Posted in short story

Kamatayan sa Isang Lungsod

Malakas ang wangwang ng mga pulis. Usyoso, kabikabila. Bulungan.

“Nakita na lang patay, bumubula ang bibig. Pero hindi raw alam kung sino ang lumason,” sabi ng isa.

“Pero, ‘di ba nga, ang sabi, kasama raw ‘yong batang putatsing na tambay, riyan sa Carriedo,” sabad ng isa.

“Pero nakaalis na ‘yon at nakitang buhay pa si tsip. Ewan ko, pero may nagpadala raw ng pulutan saka beer doon, sa itaas ng motel. Ewan ko, basta. Eh, lalabas din naman ‘yan sa Tiktik bukas,” sabi ng aling halos ‘ala nang ngipin sa unahan.

“O kaya sa Bulgar,” sabad pa ng isa.

“Kahit sa Inquirer… malaking tao ‘yang si Tsip,” sabi naman noong isa.

Nagtanung-tanong na ang mga pulis sa paligid ng Pyramid Motel and Restaurant, sa panulukan ng Tomas Mapua at Tetuan saSanta Cruz. Kilalang tambayan ni Senior Superintendent Romeo Lagdameo Sucat, o kilala bilang tsip Roming.

“Pinatay ‘yan dahil sa goyoan sa partihan ng iligal na mga pasugalan, klab at droga rito,” sabi naman isa, paanas.

“Paano mo naman nalaman,” sabi ng isang katabi. “Teka, ‘wag mong sabihing…”

“Shh! ‘wag dito, baka matunugan tayo ng mga pulis na pinaguusapan natin sila. Madamay pa tayo,” pigil ng isa. “Halina at nang makauwi na. Baka gutom na ‘yong nasa bahay,” yayang-hatak nito sa kasama.

IBINUROL sa Funeraria Paz saQuezon Cityang mga labi ng pulis. Pero hindi kagaya ng alam ng mga miron na nakapalibot sa panahon na ibinababa ang bangkay ng hepe ng pulis Maynila, walang lumitaw na anggulo hinggil sa batambatang prosting kinalantari nito bago ito natagpuang bumubula ang bibig sa loob ng Room 404 sa kontrobersiyal na otel sa Santa Cruz na kilala rin unang pugad ng prostitusyon. Sa itaas kasi nito, nabuking ang operasyon ng isang massage parlor na prente ng bentahan ng laman. Natelebisyon pa nga ang pananalakay nito, ng tropa ng mga pulis-Maynila. Si Sucat ang puno ng pananalakay. Subalit marami pa ring nagtataka kung bakit nananatiling bukas ang naturang otel samantalang nabuko ang iligal na operasyon ng isang kasa, sa itaas mismo ng otel? Kahit na may malinaw na sagot, parang ginusto na lamang ng mga taong manatiling bugtong na hindi masagut-sagot ang naturang katanungan.

“WE’RE terribly shocked about what happened, Mrs. Sucat! Napakabuting pulis pa naman ng asawa mo,” sabi ni General Antonio Libarro, ang police inspector general ng PNP.

“I have already issued a marching order to arrest the suspects, within 72 hours. Or else, suspendidong lahat ang mga tauhan ng MPD,” sabi ni Libarro.

Walang imik si Mrs. Sucat na patuloy lang ang hikbi, habang hinahaplus-haplos ang salamin ng kabaong ng kanyang asawa. Wala ang kanilang mga anak, paparating pa lang buhat sa Europa ang isa, ang babaing nakapangasawa ng isang British, at ang isa naman ay mula Amerika na doon napagpasyahang ipagpatuloy ang pagpapraktis ng abogasya.

Yao’t rito ang tao sa Funeraria Paz—dumating ang Presidente; ang bise; ang lahat ng miyembro ng gabinete; mga mayayamang may-ari ng malalaking negosyo sa Maynila at karatig-pook; mga pulitiko; mga pari at obispo; at marami pang kilalang tao.

Running story sa mga dyaryo, radyo at telebisyon ang kamatayan ni Sucat, isang pulis na maraming kolorete sa dibdib. Kilalang drug buster sa Maynila. Kilalang galit sa operasyon ng mga klab at prostitusyon. Kilalang relihiyoso.

“KARDINAL, wala ho akong maibibigay na malaki-laki ngayon. Ha-ha-ha!” sabi ni Sucat, sabay abot ng isang makapal-kapal na sobre sa pinakapuno ng Iglesya Katolika sa Maynila.

“Naku, sobra-sobra ho ito ha?” may malaking ngiti sa mukha ng kardinal na agad na ibinigay sa sekretaryo ang sobreng bigay ni Sucat para sa pagpapaayos ng isang bahagi ng katedral.

“Saka nga ho pala, narito ho ‘yong regalo ko para senyo, sa birthday n’yo,” nilingon ang mga alalay at buong gilas naman itong nagpunta sa pajerong na nakahimpil malapit sa Plaza Roma. Pagbabalik nito ay bitbit ang may isang talampakang Birhen Immaculada na gawa sa pilak, ivory, at ginto.

“Naku! Salamat! Napakaganda nito! Kaya naman kayo lalong pinagpapala ay napakabait niyo sa Simbahan,” sabi ng kardinal na ipinag-utos na dalhin sa ginagamit niyang opisina ang poon…

(Itutuloy)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s