Posted in short story

4th Floor

MALAHININGA ang hangin noong hapong iyon. Tanging ang banggaan ng mga dahon at paglangitngit ng siit ang marirnig. Para bang nanunukso—sa pagkatanaw ko sa dakong iyon ng ika-apat na palapag, parang nakita ko siya, nakangiti, gaya noong una.

ang pagtatagpo

Hindi ko siya makikilala kundi dahil kay Cesar. Sa unang pagkakita ko sa kanya, may kung anong sumundot sa gitna ng dibdib ko.

Maganda ang ngiti niya. Ang ilong niya. Lahat sa kanya, palagay ko’y maganda—singganda ng ilang-ilang na naglawit sa sanga na pumapawi sa sangsang ng singaw ng ilog Pasig sa tuwing tag-araw.

Nang magdaop ang mga palad namin sa pakikipagkilala, alam kong mayroong nawala sa akin at kailanman, hindi ko na iyon matatagpuan.

Ika-apat na palapag

 

Maria ang pangalan niya. Kapangalan ang babaing may asul at rosas na damit sa gitna ng altar. Kailanman, sa tuwing magtatagpo kami sa ikaapat na palapag, bahaging kalunuran ng gusaling iyon ng isang lumang eskwelahan ng mga radikal at walang pakialam sa isang lugar na ‘yon ng Maynila, pilit kong itinatago ang kaba ko, ang panginginig ng tuhod at kamay ko, ang pagsikdo ng akng dibdib, at pagkinig ng himaymay ng aking utak.

“Kumusta?” bungad niya lagi sa akin.

“Mabuti naman. Ikaw, kumusta ka?” halos hindi ko marinig ang tinig ko. Mas nakabibingi ang dagundong ng dibdib ko at lalong higit na nakalulunod ang kapayapaang sumasalakab sa buo kong pagkatao. Napakahiwaga, na sa tuwing magdadaop ang mga palad namin, naroon ang kinig at ang kakaibang init na humahaplos sa dati’y nagiginaw kong kaluluwa. Pero hindi ko kailanman ipinaalam sa kanya ang aking nararamdaman; pero isinusulat ko iyon sa hangin at nananalanging sana’y mabasa niya. Hindi ko iyon isinosobre sa pag-asa. Walang tatak iyon ng koreo ng lihim na pagsamba. Wala.

Ilog Pasig

Naaaninag ko ang lungkot sa mga mata niya samantalang nakaguhit sa mapupula niyang labi ang isang napakatamis na ngiti sa tuwing makikita niya ako. Nakauniporme siya ng kolehiyong kinabibilangan niya na lalong nagpapatingkad sa ganda at yumi niya. Minsan, akala ko’y pantasmagorya subalit nalalaman kong totoo siya sa tuwing nginigiti, magsasalita, at hahalakhak siya.

“Kumusta ka na? Kumusta siya?” may bikig sa lalamunan ko subalit hindi iyon ikinabasag ng tinig ko.

Sa pagkakatanda ko, ngumiti lang siya at pumakli ng: “Magkikita kami mamaya.” Inilagay ko ang mga palad ko sa likuran niya, bahagya kong niyapos siya. Wala siyang pagtutol. Tiningala ko siya, pinagmasdan. Ah! Singganda niya ang anino ng papalubog nang araw na ipinipinta ng malabo, maburak, at mabahong tubig ng ilog Pasig na pilit pinapalis ng hangin na dala ang mabining samyo ng ilang-ilang na umaabot sa ika-apat na palapag… Nagtama ang aming paningin at ang hatid niyon, isang libo’t isang bugtong na hindi rin naming malirip kung ano ang kasagutan…

“Nag-text na siya,” aniya. Hindi ako kumibo at hinawi ko ang buhok niyang tumabing sa kaniyang maamong mukha. Bumaba siya sa pagkakaupo niya sa barandilya ng isang bahaging iyong gusaling naging lihim naming tagpuan… Pinisil ko ang kaniyang palad. Ngumiti siya at saka nagpaalam… Ihinatid siya ng mga paningin ko sa elevator na maghahatid sa kaniya, saanman iyon… Pinigil ko ang maluha… Te amo… tahimik na usal ng dibdib ko…

Rotunda 

Paikut-ikot na parang trumpo ang isip at damdamin ko habang papalapit ang buwan ng Mayo, sa panahon ng pamumulaklak ng mga santan, ilang-ilang at paglulumot ng gawa-gawang lawang iyon na nagiging tagpuan din naman minsan. Aalis na siya samantalang maiiwan ako dahil hindi pa ako nakatakdang magtapos ng panahong iyon.

Inayos ko ang kanyang nililipad na buhok. Parang diyamante ang tingin ko sa kanya, nakasisilaw ang malungkot niyang kagandahan. Alam kong hindi ganoong kasaya at kaligaya sa bisig niya. Subalit ayaw kong mang-agaw ng pugad nang may pugad. Hindi ko alam kung naghihintay siyang yakapin at hagkan ko siya. Subalit, banayad na tulad ng daloy ng ilog Pasig ang damdamin ko noon. Walang pusok, banal, at siya ang sentro ng pagsambang iyon, ng pagmamahal na iyon. Patawarin ako ni Yahweh subalit talagang tumitiklop ang loob ko sa kanya.

“Congratulations,” sabi ko.

“Salamat,” aniya, sabay pakawala ng gintong ngiti. Gusto ko siyang hagkan at yakapin at tangisan sapagkat iyon ang aming paghihiwalay subalit nagpigil ako. Hinipo ko ang tungki ng kanyang ilong, nalukot nang kaunti ang balat noon sa pinakapuno nito. Nakita ko sa kanya ang saya at tuwa ng isang batang paslit na nangangailangan ng kalinga. Lalo akong nabaghan, subalit walang magagawa. Sa gitna ng katahimikan, umawit ang maya kapra sa aming ulunan, napakatamis ng oyaying nagpapatulog sa aking malay subalit may talim itong humihiwa sa puso. Ang marka ng labaha’y ukit na malalim, parang titik sa lapidang nasa ibabaw ng nitsong yari sa marmol, kumupas man ay nananatili pa rin doon.

hinahanap na samyo ng ilang-ilang at rosal

Wala na akong balita sa kanya mula nang huli naming usap sa telepono. Subalit may nagpaabot sa akin, ilang taon na rin, na may asawa na siya at dalawang anak. Ayaw ko nang magtanong pa, sapagkat ayaw ko na ring makagulo pa. Bagaman natutukso ako na hanapin siya, makita siya, at ulitin sa kanya ang sumpang binitiwan sa ika-apat na palapag ng gusgusing gusaling iyon sa isang eskwelahan na malapit sa baybay-Pasig, nasisiyahan na akong malamang naririyan pa rin siya. Iba na nga lang ang ginagalawang daigdig, gaya ko.

Datapwa, aaminin ko, na sa tuwing maglalakad ako sa patyo ng aking gunita, muling hinahanap ng aking espiritu ang bango at sangsang ng kahapon. Para bagang nanunukso, na sa pagdaan ko sa dakong iyon—na marami na rin namang ipinagbago—muling naamoy ko ang kanyang pabango. Wala akong ginawa kundi ipilig ang aking ulo…

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “4th Floor

  1. Sobrang ganda po. Tinatangay ako ng makulay na paglalarawan ng lahat ng pangyayari sa mismong damdamin ng taga pag kwento. Dun sa mga masasayang sandali at malulungkot, at higit sa lahat, pagpaparaya at pagtanggap.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s