Posted in flash fiction

kuwentong Edsa

Gumuguhit sa gunita ang ilang habi ng kasaysayan. Subalit ang tanong ay gaano nga ba ito kahalaga sa nagmamadaling mga paa na laging ang habol ay pangarap at ang pantaboy sa kalam ng sikmura? (Larawan ng Edsa mula sa Wikipedia.com)
Gumuguhit sa gunita ang ilang habi ng kasaysayan. Subalit ang tanong ay gaano nga ba ito kahalaga sa nagmamadaling mga paa na laging ang habol ay pangarap at ang pantaboy sa kalam ng sikmura? (Larawan ng Edsa mula sa Wikipedia.com)

Sumagitsit, sumalampak sa espalto ang naghihingalong bus samantalang humalik sa island ang nabanggang kotse. Overspeeding, nagmamadali ang lahat — mga gulong, ulap, usok, alikabok, talampakan. Baka mahuli sa pupuntahan, sa usapan, sa lihim na pook-tipanan. Baka mabawasan ang kita kapag ba

ba

gal bagal ang usad…………… subalit
hindi rin naman mahahabol ang oras. At kapag naabutan nga’y nganganga ka na lamang dahil

lumalagpak na ang lupang katawan sa dapat nitong kalagyan. Sa butas ka nagsimula’y sa butas ka rin magtatapos.

***

Umalingawngaw sa lalaugan ng radyo’t telebisyon at isinigaw ng mga titik sa peryodiko’t internet ang pagbabagong-bihis ng napakahabang kalsadang nagdurugtong sa bawat lungsod. Bukod sa luma na ito, sabi ng diputado, kailangang pagandahin ang lansangang gugulungan ng mga sasakyan ng taga-ibang bansang darayo, mga lider-liderang makikipagbungguang-siko sa isa’t isa at magsasatsat ng isanglibo’t isang pangarap ng kaunlaran na rehistrado ng dalawa-tatlong numerong may tuldok sa gitna.

Facelift, parang beauty queen para maangkin ang koronang pinakaaasam sa patimpalak kagandahang ang premyo ay milyon at ang nalalabing kuwartang nalikom sa mga sponsor ay sa kawanggawa raw mapupunta.

Masarap ang tulog ni utoy sa ilalim ng flyover sa hangganan Quezon City at San Juan. Nangangarap siya ng pag-ulan ng tuyo at kamatis, na iuulam niya sa sampung pisong kanin.

***

Poooottttttttttttt! POooooooooooooot! Skrrrrrrrrrrrrrrrrittttttttts!

Ay nagkakarambola na naman ang mga paa, ang pawis, ang amoy, ang alikabok ng rush hour. Nagsisiksikan sa pila ng FX, taxi, dyip ang bawat isang may pangarap na kipkip sa namamawis nilang kilikili.

May nagsasamantala sa bulsa ng iba samantalang sa MRT ay hindi makapalag ang magandang dalagang kita na halos ang kuyukot sa igsi ng palda habang ang lalaking nasa likod niya ay napapakagat-labi at namumuwalan na ang pantalon dahil sa nakikitang paraiso.

Hayyy! Pahapon na naman at ang tahimik na mga sulok ay lalamunin ng dilim samantalang nabubuhay nang muli ang mga anak ng dilim — nakangiti, nakangisi ang pintuan ng langit diyan sa may hangganan ng Edsa – Taft Avenue. Kukukutikutitap ang ngiti at ang pabango’y umaalingasaw na parang gayumang nagpapalapit sa uhaw at pagod na katawang lupa.

Gumuguhit sa kaniyang lalamunan ang sanglibo’t isang kasaysayan–ang dalawang protestang nagpagulong ng mga ulo ng pangulo sa Malakanyang. Subalit ano nga ba ang naiba? Ipe-facelift siyang parang beauty queen at ibubuyangyang sa mga diputado’t mga lider-lideran na ang bibig ay bumubula ng mga pangako ng pagunlad. Samantalang si utoy ay himbing na himbing sa munting sulok na iyon ng flyover sa isa sa pinakamarumi at pinakamaingay na kalye sa mundo…

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s