Posted in flash fiction

Kalansing

Larawan mula sa http://photos.macuha.com/tag/coins/

Malamig man ang hangin, hindi niya iyon dama. Tanging ang nararamdaman niya ang sigok ng kanyang sikmura.

Nagmamadali ang mga paa—umiiwas sa kanyang marusing na anyo.

“Naku! ‘ala akong pera!” singhal ng isang nilapitan niya habang nagbabayad ng pinamiling sarisaring laruan, baro at iba pang bagay, na sa isip niya, ay pawang pang-aginaldo.

Para siyang lasing na pasuray-suray na lumakad papalayo sa aleng ‘alang pera subalit mayroong pambili ng makukulay na laruan, damit at iba pang bagay na ikakahon at babalutan ng makulay ring palara. Nahihilo na siya. Ang huling kain niya ay noong nakaraang gabi. Nagkasya na lamang siya sa tubig at kapeng malamig na nabili niya sa karinderya sa isang sulok na iyon ng Quiapo, Maynila.

Nararamdaman niya ang tila suntok na nagmumula sa sulok ng kanyang munting sikmura. Ah! Hindi na niya ito matitiis. Kailangang makakain siya. Kailangang mawala ang pagkaliyong sumasaklob ngayon sa kanyang munting ulo. Kahit nagwawating-wating na ang paningin, nagisip siya.

Maliksi ang kanyang mata, nagsusuri sa bawat nagsasalimbayang paa at kamay, na nagmamadali sa pagsakay sa dyipni o dili naman kaya’y sa pagpapalipat-lipat sa mga puwesto ng kung anu-anong bilihin. Wala na ang kanyang isip sa kanyang tiyan kundi sa bagay na maaaring magbigay sa kanyang tiyan ng kaalwanan.

Parang kidlat, sinambilat niya ang munting bag ng ale.

“Magnanakaw! Tulong!” tili ng babaing bumasag sa ingay ng paligid, nagpasimula ng anasan, at nakapagpalingon sa mga nakayupyop sa sarisaring bagay na pagkakagastusan ngayong Pasko.

Binilisan niya ang mga hakbang, kaskas ng takbo. Narinig niya ang mga yabag sa likod niya, mga paang humahabol sa kanya. Binilisan pa niya ang takbo subalit talaga nga yatang maliit lamang ang kanyang mga hakbang.

“Blagag!” ang tunog ng pagkarate sa kanyang batok, na nakapagbigay sa kanya ng tila maagang pagsapit ng gabi. Sa paghalik ng kanyang munting katawan sa pasimano sa tapat ng Simbahan ng Santa Cruz, pumailanlang ang tinig ng koro na siyang nagpapaangat ng kaluluwa ng mga nasa misa:

“Kaya anak

Tayo ma’y nasa sabsaban

Tuloy pa rin ang pasko

Dahil ang pasko’y nasa ating puso

Wala naman ang pasko

Sa hamo’t keso de bola

O kay Santa Klaws

Ang diwa ng pasko

Ay sa sanggol na sinilang sa sabsaban

Katulad mo anak…”[1]


[1] Sanggol Sa Sabsaban ng Hangad.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s