Posted in short story

Lunch break

Talk not of wasted affection; affection never was wasted.
Henry Wadsworth Longfellow (27 February 1807 – 24 March 1882)

Umuusok pa ang inorder nating fries, samantalang nagpapawis sa lamig ang Coke float. Ang hamburger naman, parang nag-aanyaya sa isang masarap na kagat, at ang sundae, sa unang kalabit ng kutsarita sa kanyang malambot na katawan.

Hindi ito ang unang pananghalian nating dalawa. Ilang taon din naman tayong nagsasalo, hindi lang sa panangahalian—maging sa hapunan, sa meryenda. Hindi lang sa pagkain tayo nagsasalo—nagsasalo tayo sa kilig sa pelikulang romance; sa hagikhik sa pelikulang comedy. Marami pa tayong pinagsaluhan, mula nang maging tayo: mga libro, mga sulat, mga salita, mga pasyalan, mga pagkain, mga pangarap.

“Sarap talaga ‘pag libre,” sabi mo. Napangiti ako sa sinabi mo.

“Totoo, masarap ang libre. Pero masarap din naman kapag shared responsibility,” sabi ko, halos pabulong. Aywan ko kung hinatid ng lamig ng air conditioning unit sa fast food restaurant na ‘yon ang tinig ko sa pandinig mo. Aywan ko rin kung naririnig mo ang impit na tunog na nagmumula sa kung saang bahagi ng katawan ko, ng pagkatao ko, ng kaluluwa ko.

PINAGTAGPO tayo sa isang panahon na gusto natin ng makakasama, makapapalagayang-loob, makakadaupang-damdamin.

“It’s Henry!” sabi mo, na ikinagulat ko.

Nakaupo ako noon sa isa mga bench sa eskuwelahan na pinapasukan natin, nagbabasa. Walang exams noon, pero parang kinabahan ako na ‘di mawari. Maganda ang ngiti mo, ang mga mata mo, ilong, labi, halos lahat ng nakikita ko sa iyo, maganda, kaakit-akit. Nag-aalangan pa ako na iabot ang kamay ko, estranghero ka sa akin, at ako naman, estranghera sa’yo. Pero inabot ko pa rin ang palad mo, para sa isang palakaibigang pagkakamay.

“It’s Catherine,” pakli ko.

Tinabihan mo na ako sa pag-upo. Tanong ko noon sa sarili ko, maasiwa ba ‘ko? Pagagalitan ba kita dahil you’re invading my privacy? O hahayaan ko na lang dahil may kung anong kiliti ang hatid ng boses mo sa puso ko. Simula noon, sanggang-dikit na tayo. Parang hindi na mapaghihiwalay, dahil iisa na tayo…iisa.

“HAPPY monthsary!” Ilang ulit na ipinagdiriwang natin ang pagtatagpo natin at pagiging isa bilang magkarelasyon. Masarap, masaya, laluna kapag may mga date tayo, kahit hindi monthsary, o anniversary.

Routine: Ipagpapaalam mo ako sa ‘min, sasabihin mo sa mama ko at papa ko ang gagawin natin, manonood tayo ng sine o pupunta sa arcade kaya, kakain sa labas. Mag-uusap sandali, at iuuwi mo ako sa oras bago ang ating self-imposed curfew. Hindi naman tutol ang mga magulang ko sa iyo, perong hindi rin naman masasabing botong-boto. Eksakto lang. Maganda naman kasi ang pakikisama mo sa kanila at hindi ka rin naman mapagsamantala. Gayunman, hindi ka naman perfect at hindi rin naman ako perfect.

BUBOT ba ang pag-iibigan natin? Hilaw nga ba ang pagkakilala natin sa isa’t isa? Sabi nila, two different persons, have two different character, two different set of values, two different set of beliefs. Totoo pala ‘to. Pero, wala namang hindi naidadaan sa pag-unawa at pag-uusap ‘di ba?

“You didn’t inform me, kung saan ka pupunta! Pinagmukha mo akong tanga! Tapos, nagte-text ako, ‘di ka man lang nagre-reply!” sabi mo sa akin, alsa-boses, kita ang galit sa mga mata mo.

“Sorry, I didn’t mean to ignore you. Namatay nga ang cell phone ko, ‘di ba? At saka, biglaan kasi ‘yong lakad namin…” agad mong pinutol ang sinasabi ko at bigla na naman ang sikad ng boses mo.

“Ah, gano’n? so, wala nang pakialamanan gano’n?” sabi mo sa akin, nanunumbat.

“Hindi naman sa gano’n, honey. Sorry na!”

“Ah, saka na tayo mag-usap kapag marunong ka nang magpahalaga sa BF mo.”

Nagulat ako sa sinabi mo. Nasaktan ako, labis. Hindi kita pinahalagahan? Kailan? Kailan kita hindi pinahalagahan bilang bahagi ng buhay ko? Gusto kong sabihin sa’yo ‘yon pero tumalikod ka na. Hindi mo na akong hinintay na makapagpaliwanag, ni hindi mo na nakita na umiiyak na pala ako. Hindi mo na maririnig ang hikbi ko, kasi, ‘simbilis ng pag-agos ng luha ko sa mga pisngi ko, mga hakbang mo.

ILANG ARAW mo rin akong hindi kinibo, kinausap, sa kabila ng mga pagtatangka kong kausapin ka. Pero, isang araw, kinibo mo rin ako at nag-sorry ka pa. Tuwang-tuwa ko! Kasi, alam ko naman na mali ang ginawa ko.

Balik ulit sa dati, nagde-date tayo, nag-uusap, nangangarap. Ganoon naman talaga ang relasyon ‘di ba? May ups and downs? Wala raw thrill kapag lagi kayong magkasundo. Wala raw ganda kapag walang halong selosan ang relasyon. Saka, ang tao ay tao, tama?

Magkakaiba tayo ng ugali dahil magkaiba tayo ng pinagmulan. Napaka-ideyal man, napakaluma man ang pananaw, pero naniniwala ako na ang dalawang tao ay kayang buklurin, pag-isahin, pabutihin, patatagin ng pag-ibig.

Maganda na ang takbo ng lahat. Masaya ako at masaya ka naman siguro sa akin? Pero, dahil writer ako, marami akong gusto, marami akong pangarap. Napakalaki ng isip ko para sa pantasya at reyalidad. Napakalaki ng puso ko para sa mga pakiramdam. Napakalaki ng espiritu ko para mahipo ang hindi nahihipo ng iba.

“A good writer possesses not only his own spirit but also the spirit of his friends,” sabi nga ni Friedrich Nietzsche. “A person is a fool to become a writer. His only compensation is absolute freedom,” sabi naman ni Roald Dahl.

Noong una, sabi ko, mauunawaan mo ako, ang mga gusto ko, ang mga hilig ko. Nabulag ba ako ng mga ngiti, salita at yakap mo at hindi ko napansin na unti-unti na palang napuputulan ng pakpak ang mga kaluluwa ko at nawalang unti-unti (nang ‘di ko napapansin?) ang kalayaan ko?

Sabi nila, piyudal daw ang pag-ibig. Laging may nangingibabaw, laging may nasusunod, laging may nangunguna. Sa pag-iibigan natin, sino ba ang laging nangingibabaw, nangunguna, nasusunod? Ikaw? Siguro nga, ginusto ko rin kasi naniniwala ako sa paggalang, pagmamahal, pagpapasensiya, pag-unawa.

“Hindi kita maintindihan,” lagi mong sinsabi sa akin, kapag may sinasabi ako tungkol sa ilang mga bagay. “Intindihin mo naman ako!” sabi mo sa akin sa tuwing may napupuna ako sa iyong mga bagay na parang mali. Hindi maintindihan, hindi iniintindi. Siguro nga, makitid din ang pag-iisip ko, siguro nga… siguro nga…

BUMALIK ang tingin ko sa Coke float. Tuwang-tuwa ka sa mga ikinukuwento mo sa akin. Napapangiti ako, napapahalakhak din. Pero sa pawis ng Coke float, parang may nakita ako na isang imahe, at malinaw na malinaw ang rehistro noon sa isip ko.

Nilunod ako ng luha ko noong isang gabing ‘yon na nag-away tayo dahil sa napakasimpleng bagay. Parang napakasama ko na, napakawalanghiya kong girlfriend, that I am truly an imperfect woman who doesn’t deserve to be treated right.

“Sorry na!” sabi ko sa iyo, over the phone.

“Saka na tayo mag-usap,” sabi mo, matabang, malamig.

Pagkakababa ng telepono, bigla akong nagkaroon ng mental review ng mga bagay-bagay. Nirepaso ko ang damdamin mo para sa akin, ang damdamin ko para sa’yo. Nirepaso ko lahat, ang masasaya at malulungkot na sandali ng pagiging magkarelasyon natin. Nirepaso ko lahat, kahit iyak ako nang iyak. Sa pagitan ng mga impit na hikbi, pumapasok sa balintataw ng isip ko ang mga bagay at pangyayari. Mabilis, parang senaryo sa pelikula, parang pitik ng kamera, para sirit ng kidlat. Nakatulugan ko ang pag-iyak, nakatulugan ko na rin ang pagrerepaso.

Tinawagan nga kita kanina, para ayaing kumain ng pananghalian. Nag-withdraw ako ng pera, dumaan sa gift shop, bumili ng regalo. Nagulat ka pa, dahil wala namang okasyon. Sabi ko, ‘di lang dapat kung may okasyon magregaluhan. Dapat laging nagbibigay tayo, kung maari, araw-araw ng munting regalo at mabuting mga alaala sa taong mahahalaga sa atin. Napangiti ka, sabi mo, “Ang deep naman!” Natawa ako sa gesture mo.

“Uy, may email nga pala ako sa’yo. Basahin mo, ha? Pero basahin mo na lang pag-uwi mo,” sabi ko sa’yo. Papunta na tayo sa sinehan, treat ko pa rin. At saka tayo kumain ng early dinner sa isang medyo “sosyal” na restaurant sa loob ng mall. Nagpumilit kang magbayad, o humati sa bayad, pero tumanggi ako. Sabi ko, it’s my treat.

“Nagkabonus ka ba sa work mo?” sabi mo na natatawa ka.

Sabi ko naman, “Hindi. Pero may matatanggap ako na mas maganda pa kaysa sa bonus,” nakangiti ako.

Hinagkan mo pa ako sa labi nang maghiwalay tayo sa mall. Sabi ko, ‘wag mo na akong ihatid. Magpahinga ka na lang. Sabi mo, okay. Napakakaswal. Habang nasa taksi ako, pauwi, nagpakawala ako ng isang malalim na buntung-hininga. Parang may nawala sa dibdib ko, may nabaklas sa pagkatao ko. Hindi ko na hihintayin pa ang response mo sa email ko. Nakahanda na ang gamit ko, pa-Manila.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

4 thoughts on “Lunch break

  1. Napakagaling ng pagkakalahad. Isang salaysay na kay hirap bitawan ang pagkakasubaybay dahil nakakasabik kung ano ang kahahantungan ng istorya.

    Talagang makaka-ugnay ang mga mambabasa.

    Ang galing!

  2. feeling ko magada yang si catherine kasi magaganda tlaga yung may mga cath,kath o katunog, na pangalan.😄 hahah

    uhmmm, writer nga si catherine.. kasi sa pagkakalahad niya ng narration niya, madaling sundan, madaling maka-ugnay, madaling ma-hook ang reader.🙂

    salamat.🙂 sa pag-share. 🙂 heheh

  3. feeling ko maganda yang si catherine kasi magaganda tlaga yung may mga cath,kath o katunog, na pangalan.😄 hahah

    uhmmm, writer nga si catherine.. kasi sa pagkakalahad niya ng narration niya, madaling sundan, madaling maka-ugnay, madaling ma-hook ang reader.🙂

    salamat.🙂 sa pag-share. 🙂 heheh

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s