Posted in critical essay, literary theory

Sibol sa mga Guho: nobelang napapanahon

Bagaman 14 na taon nang nailimbag ng De La Salle University Press ang nobelang Sibol sa mga Guho ni Ave Perez Jacob, masasabi nating hindi kailanman naluluma ang riyalidad na inilahad doon ng nobelista at peryodistang taga-Hagunoy, Bulakan.

Uminog ang istorya sa buhay ni Satur, ang batang ipinanganak sa Sitio Maligaya, isang lugar ng mga iskuwater, malapit sa sementeryo’t dinadaluyan ng marumi at mabahong estero. Tag-ulan nang ipanganak si Satur, na naging sanhi ng kamatayan ng kanyang ina. Sa kanya ibinunton ni Braulio, ang kanyang ama, ang sisi sa pagkamatay ng kanyang inang si Belen, kaya ang nagkupkop at nagmahal sa kanya ay isang ‘Magdalena’ sa Sitio Maligaya—si Dolores na ina ng kababata ni Satur na si Julia.

Marami pang interesanteng karakter ang ipinakilala ng nobela ni Jacob: ang matandang magbubulok na nakilala sa kanyang nom de guerre na “Matang Lawin”, asenderong naging sundalo at kalauna’y naging gerilya sa ilalim ng Hukbalahap—Hukbong Bayan Laban sa Hapon at naging kumander ng HMB o Hukbong Mapagpalaya ng Bayan nang matapos ang digmaang Pilipino-Hapones. Nagtago si Matang Lawin sa awtoridad matapos na paslangin ang sundalong namuno sa pagsalakay sa kampong pinamumugaran ng kanilang grupo at ikinasawi ng kanyang si Delia, ang amasonang naglaan sa kanya ng di-makasariling pagmamahal.

Naririyan din ang mga kasamahang sepultorero ni Brauliong Lasenggo (naging taguri sa ama ni Satur dahil nalulong sa pag-inom dahil sa labis na kapighatian sa pagkamatay ng kabiyak) na sina Kiko at Bestre, ang ninong ng dalawang sanggol—nina Julia at Satur—na sina Doy, Badong at Turo, na pawang kilalang halang ang bituka’t takaw basag-ulo subalit mapatutunayan sa isang bahagi ng nobela na nag-aangkin ng mabuti at busilak na puso, partikular ang ugali ni Doy, na labis na umibig at nagbuwis pa ng buhay kay Dolores.

Sa totoo lamang, masalimuot ang tinahing kasaysayan ng nobela ni Jacob—ang karalitaang dulot ng inhustisya, ang kaipokrituhan ng ilang relihiyosong nabubuhay rin naman sa kasalanan (sa kaso ni Mrs. Sales, na kung isasalin sa Tagalog ay “pagbebenta o pagbibili” sapagkat ang kanyang negosyo’y pagkalakal ng laman ng mga babaing gipit at walang masulingan), ang pakikipagsabuwatan ng mga pulitiko sa kapitalista para gipitin ang mga manggagawa, at ang pakikibaka ng mga kakaning-itik (maralita) na pagka minsa’y dumudulo sa marahas at madugong pagganti at paggiit ng kanilang karapatan.

Bagaman mabigat ang inilalahad na tema ni Jacob (inhustisya sosyal, karalitaan, digmaan, kawalang kabanalan, atbp.), nagawa nitong magaang na dalhin ang kabuuan ng istorya sa paggamit ng ilang nakatatawang tagpo kagaya ng tudyuhan sa samahang pangmanggagawang TUNDO o Tunay na Unyonismo ng mga Demokratikong Organisasyon na nakatutuwang matatagpuan talaga sa Tundo. Bukod pa rito, naipakita ng nobelista sa mga mambabasa ang kahalagahan ng pagsusuring panlipunan para mamataan nila ang katotohanang ikinukubli ng kinang at samyo ng mga pangako (kagaya ng kaginhawahang dulot ng pagsandig sa malalakas na bansa gaya ng Estados Unidos ng Amerika), na sa bandang huli’y makikitang isang malaking kasinungalingan sapagkat ang pangakong tulong ay sisingilin sa pamamagitan ng pag-ubos sa likas na yaman ng bansa at pagsasamantala sa lakas-paggawa ng lokal na uring anakpawis.

Naipakita rin ni Jacob, na nakasaksi rin marahil sa nakapangingilabot na lagim na dulot ng giyera ang kawalang katuturan ng digmaang inilulunsad ng malalakas na bansa para makapagpalawak ng kapangyarihan, impluwensiya’t merkado—o modernong imperyalismo at ang kagyat na pagbabagong anyo nito, mula sa direktang pananakop patungong sa di-direktang pagkontrol sa politika, ekonomiya at lipunan ng isang bansa na kilala rin sa tawag na semikolonyalismo o neokolonyalismo.

Masasabing isang testamentong pangkasaysayan, bagaman nakaangkla sa isang senaryong kathang-isip lamang (fictional), ang nobela ni Jacob. Makikita at madarama ng mambabasa ang katalinuhan at sensibilidad ng awtor dahil sa masinop niyang pagpili ng mga salita, ang pagbabahagi ng ilang piraso ng kasaysayan ng bansa noong panahon ng Liberation (pagtapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig), at maging ang pangyayari noong panahon ng Batas Militar ni Marcos mula 1972 hanggang 1981.

Nabanggit na sa unang bahagi ng pagsusuring ito na hindi kailanman naluluma ang riyalidad na iniharap ni Jacob sa kanyang nobela. Ayon sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations (SWS), napakarami pa rin ang naghihirap at nagugutom sa bansa (52% at 41%, ayon sa pagkakasunod, batay sa nabanggit na sarbey). Kabikabila ang pandarahas sa komunidad ng maralita gaya nang patuloy na nagaganap sa Sitio San Roque sa North Triangle sa Quezon City para bigyang laya ang pagtatayo ng edipisyo’t negosyong magdudulot daw ng kaunlaran sa mga mamamayan subalit sa katotohanan, hindi rin naman maaambunan kahit kaunti ang mahihirap ng yamang kinakamal ng mga tulad nina Henry Sy, John Gokongwei Jr. at Zobel de Ayala na nag-aagawan ngayon sa lugar na iyon na parang Sitio Maligaya rin.

Bagaman maraming optimistiko pa rin sa hayan ng ating mga kababayan, nasa +30 points ayon pa rin sa SWS, hindi nito maiaalis ang katotohanang ang taong 2012 ay taon ng kaseguruhan at oportunidad samantalang patuloy ang nagaganap na pagbasak ng dambuhalang kabuhayan ng mga bansa sa Europa, Estados Unidos at iba pa.

Ngunit kahig gayon, gaya ng naitala sa nasabing nobela, may pag-asa pa rin ang mga mamamayan at ang tunay na pagbabago sa kanilang buhay, kabuhayan at lipunan ay tunay nga namang nasasalalay sa kanilang mga kamay. Sila lamang ang tanging makatutubos sa kanikanilang mga sarili sa kuko ng pagsasamantala’t kabusabusan.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s