Posted in counter-culture, critical essay, non-fiction, Other

Juan Tamad nga ba ang mga Pilipino?

Tamad nga bang talaga ang mga Pilipino?

HINDI man aminin ng ilang nasa gobyerno, patuloy na dumarausdos ang kabuhayan ng milyun-milyong Pinoy. Bagaman sinasabi ng pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations (SWS) na bumaba nang halos dalawang puntos ang tantos ng mahihirap sa bansa—mula 51 porsiyento ng pamilyang Pinoy (mga 10.4 milyon) noong 2010, patungong 49 porsiyento (o katumbas ng 9.8 milyong pamilya) ngayong 2011—hindi maitatatwang hindi pa rin ganoong kabuti ang lagay ng marami nating kababayan.

Sabi ng iba ang katamaran ng mga Pilipino ang siyang nagbubunsod ng pagdausdos ng kabuhayan ng nakararami. Katunayan, naging isyu na rin ito ng panahon ng mga Espanyol.

Ayon sa mga mananakop—”likas” na tamad ang mga Pilipino at ayaw talaga nilang magtrabaho. Bilang tugon sa nasabing mga akusasyon, naisulat ni José P. Rizal ang pamoso niyang librong La Indolencia de los Filipinos, sa magaspang na salin “Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino.”

Aniya, ang siyesta at iba pang sinasabing “senyal ng katamaran” ay pawang dala ng pagkakataon o ng panahon. Giit niya: hindi kalikasan ng mga Pinoy ang pagiging tamad. Paliwanag ni Rizal, bago pa man dumaong ng mga Espanyol sa kapuluang Pilipinas (na hindi naman talaga Pilipinas noon) ay laging abala ang mga Pilipino para sa kanilang pagkakabuhayan. Bigay-diin ng martir ng Bagumbayan: ang tunay na dahilan kung bakit naging tamad ang mga Pilipino’y dahil na rin sa pang-aabuso, diskriminasyon, at korupsiyon ng mga pinuno Simbahan at ng Pamahalaan.

FAST FORWARD tayo. Dahil dumarami na naman ang naghihirap na mga Pinoy, muling nabubuhay ang usapin hinggil sa katamaran ng mga Pilipino. Noong taong 2005, nagsagawa ang isang malaking pahayagan ng isang poll survey na sumusuri sa kasipagan ng mga Pinoy. Ayon sa kapuwa Pinoy, talagang tamad ang mga Pilipino at napatutunayan ito sa napakarawal na kalagayan ng nakararami—mga taong nasa iskuwater, yaong hindi halos kumakain ng tatlong beses isang araw, at marami pang ibang mga bagay na nagpapatunay diumano ng katamaran nating mga Pilipino.

Ayon nga roon sa isang sumagot—walang puwang sa Pilipinas ang maging mahirap. Mayroon pa ngang nagsasabi—“Ang mga Pilipino, masipag? Masipag sa hindi pagtatrabaho!”

Pero, gaano nga ba katotoo na hindi masipag ang mga Pinoy?

Ayon sa Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES), 73.1 porsiyento ng populasyon, o katumbas ng 14.350 milyong mga Pilipinong may kakayahang gumawa o magtrabaho ang may permanenteng trabaho noong nakaraang taon.

Sinasabi pa ngang nasa 78.1 porsiyento ng populasyon ng manggagawang Pinoy ang nagtatrabaho nang buong oras (full-time) at gumagawa ng walong oras isang araw o katumbas ng 40 oras sa loob ng isang linggo. (Gayunman, hindi naman nangangahulugan ito na permanente sila sa kanilang trabaho dahil ang isang manggagawang kontraktuwal o yaong inuupahan lamang sa panahon ng pangangailangan ng trabahador o manggagawa’y maaaring mawalan ng trabaho, anumang oras). Ayon pa sa nasabing estadistika, 59 porsiyento sa nabanggit na mga manggagawa ay may binubuhay na pamilya o may-asawa.

Sinasabi rin ng datos ng BLES na tatlo sa limang mangagawa ang nasa sektor ng serbisyo—mga katulong, mga crew, mga sales persons atbp. At bulto (bulk) ng mga trabahante sa bansa, pawang nasa pribadong mga kumpanya (nasa 74.2 porsiyento).

Higit na nakatutuwa sa nasabing datos mula sa gobyerno, sinasabing 11.5 porsiyento ang nagtatrabaho nang walang suweldo o tinatawag na unpaid family workers. Ito iyong mga nanay, ate, kuya, at bunso na nagtatrabaho sa bahay at gumagawa ng iba pang gawain na hindi naman sumusuweldo. Pero maganda rin namang makitang marami ang sinasabing self-employed—30.1 porsiyento. Saan ka pa?

Pero, dapat na mabigyang-diin na kalakhan sa mga nagtatrabaho sa bansa’y yaong nasa kategoryang wage and salary workers na kapag walang kayod, walang suweldo. Pagbibida ng BLES, nasa 54.5 porsiyento sila ng populasyon ng lakas-paggawa sa bansa.

Gayunman, kahit na napakaraming Pinoy ang may trabaho—hirap pa rin sila dahil hindi naman tumataas ang tunay na halaga ng kanilang mga suweldo.

Sabi nga labor think-tank na Institute for Labor Education and Research (Eiler), nakapako sa napakababang halaga ang sahod ng mga Pilipino at ang pinabatayan nito ay taong 1995—ito ay sa kabila nang katotohanang tumaas ang antas ng kanilang produktibidad noong 2009.

Ayon naman sa IBON Foundation, Inc. ang sahod ngayon ng karaniwang manggagawang Pinoy ay hindi man lamang nakaabot sa kalahati ng tunay na presyo ng pang-araw-araw na pamumuhay (daily cost of living) sa kasalukuyan. Sa pagtaya ng IBON, nasa P957 ang kailangan ng isang pamilya, araw-araw, para mabuhay sila nang maayos. Ang sweldo ngayon ng Pinoy na trabahador sa Maynila—P404 ang minimum at iyon namag iba, swerteng mataas—sila yaong nasa call centers at iba pang mga kumpanyang may kakayahang magpasuweldo ng malaki. Ang siste, mataas ang rekisitos para makapasok sa sinasabing sunshine industry ng bansa: kailangang nakapagkolehiyo ka, mahusay sa pagsasalita ng Ingles, at higit sa lahat: kailangang mahusay na maka-quota. (May salaysay tayong nakalap hinggil sa buhay-call center. Pero saka na natin isusulat… kapag sinipag!)

Teka muna! Hindi ba’t ang pinag-uusapan natin dito ay yaong mga Pilipinong hindi nagtatrabaho? Tamad nga ba sila? Narito ang datos:

Ayon mismo sa BLES, ang bilang ng walang trabaho ay nasa 7.4 porsiyento ng mga Pinoy ang walang trabaho o katumbas ng 2.9 milyon, ayon sa National Economic and Development Authority (Neda).

Pero ilan nga ba ang trabahong nalilikha ngayon na maaaring pasukan ng mga walang trabahong ito? Ayon na rin sa Department of Labor and Employment: isang milyong trabaho na lilikhain pa lamang. O kung gusto naman ng iba, mag-abroad na lang sila tutal marami namang trabaho sa ibang bansa.

Pero nabanggit ba na ang mga trabahong iniaalok ng mga kumpanya, dito sa atin, ay walang kaseguruhan o pawang mga kontraktuwal? Err… hindi.

Ngayon mabalik tayo sa tanong natin kanina: “Tamad nga ba ang mga Pilipino kaya mahihirap sila?” O baka naman kaya sila nagiging tamad ay dahil nakararamdam sila ng kawalang katiyakan? Ang sagot ay nasa atin ng mga bunbunan.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “Juan Tamad nga ba ang mga Pilipino?

  1. Hindi naman siguro tamad, masipag ngang gumawa ng bata dahil walang ibang magawa.
    Maraming salik ito pero kung madadagdagan ang mga kumpanya/establisyementong mapagtatrabahuan ay mas liliit ang bahagdan ng mga walang magawa

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s