Posted in flash fiction

Piyesta

HINDI MAHULUGANG-karayom ang bawat sulok at kalye ng Quiapo. Parang tubig-baha ang hugos ng mga taong nakabiyuletang damit, nakapaa, at may pasang sariling imahen ng Nazarenong Negro. Halata ang pagod at puyat, subalit hindi alintana ang nakapapasong init ng araw na pilit pinapawi ng sasampung pisuhing inuming nabili sa bangketa, sa pagpahid sa pawis gamit ang panyolito o labakarang napipintahan ng larawan ng Kristong namamawis ng dugo at bakas sa mukha ng hirap…

***

Nangangawit na siya sa katatayo, sa kapapalit ng puwesto. Mainit, masikip, magulo ang buong paligid. Nasusulasok siya sa usok ng sigarilyo, sa amoy ng kalapit na kanal, at mga basurang dulot ng maraming taong namimuntuho sa Nazareno. Gusto niyang mahilo at maduwal kaya naghanap siya nang medyo maluwag na puwestong matatayuan.

Inayos niya ang nalukot na blusa. At tiningnan ang sarili sa salamin ng kalapit na naparadang sasakyan. Mabilis ang kanyang mga matang sinuri ang paligid at pinagmasdan ang iba’t ibang mukha na nagdaraan.

Inilipat niya ang bigat sa kanyang kanang paa at sumandal sa isa sa malalaking posteng sumusuhay sa gusaling nagkukubli sa kanya mula sa mapanuring mga mata ng nakasakay sa sasakyang may plakang pula. Piyesta ngayon, ayaw niyang maperhuwisyo ang kanyang kita sa pagkaka-spot sa kanya ng kung sinumang nasa multicab.

Nakahinga siya nang maluwag nang mapansin niyang tila walang nakapapansin sa kanila na hindi mapakali, palit nang palit ng puwesto, ayus nang ayos ng buhok. Ah, sana nga’y suwertehin siya. Kinapa niya sa gitna ng dibdib ang kuwintas ng palawit na krus. Umusal ng panalangin nang mapadaan sa tapat niya ang maliit na replika ng Nuestro Padre.

***

Sagitsit ng kuwitis at hiyawan ang tumulig sa kanyang pandinig nang umusad na ang dagat ng prusisyon ng mga deboto. Makilas ang kanyang kilos na pumakabila sa dati niyang puwesto. Baka nandoroon ang mga inaabangan niya.

Halos mapatid siya sa isang batang karay-karay ng isang babaing nasa edad medya na.

“Ano ka bang bata ka! ‘Wag kang tatanga-tanga! Buwisit! Ang sikip na nga!” sabi ng ina sa kanyang lilimantauning anak. Tigalgal lang ang bata sa ina at tiningnan siya at tila batobalaning narahuyo siyang tingnan ang amusin nitong mukha.

Napapilig ang ulo niya nang sigawan siyang nakakaabala na siya sa daloy ng prusisyon.

Sa pagpakabila niya sa bahaging iyon ng mall na hindi pa rin naman matuyuan ng agos ng mga tao, nakita niya ang hinahanap. Napangiti siya at sinitsitan ang lalaking bata pa, naka-polo at itim na pantalon.

***

Sagitsit pa rin ang kuwitis, at ang kalembang ng kampanang nasa tuktok ng basilika, ay sumagi sa kanyang pandinig… subalit hindi na niya iyon alintana.

Parang kandilang nakatirik sa mga yerong ginawang kahon ang alab ng kanilang ginagawa. Pawisan sila kapwa, sa maliit na silid na iyon sa kalye Trinidad.

Ramdam na ramdam niya ang bawat ulos, ang bawat haplos, napapaigik siya. Supuk na supok silang dalawa at parang bagang pinapaypayan ng makapal-sa-alikabok na bentilador na pandingding ang kanilang mga mga katawan. Salpukan, para silang mga bolang pagulung-gulong.

Nilalamon ng sagitsit ng kuwitis, ng kalembang ng kampana, ng sigaw ng mga miron ang bawat “Uhhhh! Ahhh!!!” ng dalawang aninong nasa anino ng maliit na silid na iyon sa Trinidad.

Sampu hanggang labinlimang minuto rin ang itatagal ng rituwal. Sintagal din naman ng sermon ng paring nagmimisa sa loob ng simbahang naging timbulan ng pananampalataya at pagmamakaawa, ng kabanalang tunay at huwad, ng paghahangad ng mabuting kapalaran kapalit ng mga buto, medalya, langis at maging ng nakaboteng mga pampalaglag ng kumikibot sa sinapupunan.

***

Hingal siyang narating ang rurok, maging ng kasiping.

“Nakarami ka na?” tanong ng lalaki sa kanya habang nagbibihis.

“Hindi pa. Ikaw ang buwena mano,” ngiti niya.

Iniabot sa kanya ng lalaki ang limang bagumbagong isandaang papel.

“Dagdagan mo naman,” ungot niya, sabay yakap sa lalaki.

Parang wala lang na humugot ng dalawang daang buo at iniabot sa kanya. Hinalikan niya ito sa pisngi, parang nobyang naglalambing sa kanyang nobyo.

Mayamaya pa’y magpapaalam na ang kaulayaw niya at siya, maiiwang pasumandali sa silid at huhugutin ang lakas sa sarili para makatayo. Nanginig nang bahagya ang kanyang mga tuhod dahil sa kakaibang orasyong sinambit sa lihim na silid na iyon sa kalye Trinidad.

***

Paglabas niya’y hindi pa rin magkamayaw ang mga tao. Mabagal ang usad ng prusisyon ng negrong Poon.

Gusto niyang magminindal muna at kumakalam ang kanyang tiyan. Naalala niya wala pa nga pala siyang kain, agahan o tanghalian. Alas-dos na ng hapon. Kayhirap mabuhay, nasambit niya sa sarili niya.

Patawid na siya sa kabilang kalsada nang mamataan niya ang karosa ng Poon at parang nabatobalani siyang napagmasdan, sa kalayuan, ang imahen ng naghihirap na diumano’y tagapagsalba ng sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan. Napatabi siya nang hawiin ng marshall ang dadaanan ng karosa.

Sigawan at hingal ang bumingi sa tainga ng kanyang kaluluwa habang papalapit sa kanyang karosa. Hindi na niya pansin ang puting mga tuwalya, biyoletang mga panyo at ang wang-wang ng ambulansiyang nagsusugod sa mga sugatan, nahimatay, at iba pa sa pagpupumilit na makalapit, makahila ng lubid, at makasampa sa karosa.

May kung anong kahungkagang nagbabangon sa kanyang dibdib. At sa dako ng kanyang isip, umilanlang ang taong: “Bakit?

Mayamaya pa’y pumailanlang sa hangin ang awiting lalo pang bumingi sa tainga ng kanyang nagugulimahanang kaluluwa, “Nuestro Padre Jesus Nazareno…” (Fin)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s