Posted in Uncategorized

Bawal

MAY kung anong humaplos sa puso niya nang makita niya siya, naglalakad, papalapit sa mesa nila. Sumikdo ang dibdib niya sa kaba, pero hindi siya nagpahalata.

Good evening! Sorry I am late!” sabi niya. Ang tinig na iyon, umaalingawngaw sa pinakamalalim na bahagi ng isip at kaluluwa niya. Gusto niyang ipilig ang ulo at nang makawala sa isang panaginip na nagaganap habang dilat ang kanyang mga mata.

Kinamayan niya siya at lalong nagmarka ang kakaibang pakiramdam sa buong pagkatao niya, sa kaibuturan ng matagal nang nanglulupaypay na puso’t kaluluwa.

Pinilit niyang kumain, kahit hindi halos maglandas sa lalamunan at sikmura niya ang kinakain. Gusto lang niyang makinig, pagmasdan ang kagandahan niya. Malimutan kahit pasumandali ang pagkakatali niya sa isang pagpapasyang hindi na niya kayang talikuran sa loob ng maraming taon.

“Uy, tahimik siya!” tudyo ng isang kaibigan.

“May naiisip lang ako. H’wag ninyo akong intindihin,” sabi niya, nakangiti at nagpakawala pa ng isang halakhak. Aywan niya kung nahalata ni Annie na may bahid ng kaba ang kanyang kilos. Para siyang payaso sa harap ng babaing ito, sa loob-loob niya. Pero wala siyang pakialam. Palihim niyang sinusulyapan ang mukha nito, matiim na pinagmamasdan, hinahangaan; lalong nag-umigting tuloy ang isang damdamin na alam niya, hindi maaaring pawalan.

Sa Facebook lang sila nagkakilala. Naintriga sa kuwento ng buhay-buhay. Prangka, malakas na babae, bukod sa maganda na’y matalino pa si Annie. Siya naman, isang nagsusumikap na empleyado sa isang palimbagan sa Maynila. Walang maipagmamalaki, walang maibubuga maliban sa sinasabing malusog, malawak na pag-iisip. Iwinaksi niya iyon sa isip niya at pilit na bumalik sa sarili nang hindi nila nahahalata.

Papalalim na rin ang gabi at nagsisimula nang magsara ang ilang tindahan at restawran sa loob ng magandang mall na iyon sa isang dako ng Kamaynilaan. Pero hindi mahapayang gatang ang bawat isa, may kuwento subalit hindi sumesentro sa personal na buhay kundi sa malawak na pilosopiya at galaw nito.

“Tara na,” aya ni Annie sa amin ni Relly. Parang ayaw niyang matapos ang usapang iyon pero kailangang tuldukan sila ng oras.

Sa paglalakad nila sa sakayan ng dyip, may bugtong na naiwan sa dibdig niya. Naisip niya ang kalagayan sa ngayon. Ang lagay ng mga bagay na pang-isip, pampuso, pangkaluluwa. Muli niyang pinagmasdan si Annie at may biglang kumurot sa puso niya.

Beso-beso, pamamaalam. Nabigla siya nang yakapin siya ni Annie. Hindi niya nagawang gantihan ang yakap na iyon, pero ang init ng mga bisig at dibdib niya, lalong nagmarka sa kanyang puso…

Kani-kanyang sakay sa sasakyang magbabalik sa kanila sa sarisarili nilang mga riyalidad. Sa pagharurot ng dyip na sinakyan niya, naiwan sa mall ang isang bahagi niya. Nagpakawala siya ng isang buntung-hininga ng panghihinayang…

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “Bawal

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s