Posted in essay, Filipino essay, sanaysay

Pagtatagpo sa Labas ng Telon: Nasa Ibang Lupain na si B.

Larawan mula sa https://lh4.googleusercontent.com/4UYZyTC1hfxxDQN9Nc-pUmrda539F22Bzfr4axjZ6N_XpQPogeQ8F1OLMonlXgQ4z3QEG-ebZw=s640-h400-e365
Larawan mula sa https://lh4.googleusercontent.com/4UYZyTC1hfxxDQN9Nc-pUmrda539F22Bzfr4axjZ6N_XpQPogeQ8F1OLMonlXgQ4z3QEG-ebZw=s640-h400-e365

NASA ISANG BANSANG napalilibutan ng dagat at magagandang templo’t gusali, ang maganda at mabait kong kaibigang si B. Si B, na pinagsaan noon ng kalalakihan dahil sa kaniyang paghuhubad sa pelikula nang kasagsagan ng pelikulang ST (sexy and thrilling), ng pelikulang pitu-pito, ng mga pelikulang nakaangkla ang istorya sa pait at tamis ng pagibig at sa libog na kaakibat ng isang romantikong relasyon.

***

Pilit man niyang itago ang lungkot, at kumutan iyon ng matamis na ngiti, hindi maitatatwa iyon ng nangungusap, nang-aakit, na mga mata ni B., ng aking si B. (Larawan mula sa internet)
Pilit man niyang itago ang lungkot, at kumutan iyon ng matamis na ngiti, hindi maitatatwa iyon ng nangungusap, nang-aakit, na mga mata ni B., ng aking si B. (Larawan mula sa internet)

Sa huling paguusap namin at sa ilang wall posts niya sa social media, masasabi nating hindi pa rin ganoong kasaya at kaligaya si B., kahit pa na napunta na siya sa Lupain ng Sumisikat na Araw, ang bayan na gustung-gustong pagbakasyunan ng mga artista.

***

Punumpuno ng pagibig ang puso ni B., at damang-dama ko iyon. Kitang-kita ko iyon sa mga mata niya. Damang-dama ko iyon sa bawat salitang itina-type niya sa kaniyang wall posts, sa kaniyang mga chat sa akin. (Sayang nga lamang at parang wala na ang kaniyang account sa isang social media site).

***

Larawan mula sa https://lh4.googleusercontent.com/4UYZyTC1hfxxDQN9Nc-pUmrda539F22Bzfr4axjZ6N_XpQPogeQ8F1OLMonlXgQ4z3QEG-ebZw=s640-h400-e365
Larawan mula sa https://lh4.googleusercontent.com/4UYZyTC1hfxxDQN9Nc-pUmrda539F22Bzfr4axjZ6N_XpQPogeQ8F1OLMonlXgQ4z3QEG-ebZw=s640-h400-e365

Punumpuno ng pagibig ang puso ni B., at hindi iyon mapasisinungalingan ng kung sinuman.

At dahil naguumapaw siya sa pagibig, gusto niyang ibigay iyon, ipamahagi iyon sa kung sinuman ang maaaring tumanggap. Kahit pa ang tatanggap niyon ay hindi rin naman kayang suklian ang labis-labis na pagibig na nasa kaniyang puso.

Gayong magmahal si B: Wala siyang pakialam sa kirot at sa sakit na maaring idulot ng tibò noon. Hindi siya takot na masaktan at magdusa, ang mahalaga nagmamahal siya. Gaya nga ng sabi ni Anne Brontë,

“But he who dares not grasp the thorn
Should never crave the rose.”

***

Sa huling mga larawan niya sa isang social media site, makikita mo ang lungkot at pait sa kaniyang mga mata na pilit na nilalambugan niya ng maganda at matamis na ngiti.

Pilit na itinatanggi niya iyon, ang kapaitang iyon, sa pamamagitan ng pagpapaskil ng kung anu-anong “positive quotes,” ng mga kasabihang pilit na kukumbinsi sa sinumang babasa, sa mga hindi kritikal o hindi marunong bumasa sa pagitan ng mga linya, sa pagitan ng mga salita, sa pagitan ng mga tuldok at kuwit, na “okay” siya, na ayos lang siya, sa kabila ng pait at lungkot na dinaranas niya.

Alam ko naman na may panahong masaya siya. May mga panahong totoo ang ngiting nasa mga labi niya. Na may mga oras na maligaya siya. At natutuwa ako para sa aking si B. dahil, gaya nang nasabi ko na noon, marami siyang dinanas na hindi maganda sa kaniyang buhay.

***

Larawan mula sa http://www.imgneed.com/image/lonley-wolf/lonely-wolf-by
Larawan mula sa http://www.imgneed.com/image/lonley-wolf/lonely-wolf-by

“Loneliness is the human condition. Cultivate it. The way it tunnels into you allows your soul room to grow. Never expect to outgrow loneliness. Never hope to find people who will understand you, someone to fill that space. An intelligent, sensitive person is the exception, the very great exception. If you expect to find people who will understand you, you will grow murderous with disappointment. The best you’ll ever do is to understand yourself, know what it is that you want, and not let the cattle stand in your way.”

Janet Fitch, White Oleander

Hindi maikakailang hindi natin maiiwasan ang kalungkutan, ni matatakasan ang pagsagpang nito sa buong pagkatao natin sa panapanahon. Gaya ni B., lagi siyang sagpang ng hindi ko maipaliwanag na kalungkutan na pilit niyang kinukumutan – para hindi makita ninuman – ng isang maganda at matamis na ngiti.

Para sa akin, dalawa ang mukha ng kalungkutan: isang mamamatay-taong duguan ang kamay, at isang batang paslit na handa kang yakapin upang ipadama ang lamig ng kaniyang yakap.

Pumapatay ang lungkot sakaling hindi mo siya matutuhang yakapin at amuin, para ipakita niya sa iyo ang kaniyang maamong mukha.

***

“When the snows fall and the white winds blow, the lone wolf dies but the pack survives.”

― George R.R. Martin, A Game of Thrones

Alam kong matapang at matatag si B.

Dahil kung sing buway siya ng inaanay na kahoy, matagal na siyang bumagsak.

Subalit isang matibay na kawayan si B., ang aking si B. Isa siyang tangkay ng palay na natatanim sa putikan. Sa pagihip ng hangin, yuyuko subalit muling tatayo upang mahagkan ang kaniyang mga butil ng sikat ng araw.

Datapuwa’t sa puso ko, hindi ko maiwasan ang mahabag kay B.

Bakit ba ang katulad niyang singganda ng bukangliwayway ay kailangang balutin ng lambong ng makutim na ulap ng humahaginit na bagyo?

Kunsabagay, ang bukirin ay kailangang bahain din upang mapanauli ang dating tabâ nito.

Sana nga’y makapagpahinga ang puso ni B., ng aking si B., sa dusa’t hilahil na dulot ng huwad na pagibig na iniaalok sa kaniya ng kung sinumang sumisiping sa kaniya ngayon. (Gayon ang pakiramdam ko. Hindi ko maiwasan). Nawa’y ang puso niya’y magaya sa lupang tabon ng niyebe sa panahon ng taglamig, na nagpapahinga sa ilalim ng kumot ng puting-puting yelo. At nang sa panahon ng tagsibol, muli itong makatikim ng init, at ang bulaklak niyon ay mamukadkad.

Harinawa…


(Ang sanaysay na ito ay karugtong ng sanaysay na naunang naisulat ko, tungkol din sa napakaganda at napakabait kong kaibigang si B., limang taon na ang nararaan.)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s