Posted in counter-culture, education, labor exploitation, peasant and fisher-folks issue, poverty, social injustice, social realism, women and children's issues, women and poverty, youth and children under conflict, youth issues

Ilang talang ligáw mula sa isang estudyante ng Row 4

Enrollment

Naisangla na ang kaisa-isang
Kalakiang katulong sa bukid.
Kasama ang titulo ng lupang ni
Minana pa kay lolo at lola.

Bilin ni Inang sa akin:
Magpakabait ka anak
Malupit ang lungsod…
Iuwi mo rito anak
Ang dangal na putong
Sa aming ulong ubanin…

Ilang libong piso
Ang lulustayin sa libro
Bayaring hindi yata
Matapus-tapos
Para lamang makapasok
sa kolehiyo’t unibersidad
Na ang gusali’y
Parang singtanda na rin
Ng dinayong lungsod…

Unibersidad

Dunong daw ang dinudukal
Sa apat na sulok ng
Silid aralang ilang utak
Na rin ang tinuruan
Ng katutunang mapang-alipin.

Laboratoryong di magamit
Kasilyas na impiyerno ang amoy.
Gurong singtanda na ni Mahoma.
Kausap lagi ang berdeng pisara.
Librong kinopya rin
Sa gawa ng iba.

Mabuti na lang
May nag-akay
At malawak ang landas
Patungong Mendiola
At sa Plaza Miranda.

Thesis

Ideyang pinagdikitdikit

Ilang libro ang binuklat
Ilang butil ng pawis
Sa noo ang pumatak
Ilang gabing mata’y
Namamaga sa puyat.
Madalas ang reklamo
Ang bulsa ay butas.

Matapos ipasa at
Ipagtanggol lahat—
Ay lintik! Ideyang
Pinagpaguran, nanakawin
lang lahat?

Singko

Kinatatakutan
Ang munting markang pula
Sa dilaw o berde o asul
Kartong lalagdaan
Ng gurong kumakalam din
Ang tiyan…
Abu’t abot ang dasal—
Singko, huwag naman!

Graduation

Entabladong hinintay makita
Mapapanhik na ng dalawang paa.
Subalit ang tanong sa sarili’t
Sa iba—pagkatapos nito,
Buhay ko’y ano na?

Diploma

Kapirasong papel
Anting-anting (daw)
Kontra kahirapan
Subalit ano ang saysay
Kung walang mapasukan?

Tunay na pagkatuto

Nang nag-aral ako ng gredwan
Isa lang ang aking alam—
Kailangang mag-aral para
Hindi maging mangmang.

Nang ako ay magtapos
Sa elementari skul
Isa lang ang dasal—
Makita ko ang haiskul.

Nang magtapos ako ng haiskul
Mapalad na nakatuntong
Sa kolehiyong bilang sa daliri
Ang totoong nakaturol.

Nang nasa kolehiyo na
Napagtanto kong wala
Sa apat na sulok ng silid
Na pinintahan ng puti
O kulay krema ang pagkatuto
Dahil marunong ding
Magsinungaling ang titik ng libro.
Marunong ding magligaw
Ang mga numero gayundin
Ang teoryang pinakakabisado.

Wala sa loob ng tarangkahan
Ang karunungang nakauunawa—

Nasa kabila ng dambuhalang gate
Nasa malapad na lansangan
Na madalas matigmak ng dugo
Dahil sa bangis ng galamay
Niyaong nasa puwesto.

Nasa bukiring ayaw mamunga
Nasa gatla sa noo ng mga magsasaka
Na lagi’t lagi na lamang
Inaagawan ng karapatan
Sa bukid na iniwing buong buhay.

Nasa loob ng pabrikang nagkokoro
Sa pag-ubo ang yayat na manggagawa
Na kulang pa ang limos sa palad
Para ipambili ng parasetamol
Pampawi sa lagnat ng tuberkulosis.

Nasa gitna ng dagat, nasa paraw
Nasa sirang lambat, nasa baling sagwan
Nasa bulok na isdang nakahain
Sa gitna ng hapag-kainan.

Nasa kabundukan, nasa kaparangan
Nasa gitna ng sambayanang
Lagi’t lagi na lamang gahasa
Handusay, kulang-palad
Binabaliw, dinadapurak
Ang kaunting dangal sa sarili.

May aral sa kasaysayan
May aral sa tunggalian
May aral sa tungki ng digmang-bayan.

Hindi lang unibersidad
ang may monopolyo ng pagkatuto.
Dahil ang tunay na talino:
Nasa lipunan. Nasa paglaban.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s