Posted in Uncategorized

10 Bagay na Naituro sa Akin ng Pagibig (Pasintabi kay Juan Miguel Severo)

Photo lifted from http://hdwpics.com/images/074F4FC28CC3/Girl-With-a-Bouquet-of-White-Roses.jpg
Photo lifted from http://hdwpics.com/images/074F4FC28CC3/Girl-With-a-Bouquet-of-White-Roses.jpg

Kung may mga bagay man akong natutuhan
sa pagibig, pagsinta, pagsuyo, pagmamahal–
Unang-una ay ang matutong maghintay.
Maghintay sa kaniyang tawag, sa kaniyang kaway.
At turuan ang sarili sa tamang pagtugon
Sakali mang dumating siya, mula sa dako pa roon.

Paglimot sa iyong sarili ang ikalawang leksiyon.
Sapagkat ang pagibig ay nagdirikit na apoy:
Dadarangin ka at susupukin, na parang basang kahoy
Hanggang magdingas, magliyab, maglagablab
Ang bawat himaymay ng damdamin mo at ulirat,
Na sa gabi at araw, siya ang iyong hanap…

Tuturuan ka ng pagsinta ng pananaginip at pangangarap,
ng sampalatayang lahat ng araw ay buo at ganap
na ang simbuyo ng damdamin, ‘di magmamaliw, maglilikat,
na bawat lasa sa bibig ay pawang tamis, pulos sarap:
na bawat ikot ng orasan ay walang pagwawakas,
na kayo ang magkayakap, mula ngayon hanggang bukas…

Subalit tuturuan ka rin ng pagibig na yakapin ang riyalidad
na tulad ng ibon, siya ay may malabay na pakpak
na kung gugustuhin sa anumang oras, maaari siyang lumipad
kapag ninasa niyang haplusin, dangkalin ang alapaap,
na suyurin ang kapatagan, kabundukan at ang dagat
at maaaring siyang maligaw, at mapadpad sa ibang pugad.

Dito na papasok ang ikalimang aral ng pagmamahal:
Na katulad ng marikit, mabangong rosas sa halamanan
ang ganda niya’y may lakip na tibo sa palibot ng tangkay.
Na kung gustong yakapin siya at masuyong hagkan–
Ihanda mo ang sarili sa kirot at sakit na tunay
At maghanda ka sa pagpatak ng mga luha ng lumbay.

Ngunit kung lantay at dalisay ang pagmamahal,
Ay matututo kang maghintay, kahit gaano man katagal,
at mamag-asa, na babalik siya sa inyong likmuan
upang muling sindihan ang apoy ng pagmamahalan,
upang papag-initin ang nanlamig na kalamnan
na hinagkan ng hamog ng gabing matagal.

Ngunit, sakaling sa bisig mo ay hindi na niya kilala
at ang hanap ng kaniyang labi ay labi na ng iba–
Tuturuan ka rin ng pagibig, ng wagas na pagsinta
na kalasin ang tanikalang rosas at saka magpaubaya,
Na pamanhirin ang sarili, limutin ang pithaya,
na suungin ang dilim ng gabi na nag-iisa…

Ikawalong aral ng pagsinta, ng pag-irog, ng pagmamahal:
Na hindi patayin ang pag-asa sa iyong kaibuturan.
Baka nga naman magbalik siya, siya na namaalam
At ihanda ang lugar na kaniyang iniwanan,
Upang pagdating niya, may pagpapahingahan
At ang mga bisig mo, ang magsisilbi niyang unan.

Datapuwa’t hindi rin naman laging ganoon, hindi ganoon:
Kaya nga tuturuan ka rin ng pagibig na umasa sa panahon,
na ang natuyong damdamin, muli’t muling magdadaluyong
na ang basyong bisig, ay muli’t muling magkakaroon
ng isang katawang yayakapin, isang pusong magpapaampon
na ang naluoy na hardin, muling mananariwa ang mga palumpon.

Subalit, kaniyang ikikintal, ikikilkil sa puso mo’t isip:
Na kapag nagmahal ka’t natutong umibig–
Magtira sa sarili, kahit na kapurit,
Nang sa pagdating ng bagong pagsinta’t pagibig
Ay may maibibigay ka, may maididilig
Sa bagong rosas na itatanim sa dibdib…

Muling binago noong ika-28 ng Setyembre 2015.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s