Posted in critical essay, essay, non-fiction

Calatagan, Batangas: Muling Pagsulyap

Larawan mula sa http://www.yugatech.com/photos/?a=lago-de-oro-calatagan-batangas

BATA PA AKO nang una akong makarating sa probinsiya ng tiyahin ko: Calatagan, Batangas. Apat na oras na biyahe mula terminal saPasay, apat na oras ding pagsasawa ng tingin sa berdeng-berdeng pinitak na natatamnan, kundi man ng pinya (sa bahagi ng Lungsod ng Tagaytay sa Kabite), ay palay o mais. Panaka-naka, makikita mo sa kahabaan ng lansangan ang nanginginaing mga baka at kalabaw, mga dayong ibong matiyagang naghihintay nang masisila sa bagong katutubig na mga palayan, mga magsasakang nagsusuyod o nag-aararo ng bukid. Para sa akin, ang Calatagan ay isang bunton ng hindi malilimutang mga alaala. 

Calatagan sa isang sulok ng malayong gunita 

WALANG kuryente at ang tanging palatandaan ng pagsapit ng bukang-liwayway ay ang tilaok ng tandang at ang siyap ng mga kiti o mga inakay ng mga inahing madalas kong “pagnakawan” ng itlog. Masarap inumin, bagaman hindi ko noon nalalaman ang panganib na dala nito, ang bagong itlog. Musika para sa akin an gig-ik ng mga baboy sa kalapit na koral at ang tanawin ng nanginginaing kalakian (lalaking kalabaw) at ilang baka’t kambing na salit-salitan sa kanilang pag-mê at pag-unga ay parang isang nakapanghahalinang tanawin, para sa batang katulad kong nasanay sa ingay at gulo ng lungsod. Huling bahagi ng dekada ’80 noon. Ilang taon, matapos na maluklok ang ipinagbubunying si Maria Corazon Sumulong Cojuangco-Aquino bilang presidente ng bansa.

Humigit-kumulang 92.25 kilometro o katumbas ng 57.32 milya ang lugar na itinuring kong paraiso dahil sa katahimikan at yuming taglay nito.  Bagaman malayo ang lakarin, mula sa pinakakubo (na maglalaon ay magiging bahay na pinagsamang hallow blocks, yero, kahoy at kawayan) ng aking tiyahin na si Lilian, patungong kabayanan, isang adbentura ito para sa isang “Manila Boy” na tulad ko. Naglalakad kami nang mahaba para bumili ng pandesal o ng ulam sa palengke, o para pumunta sa plasa para mamasyal. Naglalakad kami nang mahaba para lamang masilayan sa pinakamalaking tindahan ang aming hinahangaang mga babae (pagsintang pururot, madaling sumibol sa puso naming bubot).

Mabato at aho’t lusong ang mga kalsadang tinibag mula sa mga burol. Magkabila ang tubuhan na hihintayin ng mga manggagapak (mga nag-tatanim at nag-aani ng tubó) ng anim hanggang sampung buwan para maging kabuhayan. Sa magkabila nito ay ang mangilan-ngilang bahay, mga sementeryong naghuhumindig ang mauseleo ng mayayaman at taong popular sa lugar. Sa mga libingang ito, madalas nagmumula ang kuwento naming katatakutan sa tuwing nagkakatipon kaming magpipinsan sa ilalim ng punong mangga habang nakatingala sa panginoring tinatanglawan ng mga bituin, panaka-nakang mga tala, at bilug na bilog na buwan. Pantaboy ng lamok ang sinigaang tuyong tae ng kalabaw, na bagaman maanggo ang amoy, ay daig pa ang katol sa usok at tunay nga namang tumatagal.

Higit na kaaliwan ko ang magligo sa may poso at hangaan ang tubig na lumalabas sa nguso ng water pump na siyang nagtutubig sa nauuhaw na mga pinitak na may bagong usbong na mga tubo, balinghoy (kamoteng kahoy o cassava), at panaka-nakang gulay at prutas na pang-agdong buhay ng mga nakatira sa kubong munti, na natatandaan ko pang inawitan ko noon ng masayang awit na “Bahay Kubo,” samantalang wala pa sa sangkapat (¼) ng mga halamang nabanggit sa kantang iyon ang nakapaligid sa kubong tinutuluyan namin ng kung ilang linggo. Hindi ko malilimutan ang unang araw na tumuntong ako’t lumisan sa lugar na iyon na malapit sa pampublikong libingan na pinaglalagakan ng mga katawan ng pumanaw na nanatiling nasa piling ng kapayakan at karalitaan ng buhay (hindi tulad ng nabanggit kong libingan sa unang bahagi ng sanaysay/salaysay na ito).

Calatagan: ang metamorposis 

Nang bumalik ako sa Calatagan para magsulat ng kuwento tungkol sa mga ‘pagerper’ o babaing nagbebenta ng aliw, kapalit ang kaunting barya at ilang salop na bigas, nasaksihan ko ang unti-unting pagbabago ng lugar na bahagi ng aking kabataan. Unang hati ika-21 siglo. Ang dating kalsadang iilan ang nakaaspalto ay kongkreto na ngayon. Nahaharangan ng mga barbed wire o nababakuran ng bakal at semento ang dating mga bukiring nagyayabang sa kaniyang tanim na tubo o kung anumang halamang pang-agdong buhay.

Umuunlad na ang turismo sa Calatagan nang buksan ang mga pantalan at baybayin nito sa turismo (tandang-tanda ko noon na malaya kaming nakapaliligo sa dagat, sa bahagi ng islang kung tawagin ay Puting Bato, na ang tubig-dagat, may tatlong kulay: berde sa bungad dahil sa yaman ng mga isay o damong dagat; puti at malinaw na kristal na nakatutuwang pagmasdan dahil tila malinaw na salamin; at bughaw na bughaw, na kung tawagin ay sawang, na katatagpuan ng sari-saring yamang dagat na pinagkakabuhayan din ng mga taga-Calatagan). Kilalang-kilala na ang Lago de Oro at Golden Sunset Resort, na ang huli’y pag-aari ng sikat na parloristang si Ricky Reyes. Mayroon ding pribadong mga paliguan na pagmamay-ari ng mga Elizalde at Ayala, at maging ilang kilalang tao sa mundo ng pulitika sa Pilipinas.

Dahil pribado na ang dagat at baybayin, may bayad na ang paliligo sa dagat. May entrance fee para makapamasyal ka sa mga pampang, makapamulot ng mga kabibi at starfish na maaari mo raw tanungin, kapag maliit pa, kung saan ang direksiyon ng langit at dagat. Ngunit kapuna-punang ang mayayaman lamang sa Calatagan ang patuloy na yumayaman samantalang lalong pumapayak ang buhay niyaong nasa suluk-sulok ng bayan. Malayo pa rin ang mga paaralan. Wala pa ring kolehiyong mapapasukan sa Calatagan. Pero sabi nila, umuunlad na ang Calatagan.

Batay sa estadistika, first class municipality na ang Calatagan, na may 51,544 na populasyon noong 2007 (ngunit mayroong nagsasabing second class municipality lang ito). Ang tangway (peninsula) ay nagpapanibagong-bihis dahil sa turismo. Subalit sa pananaliksik ko, walang malinaw na estadistikang pang-ekonomiko, ang bayang hinanahap-hanap ko sa puso’t isip ko. Nakapagtataka, tunay ngang nakapagtataka. Ibig kong mabasang tunay na umuunlad ang buong Calatagan, laluna yaong mga nagpupunyaging anakpawis na ang buhay at pag-asa’y nasa lupa at tubig.

Ang binabalak na pagbabalik 

Ibig kong bumalik sa Calatagan para personal na makibalita at masaksihan kung ano pa ang iniluwal na pagbabago ng urbanisasyon sa pook na naging bahagi ng aking masaya, malungkot, at halaghag na kabataan. Ibig kong makitang muli ang dagat at lupang nilanguyan at nilakaran; makita ang pamilyar na mga lugar na nagpapanumbalik sa ala-ala ng ilang kagandahang hinangaan (at iniyakan). Ibig kong muling malasap ang halik at yakap ng malakas na hanging amihan o habagat ng Calatagan na nagpapagunita ng kalinisan at kapayakan ng buhay. Ibig kong marinig ang tunog ng katahimikan na pinakaaasam ko, dahil nakatutulig na ang ingay sa lungsod. Ibig kong muling bumalik doon at iguhit, minsan pa, ang lumang larawan sa aking gunita dahil baka tuluyan na itong maglaho sa pagdating ng panahon.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

4 thoughts on “Calatagan, Batangas: Muling Pagsulyap

  1. Hindi kaya ang nagkaroon ng pera ay ang mga negosyanteng hindi naman tubo sa Calatagan?
    Maaaring nagbago na nga pero hindi maikakaila na may napag-iiwanan. Ganun din naman sa maraming lugar dito sa ating bansa. Pulo-pulo ang pag-unlad.

  2. G. J. Kulisap: Ang totoo niyan, may kapunapunang kadispanglihaduhan ang umiiral na sistema ng pulitika at ekonomiya ng ating bayan. Napuna mo bang sa halip na pasulong ay paurong ang takbo ng ating mga kanayunan? Iilan lang ba ang nakikinabang sa diyaskeng pagtaas ng gross domestic product (GDP) na kahit ako ay di ko rin maintindihan? Papatindi ang kahirapan at karalitaan. Marami ang nagugutom samantalang napakaraming lupain sa atin ang dapat ay mabunga at kapaki-pakinabang.

    Salamat pong muli sa inyong pagdaan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s