Posted in essay, movies and entertainment, Other

Halina sa tahimik na mundo ni CHARLIE CHAPLIN

Photo courtesy of http://www.silverscreensuppers.com

Kilala siya bilang “the tramp”, si Charles Chaplin ay isa sa pinakasikat at pinakahinangaang aktor sa larangan ng komedya, hindi lamang sa Estados Unidos, kundi maging sa buong mundo. May ilang pagkakataon na ginaya ng children show na “Sesame Street” ang ilan sa mga pagganap ni Chaplin.

Anak ng mga artista, ipinanganak si Chaplin noong ika-16 ng Abril, 1887 sa London, kabisera ng Inglatera. Maagang naulila sa mga magulang, isinabalikat ni Chaplin ang pagbuhay sa kanyang sarili at mga kapatid. Dahil sa likas na angking talino sa pagsasayaw at pag-arte, nagpasya siyang pasukin ang mundo ng teatro at napabilang sa grupong “The Eight Lancashire Lads” na unang nagpatampok sa kanya bilang isang mananayaw.

Edad 14 nang mapasabak siya sa larangan ng pag-arte. Ginampanan niya ang karakter na si Billy, ang sidekick ng pamosong karakter sa mga kuwento ni Sir Arthur Conan Doyle na Sherlock Holmes. Katambal niya rito, na gumanap na Sherlock Holmes, si William Gillette.

Dahil sa kanyang galing sa pagpatawa sa bodabil, ito ang naging passes niya para makapunta sa Estados Unidos noong 1910 at doon nga siya sumikat nang husto nang mapabilang siya sa grupo ni Fred Karno na Fred Karno Repertoire Company (FKRC).

Una siya ng masang Amerikano sa kanyang pagganap sa maikling dulang A Night in an English Music Hall ng FKRC noong taong iyon at nang magbalik para sa ikalawang pagtatanghal ang grupo, sa Amerika, noong 1912 ay inalok si Chaplin na pumirma ng kontrata para gumawa ng mga pelikula.

Ayon sa kanyan official na website, na charliechaplin.com, isang taon pa bago napasabak sa paggawa ng pelikula si Chaplin. Sa Keystone Film Company siya unang nagkapelikula at sumuweldo ng $130 kada linggo. Ngunit dahil pumatok ang kanyang pelikula sa takilya, nagsimulang magsipagdagsaan ang alok na pelikula at nakikipagnegosasyon na rin ang mga prodyuser para bayad sa kanyang serbisyo.

Nang mapasó ang kanyang kontrata sa Keystone, lumipat ng studio si Chaplin noong 1915—sa Essanay Company, kumpanyang higit na mas malaki kaysa sa nauna. Ang kapatid niyang si Sydney ang pumalit sa binakanteng puwesto ni Chaplin, bilang komedyante, sa Keystone.

Taon 1916 nang lalong mayagpag ang kanyang karera bilang komeyante at pumirma ng bagong kontrata sa Mutual Film Corporation. Labindalawang (12) pelikula ang ginawa niya para sa Mutual, na kinabibilangan ng “The Floorwalker”, “The Fireman”, “The Vagabond”, “One A.M.” (produksiyong siya lamang ang artistang gumanap, maliban na lamang sa pagpasok ng isang cab driver sa bungad ng pelikula), “The Count”, “The Pawnshop”, “Behind the Screen”, “The Rink”, “Easy Street” (na tinaguriang “the best production” noong panahong iyon), “The Cure”, “The Immigrant” at “The Adventurer”.

Kalaunan, nagpasya si Chaplin na magsarili at itinayo niya ang kumpanya. Kalayaang artistiko at higit na kasiyahan sa paggawa ng pelikula ang mga salik na nagbunsod sa kanya para magsarili. Itinayo ang kanyang unang studio sa isang bahayan sa La Brea Avenue sa Hollywood.

Maagang yugto ng 1918 nang makipagkasundo siya sa First National Exhibitors’ Circuit, isang bagong organisasyong itinayo para lamang mamahagi (distribution) ng kanyang mga pelikula. Dito niya nalikha ang “The Dog’s Life” ang pelikulang tumatalakay sa hirap at sakit ng pagiging manggagawa.

Sumunod na pelikula niya ang “The Bond” na tila parodiya sa pinapopolurisa noon ng gobyerno ng Estados Unidos na Liberty Loan, isang uri ng war bond o bono. Matapos nito, gumawa rin siya ng ilang pelikulang may kinalaman sa giyera: ang “Sunnyside” at “A Day’s Pleasure.”

Abril, 1919 nang makipagkaisa siya kina Mary Pickford, Douglas Fairbanks at D.W. Griffith para itatag ang United Artists Corporation na tila kooperatiba para sa mga artista. Ang mga pelikulang ginawa sa naturang korporasyon ay nananatiling pagmamay-ari ng artista at tanging ang unang kinita lamang ng nagawang pelikula ang napunta sa may-ari ng korporasyon.

Gayunman, dalawang taon pa ang lumipas bago siya nakagawa ng pelikula sa itinatag niyang bagong korporasyon at ito ang ang “The Kid,” na mangpahanggang ngayon ay minahal ng masa. Tungkol ito sa nawawalang bata, pagmamahal ng isang ama-amahan sa kataunan ni Chaplin, at ang pagkakatagpong muli ng bata at ng ina.

Maraming sumikat na pelikula si Charlie at karamihan dito, ay komentaryo sa nagaganap sa lipunang Amerikano noong panahong iyon: “A Woman of Paris” (1923); “The Gold Rush” (1925); “The Circus” (1928) na nagbigay kay Chaplin ng kanyang unang Academy Awards; “City Lights” (1928); “Modern Times” (1936) na may pagkasosyalista ang dating; “The Great Dictator,” (1940) na parodiya niya laban kay Adolf Hitler at isang testamento niya laban sa pasismo at diktadura; at marami pang iba.

Bukod sa pagiging aktor, manunulat din si Chaplin at musikero rin. Katunayan, halos siya ang gumagawa ng lahat ng effects at musika at script sa kanyang mga pelikula—mapa-silent man o mapa-may boses man.

Dapat na tularan ng bagong komiko ang halimbawa ni Chaplin dahil hindi lamang siya aktor, manunulat, at musiko kundi isa rin siyang mamamayang may pakialam sa kanyang lipunan at sa daigdig na kanyang ginagalawan. (Isinulat para sa PINAS Filipino’s Global Newspaper)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s