Takatak ng makinilya: Isang sulyap sa sining at agham ng pagsulat ng balita*

Introduksiyon

Balita (news) ang pinakabuhay ng isang pahayagan. Kung walang balita, walang mailalako ang isang tagapaglathala ng isang peryodiko o isang magasin. Balita kasi ang nagsisilbing pinakasalalayan (basis) ng halos lahat ng artikulo sa isang peryodiko: editoryal man o lathalain (features), o maging ang mga pitak (column). Ibig sabihin, ito ang pinalaman at buto, kaluluwa at dugo, ng isang publikasyon.

Kaya nga, dapat maunang matutunan ng isang nagbabalak na maging peryodista (journalist) ang magsulat ng balita, bago pa man ang pagkuha ng mga litrato o magsulat ng lathalain o pitak. Gayunman, hindi dapat matutunan lamang ang pagsusulat ng balita, o masakanayan ng isang tagapag-ulat ang pagsulat ng balita—dapat niyang matutunan ang sining at agham (art & science) ng pagsulat ng balita para higit itong maging kapakipakinabang sa mambabasa.

Balita: isang depinisyon

Ayon sa isang diksiyunaryo, ang balita ay isang ulat ng isang nakalipas na pangyayari (a report of a recent event).[1] Sabi naman isang batikang mamamahayag at awtor ng isang gabay sa peryodismo sa pagmasang pamamahayag na si Deborah Potter, ang balita ay anumang bagay na bago. Pagsipi pa niya sa hindi naman niya naipakilalang diksiyunaryo, [News is] a report of recent events or previously unknown information.[2] Sa esensiya, ang balita ay anumang bagong impormasyong maibibigay ng isang peryodiko sa kaniyang masang mambabasa.[3] Sa kabilang banda, sinasagot din ng isang balita ang anim na katanungan, o mas kilala sa Ingles na five (5) Ws and one (1) H: What, Where, When, Who, Why and How.[4] (N. B. Taglay din, maging ng iba pang uri ng sulating pamperyodiko ang mga ito. – Ed.)

Nahahati naman sa dalawang kategorya o tipo (types) ang balita: hard news at soft news. Ayon kay Deborah Potter, isang mamamahayag buhat sa Amerika, “news of the day” o ang pinakamainit na isyu ng araw (o mga darating pang mga araw, gaya nang nangyayari sa ating bansa na parating may running news) samantalang ang soft news naman ay ang sinasabing “the human side of the story.”[5] Halimbawa, masasabing hard news ang pambobomba sa Mindanaw, na ikinasawi ng marami, samantalang kapag ang paghihinagpis at pangungulila ng mga naiwan ng biktima ang ilalagay mo sa iyong balita, maaari na itong tawaging soft news.[6] Paghahalimbawa ni Potter:

By contrast, a story about a world-famous athlete who grew up in an orphanage would fit the definition of soft news. It’s a human-interest story involving a prominent person and it’s an unusual story that people likely would discuss with their friends. But there’s no compelling reason why it has to be published or broadcast on any particular day (Sa paghahambing, ang isang salaysay tungkol sa isang sikat na atleta na lumaki sa bahay-ampunan, aakma ito sa depinisyon ng soft news. Istorya kasi itong makapupukaw ng interes ng mambabasa (human interest story) na may kaugnayan sa isang prominenteng personalidad at maaaring pag-usapan sa pagitan ng magkakaibigan. Ngunit, wala namang napakabigat na rason para ilathala o isahimpapawid ito agad sa isang partikular na araw).[7]

Upang pasimplehin pa ang depinisyon ng dalawa: ang unang tipo ng balita ay dapat ihain agad, kumbaga sa pagkain, dahil mapapanis ito samantalang ang isa ay maaaring iimbak (subalit hindi naman dapat tuluyang gawing buro (pickle)) nang medyo matagal-tagal dahil kahit hindi mailabas sa pinakahuling isyu, ay hindi naman agad ito mapapanis at makapupukaw pa rin ng interes ng mga mambabasa.

Samantala, sinasabi naman ni Lawrence Surtees ng SchoolNet News Network (SNN), isang cyber-school para sa mga manunulat at nangangarap na mga peryodista, isinama niya sa tipo ng mga balita ang feature, personality profile, at backgrounder.[8]

Pero ang tanong na dapat sagutin matapos ang sandamakmak na mga depinisyon at paliwanag: Ano nga ba nagiging kabalibalita ang isang balita?

Paano nga ba masasabing kabali-balita ang isang pangyayari?

Dapat mabatid ng isang tagapagbalita na may mga bagay na dapat isaalang-alang bago niya isumite sa kaniyang patnugot (editor) ang isusulat niyang ulat o report. Dapat may halaga (value) ang ibabalita niya. Dahil kung hindi, tiyak na hindi ito papatok sa inyong editor, maging sa inyong mambabasa o audiende.

Sabi nga ng propesor sa pamamahayag na si Bill Parks ng Ohlone, College sa California, USA, dapat isaalang-alang ang sumusunod na mga bagay kapag pipili ng ibabalita:

  • Impact o dating ng istorya. May epekto ba ang pangyayaring ibabalita mo sa nakararami? Timbangin ang mga bagay-bagay, baka ang may dating sa iyo, wala namang dating sa iba.
  • Proximity. Dapat isaalang-alang ang saklaw o layo-lapit ng lugar ng kaganapan bago ibalita ang isang istorya. Ang nangyayari sa Cubao, Quezon City ay may halaga para sa mga taga-Quezon City, o malapit na mga lugar sa Quezon City, pero maaaring walang halaga o balewalain lamang ng isang taga-Bacolod City, sa Kabisayaan.
  • Timeliness. Napapanahon ba ang impormasyong ito? Kung gayon, ibalita mo!
  • Conflict o tunggalian. Ang gitgitan, halimbawa, sa pulitika o kaya naman ay digmaan o kaya ay isang malaking krimen ay maaaring ibalita.
  • Relevance. May halaga ba ang isang pangyayari o kaya naman ay isang usapin sa iyong mambabasa? Kung wala naman, hindi mo ito maaaring ibalita.
  • Usefulness. Magagamit ba ng mambabasa mo ang impormasyong ibinabahagi mo?
  • Human interest. Maaaring hindi taglay ng ganitong uri ng mga istorya ang nabanggit sa itaas subalit interesante pa ring isulat at ibahagi sa mga tao.[9]

Bukod sa mga nabanggit ni Parks, maaari ring ibalita ang mga bagay na nagtataglay ng ganitong mga elemento:

  • Prominence. Interesado ang mga mambabasa sa mga pangyayari ukol sa buhay-buhay ng popular na mga tao tulad ng mga artista, pulitiko, atbp., at maging ang interesanteng mga petsa at kritikal na mga sitwasyon.[10]
  • Discovery. Maaaring may kinalaman ito sa pinakabagong teknonolohiya, bagong gamot laban sa nakahahawang mga sakit, at iba pang bagong mga bagay na ipinakikilala sa lipunan.[11]
  • Suspense. Ano na ang kasunod na mangyayari?[12]
  • Unusual. Anila, anumang bagay na kakatwa (weird) o kakaiba (extraordinary), kabalibalita.[13] Tinatawag din itong novelty.[14]
  • Humor. Nakatatawang mga pangyayaring maaaring basahin ng mga tao.[15]
  • Progress. Kung mayroong pag-unlad o pagbabago sa isang teknolohiya, proyekto, o katulad na mga pangyayari, maaari itong ibalita.
  • Age. Kabilang dito ang hinggil sa mga child prodigies.[16] (N. B. Bahagi ito ng kategoryang “human interest.”).

Mga bahagi ng isang balita

Katulad ng isang katawan, may iba’t ibang bahagi ang isang balita. Ayon sa isang course module na isinulat ni Prof. Brian Steffen ng Simpson College sa Iowa, ang “Beginning Newswriting and Reporting,” kabilang sa elemento o bahagi ng isang balita ang headline (ulo), lead o ang unang parapo (paragraph) ng balita, back-up for lead, nut graf, lead quote, impact on audience (ano ang magiging epekto ng balita sa puso at isip ng taong babasa), attribution (pagbibigay kredito sa pinagmulan ng impormasyon), background (kaligirang kasaysayan ng pangyayari), elaboration (dagdag na paliwanag at/o impormasyon sa paksang tinatalakay), at ending. Maaari ring isama, sakaling kakailanganin, ang nauugnay na mga larawan, graphs, at iba pang infographics.[17] Para mas pasimplehin ng konsepto, ang mga bahagi ng balita ay:

1.      Lead (Unang isa o dalawang parapo ng balita)

2.      Body (Naglalaman ng mga kinakailangang impormasyon)

3.      Conclusion (Paglalagom ng buong istorya)

Paano ko isusulat ang balita?

Mahalaga ang mabisang pagbibigay konteksto sa balita. Sabi nga ng Reuters:

“Tell me something I don’t already know” That’s what clients want. Look for a new fact, angle, interpretation, reaction and explain the implications, whether you are covering politics, economics, corporate affairs, financial markets, sport or any other news. News does not happen in a vacuum – often the story is “outcome versus expectations” or “outcome versus comparisons“. In other words, it’s the context that makes the story.[18]

Figure 1 Ang inverted pyramid style ang sinasabing pinakaepektibong gabay para maayos na makapagsulat ng balita. (Larawan mula sa Lightning Eastview News, 2009)

Payo ng Reuters’ Handbook of Journalism para epektibong makapagsulat ng balita: gamitin ang tradisyunal na “inverted pyramid” na istilo ng pagsusulat. Ibig sabihin, dapat mauna sa lahat ang pinakamahalagang impormasyong kailangan ng mga mambabasa, at saka suportahan na lamang ito ng iba pang mga impormasyon para tumindig ang balita.[19]

Sinasabing ang lead o ang pinakaunang mga talata ng isang balita. Dapat kasing mapukaw nito ang atensiyon ng isang mambabasa, at ituluy-tuloy niya ang pagbabasa ng inyong isinulat.

Dahil lead ang Nagbigay si Parks ng ilang tip para sa isang mahusay na lead:

§  Maikli subalit malaman. Ideyal sa isang lead sentence ang sampung salita laman. Sabi nga ni Parks:

News writing is always tight, but the lead calls for special care. Condense your story into one sentence, then one phrase, then one word. Make sure that word is near the beginning of the lead. As a general rule, no lead sentence should be longer than 10 words.[20]

Ibig sabihin, dapat na matukoy ng manunulat ang isang salitang iyon na magdadala sa buong istorya. Tingnan ang halimbawa sa ibaba:

Isang bagong Imus ang masisilayan ng mga mamamayan dahil sa inihahandang programa ng munisipyo sa 2011.[21]

Kung hindi maiiwasan, tiyakin na hindi naman masyadong mahaba na halos katumbas ng dalawang talata na ang inyong lead.

§  Huwag maging maligoy.

Gawing direkta ang inyong lead paragraph. Iwasang gawing mapalabok. Kasusuyaan ng mambabasa ang gayong mga tipo ng lead. Bagaman ang pagiging artistiko ay nakatutulong, hindi rin naman magandang masyadong mapalabok dahil baka maligaw ang mambabasa sa gubat ng inyong istorya.

Sabi nga ni Parks:

Don’t say, “The city council met last night.” Tell the reader what the city council did.[22]

Samantala, may payo hinggil dito si William Strunk Jr., ang awtor ng pamosong The Elements of Style na nalathala noong 1919:

Omit needless words. Vigorous writing is concise. A sentence should contain no unnecessary words, a paragraph no unnecessary sentences, for the same reason a drawing should have no unnecessary lines and a machine no unnessary parts (Kaltasin ang hindi kinakailangang mga salita. Hindi dapat nagtataglay ang isang pangungusap ng di-kinakailangang salita, ang isang talata ng di-kinakailangang mga pangungusap, kung sa parehong dahilan na ang dibuho’y ‘di dapat nagtataglay ng di-kinakailangang mga linya at ang isang makita, ng di-kinakailangang mga bahagi).[23]

Hindi naman nangangahulugan ito na pakatipirin mo ang mga salita na halos wala na ang diwa ng unang parapo ng iyong ibinabalita. Ang ibig sabihin lamang nito, gaya nang nasabi na, iwasan ang mabubulaklak na salita sa inyong pagsusulat ng balita.

§  Pagtuunan ang mismong aksiyon sa balita.

Sabi nga ni Parks, sa halip na pagtuunan ng manunulat ng pansin ang nangyari, dapat maging pokus niya ay kung paano nangyari ang pangyayari. Sa madaling salita, laging gumamit ng “active voice,” o pangkasalukuyang mga pandiwa (present tense) sa inyong pangungusap sa pagsusulat ng inyong lead.

§  Panatilihing nakatuon ang pansin ng inyong mambabasa sa inyong ibinabalita.

Sa pamamagitan ng paglalagay ng pinakaimportanteng impormasyon sa unahan ng inyong balita, asahang babasahin na ng mambabasa ang inyong isinulat.

Subalit aminado naman si Parks na hindi rin naman gaanong nasusunod ang nabanggit sa itaas kung ang gagamitin natin ay ang tinatawag na anecdotal lead o lead na pakuwento. Pero giit pa rin ng propesor: mas mainam pa rin yaong lead na may “hatak at sampal” sa mga mambabasa.[24]

Ayon naman kay Deborah Potter, may ilan tipo ng lead o paunang talata ang karaniwang ginagamit ng mga mamamahayag ngayon: hard at soft lead. Anu-ano ang pagkakaiba? Direkta ang una samantalang may kahabaan at may pagkabalam (delay) sa nilalamang ng istorya, ang ikalawa.[25]

Mga halimbawa ng lead:

1.      Hard

The Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) and the Save the Laguna Lake Movement are elated over the cancellation of the P18.7 billion (US$423.076 million) Laguna Lake Dredging Project by a Belgian firm.[26]

2.      Soft

Allyn Montes, daughter of one of the detained Morong 43 cannot contain her happiness after Malacañang has decided to drop the cases against the Morong 43health workers arrested in Morong, Rizal, last February 6.[27]

Sa pagsulat naman ng pinakakatawan ng balita, pakaisipin natin ang tip na ibinigay ni Potter: piliin lamang sa nakalap ninyong mga datos ang kinakailangan sa inyong istorya. Dito papasok ang tinatawag nating “pagpapasya,” sa istorya. Sabi nga ni Potter:

Good journalism involves selection, not compression. Reporters must use their news judgment to decide what is most important to include in a story and in what order to put it.[28]

Kaya nga, sabi ni Potter, dapat mabatid ng isang reporter ang pokus ng kanyang istorya. Kung maganda ang ating lead, mabilis ang ating pagsusulat ng istorya. Gayunman, dapat nating bigyang halaga ang transisyon o kung paano pinagkakabit-kabit ang mga pangungusap at mga talata sa inyong balita; ito ang magpapadulas sa pagbasa ng inyong ibinabalita.

Sa pagsusulat ng pinakakatawan ng ating istorya, maaari ditong ipasok ang tinatawag nating nut graph. Ayon kina Potter at Parks, ang nut graph ay ang isang pangungusap sa inyong balita na kukumbinsi sa inyong mambabasa kung bakit kailangan niyang ipagpatuloy ang kanyang pagbabasa. Sabi nga, sinasagot nito ang katanungan, sa panig ng manunulat, na “Bakit ko susulatin ito?”[29] at sa panig naman ng mambabasa: “Bakit ko pag-aaksayahan ng panahon ang pagbabasa ng istorya mo?” Para mas maliwanagan, tingnan ang sumusunod na halimbawa:

Paatras at hindi umano paabante ang magiging takbo ng ekonomiya ng bansa sa iskemang Private-Public Partnership (PPPs) na isinusulong ngayon ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Ito ang giit ni Prof. David Michael San Juan, na kasalukuyang nagtuturo sa Pamantasang De La Salle sa Maynila at tagapagtatag ng Institute for Nationalist Economics and Republican Democracy (INERD), isang indipendi­yenteng think-tank.

“Hindi kailanman dadalhin ng PPPs ang bansa sa landas ng kaunlaran dahil walang iba rito kundi isa lamang na inibang bersiyon ng iskemang pribatisasyon ng mga kumpanya ng gobyerno ng dating administrasyon,” paliwanag ni San Juan nang kapanayamin ito ng reporter na ito sa pamamagitan ng e-mail.

Aniya, payayamanin lamang nitong lalo ang maya­yaman nang kumpanya at monopolyo sa bansa.[30] <– nut graph…

May tips na ibinigay si Parks kung paano makakamit ang isang mahusay na transisyon sa inyong mga balita:

1.      Tiyaking sunud-sunod ang detalye ng mga pangyayari sa inyong istorya.

2.      Gumamit ng mga introduksiyon bilang transisyon sa pagitan ng mga sinisiping pahayag ng inyong source.

3.      Likhain ang panibagong senaryo na magpapakilala sa bagong subject na tinatalakay o isang panibagong diskurso.[31]

Makakatulong din ang paglalagay ng breaker o subheadings para madali ang transisyon at mas mapadulas ang pagbabasa ng inyong mga audience sa akda ninyo.

Sa pagwawakas naman ng ating balita, sinabi ni Potter na karaniwang naghuhudyat ito ng maaring kasunod pang mga pangyayari. Gayunman, sa ilang pagkakataon, maaaring gumamit ng siniping pahayag o quote na “malakas” ang dating para gawing mas epektibo ang balitang isinulat. Ngunit, may payo hinggil dito si Potter:

…however, and should be used only when the quote is so powerful that writing anything more would be a letdown for the audience.[32]

May ideya ka na kung ano ang balita at kung anu-ano ang elemento ng balita. Pero ang tanong, “Saan ka makakukuha ng balita?”

Saan ako makakukuha ng balita?

Sa totoo lamang, maraming mapagkukunan ng istorya kaya lang… dapat mong pagtrabahuhan ito. Karaniwang nakukuhanan ng istorya ang mga kagawaran ng pamahalaan, mga unibersidad, mga eksperto sa iba’t ibang larangan, mga pulitiko, mga militante, at maging ang ilang karaniwang tao na maaaring makatulong sa inyo sa paghanap ng magandang isusulat.

Sabi nga sa mainstream media, minsan maramot ang istorya. Kaya nga dapat na maging masigasig ang isang reporter para hindi siya “maiskupan,” ng mga kasama niya sa hanapbuhay.

Sa karanasan natin bilang isang peryodista at editor, naririto ang ilang bagay na maaaring magamit para magkaroon ng istorya:

1.      Mag-obserba. Sabi nga, huwag matulog sa pansitan. Laging dapat na gising at pakiramdaman ang mga nangyayari sa paligid.

2.      Magtanung-tanong. Sa pamamagitan ng pagtatanong ng ilang simpleng bagay gaya nang “Ano na’ng balita?” o “Ano’ng bago?” maaring makasungkit ka ng tip para sa isang magandang istorya.

3.      Magbasa. May ilang istorya na nakalipas na maaari pang ungkatin. Follow-up ang tawag dito.

4.      Bumisita sa tanggapan ng kinauukulan. Palagiang dumalaw sa mga ahensiya o opisinang maaaring mapagkunan ng istorya.

5.      Makipanayam at dumalo sa mga pulong balitaan o press conferences.

6.      Press release. Ito ang pinakakaraniwang ginagawa ngayon ng reporter, ang maghanap ng press release. Walang masama rito pero dapat tiyaking hindi ka lamang palaasa sa press releases para magkaistorya.

7.      Internet.

May dalawang uri ng sources: primarya at sekundarya. Ang una, mga dokumento at mga panayam at ang ikalawa, maaaring ilang pahayag. Dapat gamitin ng mamamahayag ang dalawang ito para maging kongkreto ang kanyang pagbabalita. Sabi nga: Avoid single source only. Gayunman, dapat din namang mag-ingat sa pagpili ng inyong mapagkukunan ng balita o impormasyon. “Always verify your source.” Subalit paano nga pala maibeberipika ang sources kung galing sa internet? Ito ang tip ng Constitutional Rights Foundation ng Amerika:

Figure 2 Laging beripikahin ang inyong pinagkukunan ng impormasyon. (Larawan mula sa Constitutional Rights Foundation, 2005)

Ilan pang paalaala

Tandaang ang pagbabalita ay nasasalalay sa tatlong letra lamang: A, B at C.

A – accuracy. Dapat na eksakto, walang labis at walang kulang, walang palaman o patong ang impormasyong inilalahad. Dito nasasalalay ang kredibilidad ng isang mamamahayag. Kaya laging suriin ang mga impormasyong nakakalap. Tiyaking walang mali sa petsa man o numero man, o pangalan man, o lugar man, sa inyong pagbabalita. Kaya laging DOUBLE, TRIPLE CHECK bago isumite ang artikulo sa inyong pinagsusulatan.

B – Brevity. Iklian ang mga pangungusap, subalit tiyaking hindi naman nasasakripisyo ang laman ng inyong balita. Dito papasok ang galing o husay ng isang manunulat sa pagpapasya o iyong tinatawag na “journalistic decision.” Alin ba ang mahalaga—si impormasyon A o impormasyon B? Paano ito magagawa? Sa pamamagitan ng pagpili ng wasto at angkop na salita sa inyong pagsusulat.

C Clarity. Tiyaking malinaw at nauunawan ang inyong sinasabi. Kaya nga, iwasan ang matatalinghaga o matatayog na mga salita. Kahit pasa sa tinatawag ngayon literary journalism, hindi rin naman wastong gamitin ang mga salitang hindi naman naiintindihan ng nakararami. Kaya nga avoid journalese and legalese, kung maiiwasan, jargon. Para magawa ito, sikapin at kamtin ang isang antas ng kadalubhasaan o mastery sa wika. Magbasa at sumangguni sa diksiyunaryo. Magtanong kung nalalabuan sa isang termino. Huwag isiping nalalaman mo ang lahat. Kaya tayo mayroong mga eksperto ay para makatulong sa atin na maunawaan ang mga bagay-bagay. At ang pinakamahalagang payo: MAGBASA, MAGBASA, MAGBASA; MAGSULAT NANG MAGSULAT NANG MAGSULAT hanggang makasanayan mo ang paggamit ng wika.

Paglalagom

Mahalagang matutunan ang disiplina sa pagbabalita. Dapat na maging disiplinado sa paggamit ng mga salita at maging palakaibigan sa mga mambabasa sa pamamagitan ng mahusay na paglalahad ng mga ideya. At para mas matutunan ang sining ng pagbabalita: magsulat at magbasa at magsulat at magbasa. Huwag din matakot sa kritisismo. Tanggapin ito at gawing tuntungan sa inyong paglago bilang mga mamamahayag.

Pagsasanay

Gawing balita ang sumusunod na mga datos:

1.      Christmas parties are everywhere.

2.      Fatty, greasy, salty and so much sweets are in every buffet table: fried chicken, crispy pata, roasted beef with side dish. Wine, beer and spirits are also served, in large quantities.

3.      In a study published by the Harvard School of Public Health and Wageningen University in the Netherlands, it says that Trans fats are also thought to play a role in unexplained sudden deaths and diabetes.

4.      The major sources of trans fats include deep-fried fast foods, bakery products, packaged snack foods, margarines, and crackers. French fries, breaded fish burgers, breaded chicken nuggets, Danish pastries, pies, doughnuts, and cookies are the big offenders. Hamburgers, steaks, lamb chops, and dairy products contain only small amounts of natural trans fats so they don’t make the list of “worsts,” says the study written by Dariush Mozaffarian, which appeared last April 13, 2007 in the New England Journal of Medicine.

5.       In the United States, 1.2 million Americans die because of coronary heart disease.

6.       The said article reveals that, on a per-calorie basis, trans fats appear to increase the risk of coronary heart disease more than any other [nutrient], conferring a substantially increased risk at low levels of consumption (1 to 3 percent of total energy intake, or 20 to 60 calories).” The average consumption of trans fats in the United States is, for comparison, 2 to 3 percent of total calories eaten.

7.       In the Philippines, heart disease is number 1 cause of death in the country, based on the 2005 Department of Health’s Health Indicator.

8.       In 2005, there are 77,060 people died from heart attack. In 2003 – 2004, the number of persons who have died due to the disease is 66,412.

9.       Diabetes milletus is number 8 in the list of deadly diseases killing 13,584 person in 2003 – 2004, and 18,441 in 2005.

10.   Department of Health chief, Enrique T. Ona, M.D., forewarns the Filipino people in eating too much fatty foods this holiday season.

Sources: Department of Health – Manila, 2006;  Cromie, 2006.

Talasanggunian

Barcelona, Noel S. “Bagong Imus sa 2011.” Inang Bayan, December 2010, 1, 10.

Barcelona, Noel S. “PPPs ni P-Noy, paurong ang takbo.” PINAS Global Newspaper, Taon 6, Blg. 26, Nobyembre 25 – Disyembre 1, 2010, http://www.pinasglobal.com/pilipinas/2010/11/ppps-ni-p-noy-paurong-ang-takbo-%E2%80%94inerd/ (accessed December 19, 2010).

Barcelona, Noel S. “Detainees’ families happy for PNoy’s decision to scrap case vs Morong 43,” CBCP News, 11 December 2010, http://www.cbcpnews.com/?q=node/14029, (accessed December 19, 2010).

Barcelona, Noel S. “Group lauds cancellation of Laguna dredging contract,” CBCP News, 18 December 2010, http://cbcpnews.com/?q=node/14079 (accessed December 19, 2010).

Constitutional Rights Foundation. Reporters’ Handbook: A Quick Guide to the ABC’s of Good Journalism, 2005.

Crommie, William J. “Fatty foods feed heart attacks, researchers say; Doughnuts are dandy in Denmark, but a heart attack in the U.S.,” Harvard Gazette Archives, 20 April 2006, http://www.news.harvard.edu/gazette/2006/04.20/01-transfat.html. (accessed December 19, 2010).

Department of Health – Philippines. ”Health Indicators,” 2006, http://www.doh.gov.ph/kp/statistics/leading_mortality.html (accessed December 19, 2010).

“News.” Random House Webster’s Dictionary (Fourth Edition), New York: Ballantine Books, 2001.

Parks, Bill. “Basic News Writing,” (Lecture) Iowa: Ohlone College – Department of Journalism, 2010.

Potter, Deborah. Handbook of Independent Journalism, Washington, D.C.: U.S. State Department, 2008.

Steffen, Brian. “Beginning Newswriting and Reporting,” Communications Studies 211A, Simpson College, Spring 2003, http://faculty.simpson.edu/brian.steffen/www/newselem.html (accessed December 18, 2010).

Strunk, William Jr. and E. B. White. The Elements of Style (Third Edition),New York: MacMillan Publishing Co., Inc., 1979.

Surtees, Lawrence. “How to Write a Great News Story,” n. d., http://www.snn-rdr.ca/snn/nr_reporterstoolbox/newsreporting.html (accessed December 18, 2010).

Thomson Reuters Foundation. Reuters’ Handbook of Journalism, New York: Thomson Reuters, 2008.


[1] Random House Webster’s Dictionary, 4th Edition, “News” (New York: Ballantine Books), 2001, p. 485.

[2] Deborah Potter, Handbook of Independent Journalism, (U.S. State Department, Washington D.C.), 2008, p. 5.

[3] Constitutional Rights Foundation, Reporters’ Handbook: A Quick Guide to the ABC’s of Good Journalism, 2005, p. 2.

[4]Bill Parks, “Basic News Writing,” Ohlone College – Department of Journalism, September 8, 2010, pp. 1 – 2.

[5] Potter, p. 6.

[6] Ibid

[7] Op. cit., p. 6

[8] Lawrence Surtees, “How to Write a Great News Story,” (no date), http://www.snn-rdr.ca/snn/nr_reporterstoolbox/newsreporting.html (accessed December 18, 2010).

[9] Parks, p. 2.

[10] Constitutional Rights Foundation, Reporters’s Handbook…, 2005, p. 3.

[11] Ibid.

[12] Ibid.

[13] Ibid.

[14] Parks, p. 2.

[15] Constitutional Rights Foundation, p. 3.

[16] Ibid.

[17] Brian Steffen, “Beginning Newswriting and Reporting,” Communications Studies 211A, Simpson College, Spring 2003, http://faculty.simpson.edu/brian.steffen/www/newselem.html (accessed December 18, 2010).

[18] Ibid, p. 27.

[19] Reuters’ Handbook of Journalism, (New York: Thomson Reuters), 2008, p. 26.

[20] Parks, p. 3.

[21] Noel Sales Barcelona, “Bagong Imus sa 2011,” Inang Bayan, Vol. 1 No. 3, Col. 1, December 2010, p. 1.

[22] Parks, p. 3.

[23] William Strunk Jr. and E. B. White, The Elements of Style, Third Edition (New York: MacMillan Publishing Co., Inc.), 1979, p. 23.

[24] Parks, p. 3.

[25] Potter, p. 26.

[26] Noel Sales Barcelona, “Group lauds cancellation of Laguna dredging contract,” CBCP News, 18 December 2010, http://cbcpnews.com/?q=node/14079 (accessed December 19, 2010).

[27] Noel Sales Barcelona, “Detainees’ families happy for PNoy’s decision to scrap case vs Morong 43,” CBCP News, 11 December 2010, http://www.cbcpnews.com/?q=node/14029, (accessed December 19, 2010).

[28] Ibid, p. 23.

[29] Parks, p. 3; Potter, p. 27.

[30] Noel Sales Barcelona, “PPPs ni P-Noy, paurong ang takbo,” PINAS Global Newspaper, Taon 6, Blg. 26, Nobyembre 25 – Disyembre 1, 2010, http://www.pinasglobal.com/pilipinas/2010/11/ppps-ni-p-noy-paurong-ang-takbo-%E2%80%94inerd/ (accessed December 19, 2010).

[31] Parks, p. 5.

[32] Potter, p. 27.

About these ads

One thought on “Takatak ng makinilya: Isang sulyap sa sining at agham ng pagsulat ng balita*

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s