Posted in essay

KM2: Bugtong ng Pagibig

Kagaya rin kaya ng lason ng dikya ang pagibig ng isang manananggal? O katulad ng peklat sa kuyukot na hindi matanggal? Hindi natin alam. Basta’t ang alam natin, ang pagibig ay katulad ng maharlika na iginagalang dahil banal. Subalit ano nga ba ang pakahulugan ng pagibig? Isang damdaming hugot mula sa dibdib. Isa itong tinig na umaalingawngaw mula sa yungib na kung tawagin—puso.

Hinahamak ng mangingibig ang pagka-lugami samantalang nilalasap din niya ang sarap, ang luwalhati na dulot ng pagibig. Binabago ng pagibig ang tao—ang kanyang isip, ang kanyang kaluluwa, kanyang pagkatao.

Ngunit mayroong malaking kalaban ang pagibig—ang libog na nakasakay sa alindayog ng pusag, kilig, kaligkig, yapos, hugpong at hugot, malalapot na halik, halinghing. Pagkaminsan pinapatay ang pagibig ng panibughong labis. Nangangalumata naman ang mata isang mangingibig dahil sa araw-at-gabing pamamalibisbis ng luha bunga ng pagkabigo, kasawian, kamatayan ng puso.

Masasabing pinagsamang lason at gamot ang pagibig. Ang tamis nito’y parang sa pulot-pukyutan subalit ang pait na dulot nito’y kagaya ng baging na makabuhay. Subalit iisa lang naman ang adhika ng pagibig—ang gawing ganap ang pagkatao ng isang tao.

Sabi nga ng Bibliya—matapos ang pagkawala ng lahat kakayahan sa paghihimala’t pagsasalita ng iba’t ibang wika ng propeta’t sugo, sa pagkaagnas ng katawan ng mga hiwagang mula sa langit at lupa—pagibig lamang ang mananatili. Sapagkat ang pagibig, ang kabuuan ng pananampalataya’t pamamag-asa.

Amor vincit omnia—Hinahamak ng pagibig ang lahat ng bagay. Kaya niyang bulagin ang dating nakakikita, gawing bungol ang dating nakaririnig at pipi’t utal ang dating matatabil; ngunit kaya rin naman niyang panauliin ang paningin niyaong nangabubulugan, buksan ang tainga ng hindi makarinig ng hinaing ng katotohanan, at papagsalitain ng buong tapang ang dating urong ang dila’t walang katutubong katapangan.

Rosas na mabango ang pagibig. Gumamelang walang samyo ang pagibig. Sanga ng bonggambilya ang pagibig. Pagibig ang kalahatan at sumasalahat. Kahit pagkaminsan, hindi nararamdaman ang kanyang yapos at hawak, naririyan lamang siya’t nagbabantay.

Ngunit ang tanong ay mananatili: Kagaya rin kaya ng lason ng dikya ang pagibig ng isang manananggal? O katulad ng peklat sa kuyukot na hindi matanggal? Hindi natin alam…

______

* Naisulat ito dahil kay Essa Payoyo. Salamat sa iyo… para sa iyo ito…

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

19 thoughts on “KM2: Bugtong ng Pagibig

  1. Ang totoong pag-ibig ay isang napakagandang damdamin. Wala itong pagkukunwari o paghahangad ng masama sa kanyang minamahal. Marahil ang katotohanan di natin alam kung ano ang tunay na pag-ibig kaya di natin magawang ibigay ito. O di kaya mali ang pananaw natin tungkol sa pagmamahal kaya mali din ang ating pagpapahayag nito.

  2. taga subaybay po ng KM2.

    masasabi kong isang karangalan ang makabasa ng nag gagandahang akda sa paligsahan.

    lumabas ang iba’t ibang makulay na damdamin sa bawat akda. wala na yatang higit na kukulay pa sa pag-ibig. bagamat laging kakambal nito ang kasawian, gusto kong isipin na kalaban man nito ang libog, ang libog ring ito ay tila uod na handang maging paru-paro para sa magsing irog kung magkakaroon ng pares ng pakpak ng pag-ibig.

    1. Maari. Sapagkat sa matandang pakahulugan ng pagtatalik ay pagtatagpo – isip-sa-isip, puso-sa-puso, puson-sa-puson, ari-sa-ari, kaluluwa-sa-kaluluwa… gayunman tila nalilimutan na natin kung ano ba talaga ang kahalagahan o tunay na gamit ng pakikipagtalik. Maraming salamat sa iyong pagbasa. Tuloy lang po tayo sa pagsulat!

  3. Hindi po mapagtagni-tagni ng barado kong utak ang tunay na kawikaan sa mga salitang nababalutan ng mga talinghaga. Saludo po talaga ako sa inyo pagdating sa larangang ito. Subalit isa lamang ang tumagos sa aking kalamnan at buto patungkol dito: na malaki ang nagagawa ng pag-ibig sa bawat nilalang. Pag-ibig ba ang naging dahilan kung bakit naka-tengga ang Divorce law sa senado at hanggang ngayon ay hindi pa naaaprubahan? Pag-ibig din ba ang bumabalot sa sagradong sakramentong ibinigay nang Diyos sa dalawang mag-kasi na sa kalaunan ay unti-unting naglalaho? Pag-ibig din ba ang dahilan kung bakit may mga nagtitiis sa kanilang mga kabiyak sa kabila ng walang habas nitong pag yurak sa nanlalamig na katawan, damdamin at isipan? Tunay na napakalawak din ng usaping ito… Nagpapasalamat po ako at nabigyan ako ng pagkakataong kalampagin ng kaunti ang barado kong utak ngaung madaling araw. Gandang Umaga Po!

    1. Salamat, Bb. Mendoza sa pagbabasa. Ang 16 na salita ay 1. dikya 2. lugami 3. adhika 4. halinghing 5.kuyukot 6. banal 7.luwalhati 8.maharlika 9.peklat 10. panibugho 11. pulot-pukyutan 12. alingawngaw 13. yungib 14. hugot 15. nangangalumata 16. manananggal

    1. Sa makabagong palabaybayang Filipino, maaaring alisan ng gitling ang alinmang salitang nalalapian sa kondisyong hindi nababago ang kahulugan nito. Halimbawa ang salitang pagibig na maaaring alisan ng gitling.

      1. Bilang pagpapalawig pa, maaaring gamitin kapwa ang salitang pagibig na may gitling at wala. Salamat pong muli sa inyong pagsubaybay sa blog na ito.

  4. Ang pag-ibig na siyang dahilan ng kasawian at kagalakan, pighati at pagpupunyagi, at lahat na marahil ng iniuugnay dito. Wala nga sigurong makapagsasabi ng hangganan, ng kayang idulot nito kaninuman. Katumbas ng lason ng dikya ang pagmamahal ng manananggal, maging ang peklat sa kuyukot na hindi matanggal, ito ay pag-ibig. Sa iba’t-ibang anyo at pakahulugan. Hindi man natin batid, sa pananaw man ng iba’y hindi kahalintulad, ito ay pag-ibig sa kanya-kanyang dahilan at paraan.

  5. Kapag said ang pag-ibig, tila baga para tayong linang na namimitak sa pagkasabik sa tubig ulan. Kapag umaapaw naman para tayong malulunod o di kaya nama’y parang pagkaing nakakasuya ang pag-ibig.
    Walang panahong pinipili ang pag-ibig maging ang pagkawala o pag-usbong nito.
    Kahit saan tayo lumingon, kahit saan tayo mapadpad..nandiyan ang pag-ibig. Pag-ibig na nagiging makulay ayon sa interprestasyon nito ng naniniwala.
    Hindi naluluma, hindi rin bago. ‘Yan ang pag-ibig.

    Sir Noel, ako’y lubos na nagpapasalamat dahil ikaw ay nakilahok.

    Isa lamang ang maipapangako ko, matututo ako sa iyong mga likha.🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s