Posted in poem

Ibig kong tumula muna ngayon ng ilusyon

pilit na nagsusumundot
ang isang anino sa isang sulok
ng utak kong sa pahinga, umaamot
ayaw akong patahimikin
sa panahong ibig kong sumulat
ng mga tula ng pag-ibig at libog.

sabi ko’y alis! alis diyan
sapagkat ang puso’y pagod na
sa pakikipaghabulan
sa sarili nitong tibok
sa gitna ng ulanan.

iwan mo ako! iwan mo ako!
ikaw na bungkos ng mga salitang
nagdidikit na tila alipato
na hahalik sa tuyong dahon
na nakapaibabaw sa tuktok ng ulo
at pasisilabin, pasusulakin
ang bawat ugat at dugong
nasa loob ng kaniyang bao.

huwag mo akong salingin!
huwag kang lalapit ikaw na pangahas
at ipakita sa akin ang mukha
ng katotohanang agnas
subalit nananatiling buhay
ibaon man sa nitsong puti
ng kasinungalingan.

ay! layas! layas! layas!
ikaw na bungong nakukuwintasan
ng mabagong bulaklak
at tunog ng agunyas
na pantawag sa kaluluwa
ng mga buhay na nakabaon
sa pantiyon ng kadustaan.

huwag kang lalapit
at hayaang mamahinga
kahit saglit ang utak at puso
ang kaluluwa at bait
ng makatang nagnanais
na tanging tulaan na lamang
ay ang malapot na pagibig
ang paggibik at pag-igik
ng kabiguan ng mangingibig

kaya huwag kakatok
sa pinto ng silid ng aking
nagugulimihanan nang isip —
ikaw na palumpon ng salita
na ang hatid ay ang tamis at pait
ng awit at tangis ng bayan kong iniibig.
subalit sa loob ng isang saglit
ay patutuluyin ka’t uulayawin sa silid
at muli sa ating pagtatalik
ay huhugos ang mga larawan
na patalim na hihiwa
sa ilusyon ng lugod at tamis
na handog ng diyus-diyosang
nasa mansiyon at palasyong malamig
na nagpapasasa sa dugo at pawis
ng mga anak ni Inang Bayang
kumpis ang tiyan at yayat ang mga bisig.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s