Posted in essay, non-fiction, opinion

Sa aking mga mambabasa

Sa ika-17 ng Hulyo, magdadalawang taon nang lumalangoy sa kalawakan ng birtuwal na reyalidad ang blog na ito. Sa loob ng dalawang taon, mahigit 40 libong katao na ang tumingin at nag-usisa sa kung anumang kabaliwang nasusulat dito: mga tula ng protesta; nakaririmarim at pagkaminsa’y malibog na kuwentong buhay; mga sanaysay na naglalaman ng kuru-kuro; at mga larawang hinalbot sa kung saang website at inilagay rito.

***

Nakatutuwang isipin ang lawak at saklaw ng kapangyarihan ng isip at puso ng tao — na lalo pang pinalapad ng kapangyarihang dulot ng internet. Noong Edsa 2 (naroroon ako sa bunton ng karamihan), sa pamamagitan ng text message lamang, naganap muli ang pagtatatak, ng Pilipinas, sa kasaysayan ng mundo sa larangan ng pulitika. Napatalsik si dating Pangulong Jose Ejercito na kilala rin bilang Joseph “Erap” Estrada. Taong 2001 iyon, hindi pa uso ang Friendster — text, email at chat pa lang ang kinahuhumalingan ng mga kabataan at maging ng ilang nalipasan na ng kanilang kabataan.

Ngayon, sa Facebook na nagaganap ang ilang rebolusyon. Pitong taon nang sa FB ipinapaskil ng ilan ang kanilang angas at reklamo sa katawan — sa relihiyon, sa pulitika, sa kultura, laban sa kanilang mga ex at dating mga kasiping sa kama, etcetera. Kalahating dekada pa nang iluwal ang Sigliwa, na ang termino’y hiniram buhat sa namayapang makata, mananaysay, dalubguro, at rebolusyonaryong si Bayani S. Abadilla (isa sa mga anak ng modernistang makatang si Alejandro G. Abadilla na sumulat ng popular na tulang “Ako ang Daigdig” noong gitnang bahagi ng dekada ’50.).

Habang nagtitipa ako ng kung anu-ano, maraming kung anu-anong naganap na rin sa buhay ko sa loob ng dalawang taong pamamalagi ng blog na ito sa mundo. Hindi ko na ikukuwento kung anu-ano ang mga kung anu-anong iyon dahil wala namang interesado.

***

Aaminin kong nag-blog ako dahil sa inggit. (Bata pa akong peryodista noon nang tangkain kong mag-blog na karaniwang inaabandona ko rin dahil sa pagkasawa. Pero iba ang Sigliwa. Aywan ko ba… may kaiba itong panghalina. Kaya nga di ko ito maabandona ni mabura. Parang anak ko na. Parang asawa ko na. Parang ako na rin ang blog na ito.) Naiinggit ako kapag sinasabi nilang napakarami na nilang hits. Mas naiinggit ako kapag nababasa ang mga komento ng mambabasa nila. Pero lipas na ang panahon ng pagkainggit. Ke walang magbasa o magkomento, mananatili ang Sigliwa, sa palagay ko.

***

Ngayong ikalawang taon ng blog na ito, may ipakilala akong pagbabago.  Una, ibig kong mapulsuhan ang bumabasa nito. Ano ba ang gusto ninyong sulatin ko? Pangalawa, mas hihigit na ang mababasa ninyong sanaysay at kuwento rito… mas pakakauntiin ang tula pero hindi naman tuluyang iiwan sa isang sulok. Bakit? Wala lang. Wala lang magawa. At pangatlo, panaka-nakang magpapaskil ako ng mga larawang kuha ko rito.

Para sa Sigliwa, maligayang kaarawan. Dalawang taon ka na… dalawang taon na tayong magkasama… masaya ka ba?🙂

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s