Posted in opinion, Other

Si Atty. Edwin Lacierda at ang mito ng pagtaas ng presyo ng langis

Atty. Edwin Lacierda (indolentindio.com)

HINDI KO maiwasang mamangha sa mamang na pinakabibig ng Malakanyang.

Sabi niya, napaka-inconsistent ng grupong PISTON [Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide] dahil nagpoprotesta ito sa pagtaas ng presyo ng langis, naggigiit na tanggalin ang value-added tax [VAT] sa mga produktong petrolyo, at nananawagan para sa pagsasabansa ng industriya na kinopo ng tatlong dambuhalang kompanyang Chevron, Shell at Petron — na ang huli’y dating pag-aari ng gobyerno na ipinagbili noong 1994 sa Aramco at simula noon, ang kalbaryo ng mga mamamayan sa taas-baba [na mas malamang ang pagtaas kaysa pagbaba] ng presyo ng langis, subalit ngayon ay naghain na rin ng kanilang petisyon ng taas-singil sa pasahe. [Nga pala, habang inia-update natin ang blog na ito, nagdagdag na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng singkuwenta sentimos (50¢) sa pasahe o minimum fare].

Pero, hindi ito ang laman ng ating munting diskurso kundi ang ilang kabalintunaan sa posisyon ng gobyerno hinggil sa pigil-taas sa presyo ng langis.

***

Kung tutuusin, hindi na bago ang posisyon ng ating gobyerno pagdating sa isyu ng pagtaas ng presyo, hindi lamang ng langis, kundi maging ng iba pang mga produktong masasabing esensiyal sa pamumuhay ng tao. Laging kiling sa tubo, laging kiling sa industriya [o mas mainam sabihin sa mga kumukontrol ng mga industriya] at laging sinasabing walang magagawa dahil ang lahat ay pawang dikta ng mga puwersa ng merkado.

Subalit ano nga ba ang mga puwersa ng merkado na sinasabi? Sa malapitang pagsusuri, iisa lang ang puwersang nagdidikta sa pagtaas at pagbaba ng presyo ng kalakal at maging ng magiging takbo ng industriya — ang monopolyo kapital. Para sa mga hindi nakaaalam ng termino, pasimplehin natin — ang lahat ng aspeto ng produksyon ay pawang kontrolado ng iisa o ng ilan lamang na tao o institusyon. Dahil sa iisa lang ang may kontrol, sila ang may kapangyarihang magdikta ng kung anumang kalalabasan ng kanilang produkto — tataas ba ang presyo, magkano ang dapat ipresyo, at magkano ang dapat ibaba ng presyo.

Kung titingnan natin ang industriya ng langis sa Pilipinas–oops, mali pala, wala nga pala tayong industriya rito dahil wala naman tayong suplay ng langis na matatawag at wala tayong malalaking refinery at processing facilities para magawa ang lahat ng produktong may kaugnayan sa petrolyo. Imported ang grasa natin, ang ginagamit nating motor oil, etc. Lahat ito, dikta ng World Trade Organization na isang instrumento ng malalaki at makapangyarihang mga bansa para kontrolin ang lokal na merkado ng mga nasa “Ikatlong Mundo.”

***

Sa naging pahayag ni Lacierda ukol sa transport caravan vs. oil price hike, sa bintang nito sa PISTON na tanging grupong pantransport na nananawagan para sa mas matagalang solusyon sa suliranin na dulot ng walang habas na pagtaas ng presyo ng petrolyo, at maging ang sinasabing “pagiging tali ng mga kamay” nito dahil sa batas sa deregulasyon ng industriya ng langis sa bansa, napaghahalata na wala siyang alam sa totoong isyu sa ibaba.

Sino nga ba si Lacierda? Bukod sa sinasabing co-convenor siya ng Black & White Movement, nagtapos siya ng Communication Arts sa de La Salle University-Taft at nagtapos ng abogasya sa Ateneo de Manila University School of Law, at naging propesor ng batas sa Far Eastern University at sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Sabi nga, constitutionalist siya, eksperto sa Konstitusyon at laging natatawag sa mga panayam hinggil sa mga isyu ng batas at maging sa suliraning pang-Konstitusyon. Pero, ang tanong, gaano nga ba siya kalapit sa tunay na isyu na kinahaharap ng masa, o mas mainam na sabihin, niyong mga walang-wala at etsapuwera sa lipunan?

Nakaranas na ba si Lacierda na mawalan ng panggasolina? O naranasan na niyang kumain ng tuyo, ng sardinas, at mag-ulam ng asukal o asin sa maghapon? O kumakain ba siya ng bigas-NFA na halos di na rin mabili ng maralita? Ibig sabihin, ano nga ba ang alam niya sa mga isyung panlipunan at ano ang alam niya sa istruktura nito?

Sabagay, wala naman yata sa gabinete ni P-Noy ang may tunay na alam sa mga isyu maliban sa mga nagkukunwaring alam talaga ang tunay na mga isyu at may alam din kung paano sosolusyunan–nang totohanan–ang mga isyung panlipunan ng bansa.

***

Hindi totoong “incosistent” ang mga mamamayan, partikular ang mga tsuper na maghapon at magdamag na namamasada na kinatawan ng PISTON. Natural lang na maghangad din sila na umalwan ng kaunti kaya naghain ng petisyon sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board [LTFRB] ng dagdag-pasahe. Napilitan sila, sa obserbasyon ko, na gawin ito kahit labag sa kalooban nilang ipasa sa kapwa nila mahirap at walang-wala ang hirap na dulot ng pagtaas ng presyo ng diesel na araw-araw nilang ginagamit.

Pero, hindi ito ang tunay na isyu. Ang tunay na isyu ay ang kainutilan ng nasa kapangyarihan na tugunan ang mga bagay o pangangailangan ng mga mamamayan na kung tutuusin, may kapangyarihan silang magawa. Takot na maidemanda ng mga kompanya ng langis??? Ang pagkakaalam ko, no one can sue the government. Ito ang tinatawag sa batas na “immunity from lawsuit”. Hindi mo maidedemanda ang Gobyerno ng Pilipinas nang wala silang consent o pahintulot.

Natatakot na mawalan ng kita mula sa mga industriya? Natumbok mo boy! Kapag kasi kinontrol ang presyo ng langis, kontrolado din ang pasok ng salapi mula sa buwis sa mga produktong ito at limitado rin ang gagastusin sa kung anu-anong walang kabuluhang proyekto na hindi naman makalulutas sa suliranin ng kahirapan sa bansa. Bawas din ang kukurakutin ng mga mandarambong sa gobyerno.

Natatakot na mawalan ng imbestor o mamumuhunan? Bakit hindi palakasin ang lokal na mga industriya at tulungan ang maliliit na negosyante na maging maunlad? Bakit hindi tulungan ang mga magsasaka na paunlarin ang kanilang sakahan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kanilang lupang sinasaka at ng iba pang tulong para lalong mapag-ibayo ang kanilang produksiyon?

Walang kakayahan ang Pilipinas na magsarili o gumawa ng sariling industriya? Kalokohan. Kung susuriin, sapat ang dami ng mga trabahante sa Pilipinas at mahuhusay na industrialist kung talagang pagbibigyan at TUTULUNGAN ng gobyerno. Bakit iasa ang bukas sa ibang bansa gaya ng US at iba pang malalaking bansa na ang tunay na hangarin lamang sa Pinas ay gawin itong palabigasan at huthutan ng sobrang tubo mula sa mga kalakal at serbisyong nililikha nila rito?

Sabagay ano nga ba ang aasahan mo sa gobyernong walang gulugod at hindi naman talaga nauunawaan ang mga isyu dahil parang mga kabayong nakatapaoho at wala ring alam kundi ang umasa rin lang sa tulong ng iba ng bansa dahil tamad at hindi marunong magisip? Tsk. Nagsulat pa ako ng ganitong kahaba at uuwi rin pala sa isang kasagutan — wala sa daigdig na ito ang dunong nina Lacierda, naglalamyerda sa kung saang lupalop ng uniberso kaya kung anu-ano ang lumalabas sa kanyang matabil na bunganga.

[P.S. Nga pala, nalimutan ko — alam ba nyo na windfall profit ang tawag sa biglaang laki ng kita ng gobyeno sa tuwing sumisirit ang presyo ng produktong petrolyo?]

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “Si Atty. Edwin Lacierda at ang mito ng pagtaas ng presyo ng langis

  1. Hello Webmaster, I noticed that https://panitikanatbp.wordpress.com/2012/03/15/si-atty-edwin-lacierda-at-ang-mito-ng-pagtaas-ng-langis/ is ranking pretty low on Google and has a low Google PageRank. Now the Google PageRank is how Google is able to see how relevant your webpage is compared to all the other webpages online, if you cannot rank high at the top of Google, then you will NOT get the traffic you need. Now usually trying to get to the top of Google costs hundreds if not thousands of dollars and very highly optimized targeted marketing campaigns that takes a team of experts months to achieve. However, we can show you how to get to the top of Google with no out of pocket expenses (free traffic), no stupid ninja tricks, no silly mind control techniques, and this will be all white hat with no blackhat software or tactics that could possibly land you on bad terms with Google and put you in the dreaded “Google Sandbox”. We’ll show you how to easily capture all the targeted traffic you need, for free, multiple ways to land fast (not months) first-page rankings in Google and other major search engines (Bing, Yahoo, Ask, etc), even show you strategies on how to earn daily commissions just try Ranking Top of Google, please check out our 5 minute video.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s