Posted in Uncategorized

Etika para sa Nakikisangkot na mga Makata*

ni Alexander Martin Remollino

Sa kadulu-duluhan, maituturing na usapin ng etika ang pagpapasya ng isang makata na taluntunin ang landas ng pakikisangkot sa lipunan. Pagtatakwil ito sa kawalang-katuturan, pagpili ito sa paglilingkod.

Ngunit sa hanay man ng nakikisangkot na mga makata ay hindi rin iilan ang nakikitaan ng mga asal o pagkilos na sukat makalikha ng mga kuwestiyon ng etika. Paano nangyayari ito?

Ang tula ay paksa ng lubhang magkasalungat na pagkaunawa. Sa bagay na ito, damay di kasi pati ang sumusulat ng tula – ang makata.

Sa isang banda, ang tula’y inaakalang kung ano lamang. Bunga ito ng kaiklian ng tula at ng pangyayaring sa karamihan sa mga makata, ang paglikha ng tula ay sasandali lamang – halimbawa’y sa kaso ni Jose Corazon de Jesus na nakasusulat ng piyesa sa loob ng limang minutong pagtanaw sa labas mula sa bintana ng opisina ng pahayagang pinagsusulatan ng pitak, ayon sa kanyang kamakatang si Amado V. Hernandez.

Kapangyarihan ng tula

Datapwat ang mga nag-aakalang kung ano lamang ang tula ay karaniwan din namang napabibilang sa mga lubhang nabibighani ng bisa nito. At bakit naman hindi? Ang tula ay “lalong maraming sinasabi at sa lalong kaunting salita kaysa sa tuluyan,” wika nga ng pilosopong Pranses na si Francois Marie Arouet (lalong kilala sa bansag na Voltaire).

Ang pahayag na ito ay hindi basta na lamang sumibol sa malikot na imahinasyon ng may-akda ng nobelang Candide, na nalathala noong tinatawag na Panahon ng Pagliliwanag sa Europa. Kailanma’y makikita natin ang katotohanan ng pahayag na ito sa pangyayaring hindi mahirap sa atin ang matandaan ang mga linya mula sa lalong dakilang mga tula, at maging ang mga tulang sa ganang ati’y kalait-lait ay madali nating matandaan ang taludtod kapag nilalait na natin ang mga ito.

Sabihin pa, ang bisa ng tula ay hindi humahangga sa mismong nakabasa nito. Sinumang maantig ng isang tulang nabasa kung saan ay karaniwan nang magbabahagi ng anumang markang iniwan nito sa kanyang kamalayan sa lahat ng makakayang bahagian.

Makapangyarihan, kung gayon, ang sandatang taglay ng makata, at malaki ang kanyang papel sa paghuhubog ng kultura sa lipunang kanyang ginagalawan. Bagama’t kilala sa pagkakaroon ng mataas-taas na antas ng kapalaluan, hindi nagyayabang lamang ang makatang Ingles na si Percy Bysshe Shelley nang kanyang wikain ang ganito: “Ang makata ay siyang di-kinikilalang mambabatas ng daigdig.”

Bagama’t totoo ang tinuran ng isa mismong alagad ng sining na wala pang tulang

nakapigil sa mga tangke – sapagkat hindi naman sapat ang alinmang tula upang konsensiyahin ang talagang walang konsensiya – hindi naman biro ang maaaring magawa ng tula upang udyukan ang madlang harangin at pagtulung-tulungang itulak pabalik ang umaarangkadang tangke.

Ang pagpapalagay na ang tula ay kung ano lamang ay malimit kabuliran maging ng hindi rin iilang makata. Isa ito sa mga dahilan kung kaya hindi rin naman iilan sa hanay ng nakikisangkot na mga makata ang malimit-limit kakitaan ng kakulangan ng debosyon sa kanilang ginagawa.

Ngunit aminin man o hindi ng sinumang makata, malaki ang kanyang pananagutan sa lipunang kinabibilangan.

Sa nakikisangkot na makata, dapat na malinaw ang bigat ng kanyang papel sa lipunan, na itinakda rin ng kapangyarihan ng hawak niyang sandata.

Ang makata bilang mandirigma

Isa siya sa mga pangunahing mandirigma sa larangan ng kultura: siya’y nakikidigma sa mga kaisipang itinanim, o hinayaang sumibol, sa madla ng lipunan kung saan pinababayaang magutom ang mga mamamayan umunlad lamang ang mga dayuhan, kung saan ang kasaganaan ng iilan ay higit na mahalaga kaysa sa karapatan ng lahat na mamuhay bilang tao. Sapagkat siya’y isang mandirigma, kailangang lagi siyang nakaantabay sa tawag ng bayan – at, sa wika nga ng makata-manghihimagsik na si Andres Bonifacio, “Ang anak, asawa, magulang, kapatid/Isang tawag niya’y tatalikdang pilit.”

Sa ganitong lipunan, ang mga mamamaya’y araw-araw na hinahangal ng iilang mapribilehiyo at ng mga dayuhang pinapanginoon nila sa pamamagitan ng mga aparatong pangkultura. Ginagamitan sila ng palsong lohika, kundi man mapambaluktot na pagpukaw sa damdamin, upang ipatanggap sa kanila ang pinakakasuklam-suklam na mga kalagayan.

Masdan, halimbawa, kung paano tinangkang buhusan ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng malamig na tubig ang pagsiklab ng galit ng mga mamamayan nang lumitaw ang tinatawag na “Hello Garci” tapes at makumpirma nang detalyado ang mga hinalang siya’y nandaya sa eleksiyon ng 2004. Ano ang linya ni Macapagal-Arroyo at ng kanyang mga alipures hinggil dito? “Itigil ang panghahati sa bansa,” anila. Sila’y lumikha ng pambabaluktot sa konsepto ng pagkakaisa, isang pananawagan ng pagkakaisa nang hindi na pinag-uusapan kung mabuti ba ang nais pagkaisahan.

Masdan din kung paano tinugunan ni Sek. Mike Defensor ang paglabas ng isang music video na nilikha ng Artists for the Removal of Gloria (ARREST Gloria) bilang pagtuligsa sa Pangulo. “Igalang naman natin ang opisina ng Presidente,” winika niya. Hindi niya pinapag-iba ang mismong opisina ng Presidente at ang kasalukuyang okupante nito, kaya’t nagawa niyang umiwas – at panandalian niyang naiiwas ang mga manonood – sa katotohanang ang mismong pag-okupa sa Malacañang ng isang pinunong tiwali, kontra-bansa at kontra-mamamayan, at pasista pa at mandaraya ay isang pambabastos sa opisina ng Presidente.

Samantala, sa ganitong lipuna’y lalagi ring may mga alagad ng kultura na nag-aakalang ang papel nila sa lipunan ay sadyang patakasin ang mga mamamayan mula sa mga suliranin ng bansa. Sinasamantala ng mga nakikinabang sa umiiral na kaayusan ang karaniwang tendensiya ng mga tao na tumakas nga kung ang katotohanan’y nagiging lubhang mapait, at hinahayaan nilang mamayagpag ang mga ganitong alagad ng kultura, kundi man sinusuhayan pa: malaking bahagi ng pinagkakakitaan ng mga ito ang mga patalastas sa radyo’t telebisyon, mula sa mga korporasyong multinasyunal at transnasyunal at sa malalaking ahensiya ng pamahalaan.

Ganitong kultura ang kinakaharap at nararapat na labanan ng mga naninindigang alagad ng sining – kabilang ang mga nakikisangkot na makata.

Ang pagiging makatang nakikisangkot ay isa sa mga anyo ng tuluy-tuloy na pakikipagbangga sa kulturang umiiral, sa layong makapag-ambag sa paglikha ng isang kulturang tunay na sasalamin sa mga pangarap ng mga mamamamayan at magbibigay ng dagdag na liwanag sa kanilang mga diwa at higit na bubuhay sa kanilang loob sa pakikipaglaban alang-alang sa kalayaan at katarungan.

Bokasyon at misyon

Isa itong bokasyon at misyon, kung gayon, at samakatwid ay nangangailangan ng ibayong dedikasyon. Ang pangangailangan sa ganitong dedikasyon ay pinatitindi pa ng kapangyarihan ng armas ng makata. Sinumang nagnanais na buong-pagmamalaking masabi sa kanyang magiging mga anak o apo na minsan sa kanyang buhay ay naging makata siyang pumanig sa mga api ay dapat na magsikhay upang mahubog sa kanyang sarili ang dedikasyong ganito. Kailangang maisaloob niya ang pananaw na siya’y isa sa mga nangungunang kawal sa isang digmaan sa ngalan ng matwid, hindi isang tagamasid lamang o isang nakikisawsaw.

Kaugnay nito, kailangan ng isang nakikisangkot na makata na maging malay na ang isang tulad niya ay iniluwal ng mga salungatan sa umiiral na lipunan.

Ang kultura’y nakabatay sa materyal na kalagayan ng isang lipunan. Sa lipunan kung saan “sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan” – sa wika ni Amado V. Hernandez – sa mahabang panaho’y naghahari ang mga kaisipan ng iilang “malaki.” Ngunit ang nakararaming mamamayang “maliit” ay nagkakaroon ng mga karanasang nagbibigay sa kanila ng mga ideyang taliwas sa ipinamamarali ng iilang “malaki,” at dito nagmumula ang mga binhi ng isang kontra-kulturang may kakayahang sumuhay sa pagpapalaya sa mga mamamayan.

Mula sa kontra-kulturang ito isinisilang ang mga makatang makikisangkot sa pagbabago ng lipunan.

Ngunit lantad pa rin ang nakikisangkot na makata sa mga impluwensiya ng nangingibabaw na kultura sa umiiral na kaayusan, kaya’t mainam na walang katapusan ang kanyang pagsipat sa kinalalagyang paligid upang mahusay na matimbang ang mga salik na may kakayang humibo sa kanya bilang isang bahagi ng lipunang sinisikap niyang baguhin.

Kung ganap na siyang nagtataglay ng kinakailangang dedikasyon sa kanyang bokasyon at misyon, ay makikita sa antas ng kanyang kahandaang tumugon sa maiinit na usaping kinakaharap ng mga mamamayan sa isang yugto ng kasaysayan, ilantad ang kawalang-batayan ng mga paniniwalang matagal na naging palasak, at makapaglaan ng panahon sa pamamahagi ng kanyang talento – sa anumang paraang kakayanin sa isang takdang panahon – sa sandaling hilingin ang ganito.

Kapag ganito na ang dedikasyon ng isang nakikisangkot na makata, masasabing lubos na niyang naisasabuhay ang etika ng kanyang bokasyon at misyon.

*N. B. Hindi na matandaan ni Pia Montalban, isa ring progresibong makata, kung saan niya ito nahalungkat. Pero inilalathala na rin natin para makatulong sa ibang nagnanais na maging makata para sa bayan. – N. S. B.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s