Posted in love poem, Other

Kung hahagkan kita

kung hahagkan kita
hahagkan ko lang
mga lábî ng anino mo
malamig, manhid
katugon ng damdamin ko
ngayon
manhid
subalit
nananalanging muli
muling makaramdam
kahit kaunti
kahit katiting
sapagkat nasaid na
hamog ng pag-ibig
sa talulot ng puso
ang bukid ng dama’y
isang sakahang tuyo
bitak ay singlawak
ng dagat, kalmadong asul
pinipintahan ng pula,
kahel ng papalubog na araw.

kung hahagkan kita
hahalikan ko yapak mo
hakbang mong papalayo
sa piling ko
sa bisig ko
sa puso ko
hindi ko hahalikan
para sundan ka
kundi upang ihatid
ang labi ng mga alaala
sa pantiyon
sa musoleo
ng mga gunita
doon ay tatanglawan
ng aandap-andap
mabuhay-diling kandila
upang kahit paano
muling maipinta
iyong mukha.

kung hahagkan kita
hindi init ng katawan
hahanapin ko
kundi ang lamig
ng dapyo ng mga anino
lalasapin pagkasiphayo
muling ipipikit antatao
upang burahin ng dilim
ang gunita ng mga halik mo…

Antipolo Rizal, 09/25/11

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s