kanilang tangang mga sanggol, o napahawak nang mahigpit sa kanilang mga asawa, o kanilang mga paslit.

Ngunit, hindi sila narinig ng don. Agad nitong inutusang paharurutin, papalayo, ang kaniyang mamahaling kotse, na kumikinang sa pagtama ng sinag ng araw…

***

Sa gitna ng pag-angil ng mga buldoser, at sa pagngisi ng kasiki, umangil din sa dibdib ng mga magbubukid ang hindi masukat na galit.

Tangan ang kaniyang mga pala, asarol, at karit, sinugod nila ang mga utusan ng don, ang mga nagmamaneho ng buldoser, ang mga guwardiya, ang mismong don.

Pumutok ang mga baril, umagos ang dugo sa balikat, sa dibdib, sa ulo ng ilang magsasaka subalit tila sumisingasing na kabayo ang mga magbubukid na ang mga katawa’y binatak–at tinuyo–ng maghapong pagtatrabaho sa bukid na kailanman ay hindi nila naging pag-aari subalit pinagpala na para bang sa kanila.

Bumulwak din ang dugo sa nagbukang sugat sa balikat, tiyan, sa bungo ng mga upahang guwardiya at nagmamaneho ng naglalakihang sasakyang pandukal ng lupa. Nag-iiyakan ang mga paslit, nagtitili ang mga asawa ng magbubukid.

Si Fermin at ang ilang mga kasama’y nakalusot sa umuulang bala, at nakalapit sa don na tatakbo sanang papunta sa kaniyang magarang sasakyan. Palo, taga, unday ng saksak. Tumilamsik ang pulang-pulang dugo sa salamin at katawan ng sasakyan ng don.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s