Ka Roger

05ed

Rogelio Lunasco Ordoñez (September 24, 1940 – May 19, 2016) (Larawan kagandahang loob ng Pinoyweekly.org)

Mayo 19, 2016 nang malagutan ng hininga ang makabayang propesor, manunudling, makata, kuwentista, at peryodista na si Rogelio Lunasco Ordoñez. Ama kung ituring ko siya. Kagaya rin ng pagturing ko kina Ave Perez Jacob, na pumanaw noong ika-8 ng Hunyo, 2015, at Bayani S. Abadilla, na sumakabilang buhay naman noong ika-14 ng Mayo, 2008–na pawang mga kaibigan niya, sa unibersidad man, sa pasulatan man, o sa pakikibaka man sa pagpapalaya ng sambayanan mula sa pagtanikala ng tinaguriang tatlong salot–imperyalismo, burukrata kapitalismo, at piyudalismo–na, noon pa man, ay siyang sumisikil at kumikitil sa pag-asa ng bayan na maging malaya at magkaroon ng pagkakapantay-pantay.

Kung si Ka Bay (Abadilla) ang nagturo sa akin ng sining ng mataliksik at masinop na pagtula, si Ka Roger (Ordoñez) ang nagturo naman sa akin kung paano sumulat ng prosa at ng matatalas na analisis pagdating sa lipunang Pilipino. (Malaking impluwensiya rin sa aking pagsusulat ang makata at makabayang propesor sa kasaysayan at panitikan na si Gandhi Cardenas, Sr., na dahil sa kaniyang pagkaka-istrok ay halos sa bahay na lamang niya sa Taytay, Rizal namamalagi; samantalang naging idolo rin natin sa prosa, partikular sa nobela at pagsulat ng pitak si Ave Perez Jacob.)

***

Noong ika-9 ng Oktubre, 2015–16 araw lamang bago ang ika-98 ng makasaysayang Rebolusyong Oktubre sa Rusya (1917), isinulat ni Ka Roger ang ganito sa pahina ng pamagat ng kaniyang librong Sa Pamumulaklak ng Talahib, ang ganito:

Kay Ka Noel, isa sa iginagalang kong kabataang manunulat. Mabuhay ka!

IMG_20170520_230307.jpg

Lagda ni Ka Roger, dedikasyon para sa akin…

Nakatataba ng puso. Sapagkat ang paghanga ng isang dakilang manunulat sa isang pipitsuging makata at kuwentistang katulad ko ay para bagang isang malaking biro, lalo pa’t nababatid mong wala pa sa kalingkingan ng pumupuri ang naabot mo. Dekada ’60 pa’y kilala na si Ka Roger sa kaniyang pino, masinsin, at matalas na pagsusulat na laging nakatuon sa nagnanaknak na sugat ng kaniyang Inang Bayan, ng kaniyang La Tierra Pobreza, na malaon na niyang hinahangad na makitang lumaya buhat sa kamay ng mga naghaharing-uri at mula sa mga kuko ng imperyalista; at makita ang kaniyang bayang magiliw at ang sambayanang lagi niyang pinaglalaanan ng kaniyang mga berso, na matamasa ang tunay na kalayaan at pagkakapantay-pantay.

***

Laging makirot, maantak sa puso’t isipan ang alalahanin ang kamatayan ng isang malapit na kaibigan, magaling na tagapayo, ama, kasama, at isang dalubgurong naniwala sa kakayahan mo, hindi lamang bilang mag-aaral sa loob ng pamantasan kundi bilang bahagi ng isang malawak na kilusang nagtataguyod sa kapakanan at kagalingan ng sambayanan.

Sabi nga ng rebolusyonaryong Tsino, pilosopo, at manunulat na si Mao Zedong:

All men must die, but death can vary in its significance. The ancient Chinese writer Szuma Chien said, “Though death befalls all men alike, it may be weightier than Mount Tai or lighter than a feather.” To die for the people is weightier than Mount Tai, but to work for the fascists and die for the exploiters and oppressors is lighter than a feather.

At naniniwala akong simbigat ng kabundukan ang pagpanaw ni Ka Roger dahil kahit sa huling hininga, nababatid ko, hindi nawawaglig sa kaniyang puso at isip ang masang sambayanang lagi’t laging bahagi, laman, at pinag-aalayan ng kaniyang panulat.

Hinding-hindi kita kailanman malilimutan, maging silang nauna sa iyo…

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s