Posted in Other

Si Caloy Gernale at ang kanyang pabula ng reyalidad*

Pagtatasa sa “Social Animal” na eksibit ni Gernale sa Nineveh ArtSpace, Sta. Cruz, Laguna; nagbukas noong Nob. 27, 2011 

Hindi maitatatwang ang katotohanang panlipunan ngayon ang gustong ihatid ng mga gawa ni Carlo Gernale, isang batang pintor na nakabase ngayon sa lalawigan ng Kabite. 

Sa kanyang ika-8 pagtatanghal, gamit ang mga hayop bilang katuwang sa kanyang paglalarawan, makikita ang tunay na kalagayan ng ilang sektor sa lipunan na bagaman mayroong mahalagang papel na ginagampanan sa pagpapaunlad ng buong sosyedad ay patuloy namang nababalewala, inaapakan ang mga karapatan at hindi nakatatanggap nang sapat na gantimpala sa kanilang maghapon at magdamag na pagpapagal.

Intersente sa lahat ng kanyang gawa ang “Pangunahing Puwersa,” (48” x 36”, acrylic lacquer sa kambas), na naglalarawan sa kalagayan ng mga magsasaka na patuloy na nagugutom at hindi man lamang nakatitikim ng tunay na pagkalinga buhat sa institusyon at taong dapat ay nagmamahal sa kanila.

Gamit ang arketipo ng palaka (na nabubuhay sa langaw), kalabaw (na pangunahing simbolo ng hirap ng pagsasaka, bilang nag-iisang katuwang ng mga magbubukid sa kanilang araw-araw na paghohornal o paggawa sa bukid) at mga daga (na lagi’t laging nagagamit na sagisag ng marawal at mahirap na kalagayan sa kabuhayan), mararamdaman—at makikipagtitigan sa—ang sinumang tutunghay sa gawang sining ang tunay na lagay ng mga magsasaka sa Pilipinas—walang lupa, laging gutom, at api (pagkaminsa’y dinadahas pa nga kapag iginiit ang kanilang karapatan sa lupa). Ang pag-akyat o pag-igpaw sa pader, na kinapapaskilan ng salitang “private” ay ang simbolismo naman ng marubdob na pagnanasa ng mga magsasakang mapasakanila ang lupa, kahit pa sabihing buhay at dangal nila ang maging kapalit nito.

Wala nang iba pang pamamaraan, kundi ang makibaka at puwersahang igiit (na sinisimbolo ng mga bolong tangan ng mga hayop na bida sa modernong pabula ni Gernale), ang kanilang karapatan kung hindi’y walang mangyayari sa kanila—sabi nga, katulad ng mga alamang sa dagat, kapag nalukso sa kati’y agad na mamamatay. Kagaya nang nangyari sa Hacienda Luisita na kinailangan pang dumanak ang dugo bago tuluyang makamit (kung papalaring makamit nga) ang lupang matagal na nilang pinagyayaman.

May makapagpapabulaan ba sa katotohanan ng mga pabula ni Gernale? Sa abang palagay—wala. Nasa mukha ng telebisyon, nasa resulta ng mga sarbey, at nakakulapol sa mukha ng mga lansangan at pakiwal-kiwal na mga eskinita sa mga komunidad ng maralitang taga-lungsod, mga entresuwelo, mga pabrika’t mga kabukiran ang dungis ng karukhaan, gutom at kawalang katarungan. Subalit, sa kabila ng dilim ay mayroong pag-asang naaaninag. Sabi nga, hanggang tao ay tao, maaaring makamtan ang tuluyang pagkabilang bakod ng nasa laylayan ng lipunan patungo sa isang harding maliwanag, maaliwalas at kaaya-aya.

*Nailathala sa PINAS Global Newspaper, Disyembre 2011.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s