Posted in children's story in Filipino, Filipino fable, modern Filipino fable

Si Rod Uod at si Mariposa Paruparo

Ang larawan ay mula sa http://previews.123rf.com/images/veterdraw/veterdraw1109/veterdraw110900001/10506585-Worm-and-butterfly--Stock-Vector-worm-cartoon-insect.jpg. Nananatiling nasa may-ari ang tanging karapatan sa larawan. Ginamit para sa layuning edukasyonal lamang.
Ang larawan ay mula sa http://previews.123rf.com/images/veterdraw/veterdraw1109/veterdraw110900001/10506585-Worm-and-butterfly–Stock-Vector-worm-cartoon-insect.jpg. Nananatiling nasa may-ari ang tanging karapatan sa larawan. Ginamit para sa layuning edukasyonal lamang.

Sa iisang hardin, may dalawang nilalang na magkasamang umiiral. Isang taga-“ibaba,” at isang taga-“itaas” naman. Isang gumagapang sa lupa, at isang lumilipad nang malaya.

Ang taga-ibaba ay si Rod, isang mahaba at kulay-kayumangging uod. At ang taga-itaas, si Mariposang makukulay ang pakpak.

Bagaman sa iisang hardin naninirahan, hindi sila magkasulyapan. Sapagkat si Rod, laging natutulog sa ilalim ng batong matigas. Si Mariposa naman, palipat-lipat sa iba’t ibang bulaklak.

Ngunit para bang tadhana nila’y pinagtiyap nang si Rod, ang kayumangging uod ay nagpasyang manginain sa ugat ng rosal. Matapos magpiyesta sa dahon at siit, si Rod ay napatingala sa langit at nasulyapang lilipad-lipad ang paruparong marikit.

“Whoa! Anong nilalang kaya siya? Ang kulay niya, at talaga namang kayganda!” sabi ni Rod sa sarili na parang namalikmata.

Sa kaniyang pagkatigagal sa kagandahan ng lumilipad na nilalang, hindi niya namalayang lumapag ito sa isang bulaklak ng rosal.

“Magandang umaga, kaibigan!” bati ni Mariposang may ngiti sa labing taglay.

Nagulat si Rod, at hindi agad nakasagot. Tanging nasabi na lamang niya, “Kaygara naman ng iyong suot!” at sa kaniyang bibig, kamay ay naitakip. At saka gumapang na susukut-sukot.

Napatawa ang paruparo, at lumipad pagdaka, dumapo sa batong nakalapag sa lupa. Minasdan ang uod na ngayon, hiyang-hiya sapagkat sa sarili ang tingin ay mababa.

“Salamat sa papuri, kaibigan. Ikaw rin naman, may taglay ring kagandahan,” pakli ng paruparong pakpak ay makulay.

“Tila yata bulag ka,” yamot na sagot ni Rod na uod. “Masdan mo iyong sarili, at titigan ako: nasaang bahagi ang sinasabing ganda ko?”

Napabuntung-hininga ang paruparong sari-kulay, at saka nabanggit ang ganitong mga bagay:

“Lahat ng nilalang ay may kagandahan, maaaring nakakubli lang sa tabing na kapangitan,” sabi ni Mariposa sa nilalang na umuusad sa lupa.

“Hindi kita maintindihan, at ayaw ko ng talinghaga. Ibig ko ay ang kulay mo’t anyo, ang ganda mong ako’y wala…”

“Maiintindihan mo rin, kaibigan, ang sinabi ko kanina. Gusto mang makipag-usap nang mahaba-haba, subalit may kailangan pa akong gawin kung kaya’t paalam na!” Nakangiting lumipad ang mariposang makukulay ang pakpak, at si Rod na uod nama’y nagpasya na ring umusad.

Bagaman wala na ang nilalang na may pakpak, may naiwang isang bagay sa puso niyang ngumangatngat.

“Ibig ko ring maging tulad niya, malaya at maganda, makulay ang anyo at may pakpak pa!” sabi ni Rod sa loob ng isip niya.

Nang gabing iyon, hindi siya mapalagay. Sa ilalim na batong pahingahan, biling nang biling ang uod na kayumanggi ang ulay!

Nadala niya sa panaginip ang isiping sa diwa niya’y gumugulo kung kaya napanaginipan niya’y ganito:

Nakita niya ang sarili na tinubuan ng pakpak, kulay dilaw at itim na patak. At buong kasabikan siyang lumipad, at nakita niya ang daigdig na higit na malawak kaysa sa harding saan siya nakalagak.

Nagising siya sa magandang panaginip at agad na nabuo ang isang plano sa isip.

“Hah! Gagawin kong totoo ang aking panaginip, lilipad ako, lilipad hanggang langit!” sabi ni Rod sa sarili.

Kahit na hirap, gumapang siyang mabilis upang maghanap ng gagawing pakpak, at nang matupad niya ang kaniyang nais.

May nalaglag na dahon ng San Francisco at nakita ni Rod ang mga ito. Kulay dilaw ito, hindi nga lang itim, subalit may mga patak.

Kinuha niya ang mga dahon at naghanap ng panali. Sa paghahanap niya, nakakita siya ng kaunting pisi.

“Ito na! Ito na! Ito na ang katuparan ng pangarap kong maging maganda, tulad niya!” sabi ni Rod sa sarili na tuwang-tuwa sa ideya.

Upang subukin ang bagong “pakpak” niya, pinilit niyang gumapang sa may katawan ng punong mangga.

Nang nasa kalagitnaan na, saka siya nagpasya:

Isa, dalawa, talon na!

Ngunit sa kasawiampalad, hindi siya nakalipad. Masakit na ang katawan, hinangin din ang pangarap.

Dahil puno ang isip ng pangarap na gumanda’t lumipad, hindi niya napansing si Mariposa’y nakamatyag.

Nakita niya si Rod sa tangka nitong lumipad. Tila ramdam din niya ang sakit nang ito ay lumagapak…

Lumapit siya kay Rod at nagdalang-habag.

“Kaibigan, nakita kita kanina at ang pagtatangka mong lumipad,” sabi nito kay Rod na sa puso’y apaw ang pag-unawa’t habag.

“Narito ka ba para laitin ako’t hindi ako nakalipad? Na kahit binalot ng dahong makulay ang katawan, hindi pa rin naging pakpak?” sabi ni Rod sa kausap.

“Hindi, kaibigan, hindi! Ikaw ay nagkakamali. Narito ako para sabihin sa iyong muli, na ang tulad mo ay kagandahan ding tangi.”

“Alam mo, kaibigang uod bawat isa ay may ganda. Bawat nilalang ng Diyos ay may rikit at halaga: Akong paruparong may sarikulay na pakpak at ikaw na uod na gumagapang at kayumanggi ang balat. Nilalang ako na maganda at makulay, subalit dalawang pahina lamang ang haba ng aking buhay. Kahit hindi ka makalipad at tanging gawa’y ang umusad, sinasabi ko sa iyo, buhay mo’y hindi hamak.

“Sabihin mo nang samyo ko ang bulaklak, at ikaw naman ang pagkain ay tuyong dahong sa lupa’y nalaglag. Ang tungkulin ko, paramihin ang prutas, ikaw naman kaibigan, patabain ang lupang malawak.

“Kita mo? Ikaw man ay maganda dahil ang gawa mo sa lupa’y mayroong halaga,” mahabang paliwanag ng magandang mariposa.

Natauhang bigla ang uod na kayumanggi, at agad gumuhit sa labi ang matamis na ngiti!

“Salamat kaibigan, ipinaalala mo sa akin. Bawat nilalang ni Bathalang mahal, dahil may silbi’y maganda nga’t marangal…”


Ang pabulang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 7.

Saranggola 336x280

Salamat sa sumusunod na mga sponsor:

taragis-jpg-logo rotary club of south triangle logo_dmci lionsmall dplogonew

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s