Posted in essay, journalism issues, non-fiction, opinion, Other

Letra

Madalas, nakikipaghabulan ang isang manunulat sa mga titik at mga salita...

MADALAS, kaysa hindi, nakikipaghabulan at nakikipag-asaran ako sa mga letra. Mapa-balita, mapa-sanaysay, mapa-tula. Para kasing kayhirap nilang hulihin at kapag nahuli mo na’y kayhirap namang pagdugtung-dugtungin, parang maninipis na lastiko na sa kaunting higit-lubay, mapuputol. At kung ibubuhol mo naman para magdugtong, parang nakaaasiwa naman dahil hindi siya buo at laging mapapansin ang dugtong. 

Kung bibilangin ang mga taon nang simula akong libangin at yapusin ng mga titik sa papel, siguro, nasa dalawang dekada na rin akong nakikipagpatintero sa kanila, nakikipagluksong-tinik, at nakikipag-batikobra.

Nauna akong naging mambabasa, naging tagakopya, at kalaunan, sumubok na lumikha ng mga sanaysay, kuwento at tula. Ngunit, kahit na matagal na akong sumusulat (manunulat daw, ako, sabi ng nakakikilala sa akin), pakiramdam ko, hindi pa rin akong magawang kagiliwan ng mga letra. May naliligwak pa rin, may nahuhulog pa ring mga kataga, may mga butas na kalulubakan ng mga diwa at talinghaga.

Minsan, gusto ko nang sumuko at talikuran ang pagsusulat. Gusto ko, maging tagabasa na lamang, maging tagahanga na lamang ng mga manunulat na pinanday at pinatikas na ng panahon, na ang mga leeg at dibdib ay namumutiktik sa parangal dahil sa panulat nilang sumapo, sumalo, yumakap, yumapos, nagparaya, nagpalaya, nagtali, nagkahon, nagpadaloy, at nagpa-ampat ng reyalidad at ilusyon ng mundo.

Sabi nga ni Melai Quilla, isang batang nobelista at isa sa mga awtor ng nobelang Only Pure Hearts Can Break the Spell, hindi madali ang magsulat. Hindi madali ang magpalaya, magpakawala ng mga letra o titik sa papel. Totoo dahil kayhirap mamingwit ng ideya sa napakalawak na dagat at rumaragasang ilog ng diwa, gunita, pagkalimot, at pagkaalala.

Si Rhea Bato, isang makatang nasa United Arab Emirates nga, nalungkot din nang may katagalan dahil ang musa ng kanyang tula, parang malanding dalagang nagwala at nawala—nakipaglampungan sa iba, subalit hindi sa kanya.

Isinusulat ko ito hindi para supilin ang pagnanasa—parang anaphrodisiac (kontra-libog)—ng nagnanais na maging manunulat. Paghaharap lamang ito ng katotohanang hindi sa lahat ng panahon, madali ang magsulat, na madaling manghuli o mamaril ng ideya, at maglapat ng mga ito sa blangkong papel o sa birtuwal na paper sa anumang word processing software na gamit mo.

Pero bakit nga ba kahit na mahirap, tuloy pa rin ako sa pagsusulat? Bakit nga ba sa kabila ng napakaraming kapalpakan at sama ng loob na dinanas ko dahil sa sining na ito, hindi ko ito mabitiwan? Marahil dahil parang isang bagay na masarap at bawal ang pagsusulat. Lagi kang tutuksuhin ng kumikindat ng cursor ng MS Word o ng OpenOffice writer, o magin ng WordPad o maging ng notepad. Aakitin ka niya hanggang sa mahulog ka sa kanyang patibong at boom! Hindi ka na makawala sa kanyang mga bisig at lagi mo nang hahanapin ang mga yakap niya, ang mga haplos niya at halik.

Parang boyfriend o girlfriend (o kahit ka-live-in o asawa) na mahirap ispelingin pero sige, babalikan pa rin kung hindi pa natutuyo ang damdamin.

Pero sasabihin kong mahirap mang magsulat, kapag nailuwal na ang prosa o berso sa sangmaliwanag, mapabubuntunghininga ka sa sarap at ligaya dahil kahit mahirap manghuli ng mga salita, nabibingwit din sila at naikukulong sa pinakamangkok ng iyong diwa, para lasapin mo at ng iba pang nagnanasa ng mainit at masabaw na likhang mula sa hinuli, biningwit, binitag, o hinabol na mga titik o mga salita. (30)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “Letra

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s