Posted in counter-culture, critical essay, essay, non-fiction, Other

Philippine Literary Folio: isang bagong lugar sa bagitong manunulat sa Internet

Kumikitid, kung hindi man, talagang wala nang lugar para sa manunulat sa Pilipinas. Hindi na ganoong kasigla ang Liwayway, kahit na tutulan pa ng ilan. Bagaman may ilang magasin at peryodikong naglalabas ng mga sulatin, hindi naman masasabing ganoong kalaki at kalawak ang pagpapahalaga ng mga ito sa pagpapasigla ng makabuluhang panitikang Pinoy; at kung maglabas nga, panakanaka lamang. Madalang sa patak ng ulan ang paglalathala ng tula, kuwento at sanaysay, ng mga peryodiko at magasing ito.

 

Dahil sa ganitong kalagayan ng panitikan sa bansa, ipinasya ng documentary filmmaker, animator at short story writer na si Romeo A. Factolerin na lumikha ng isang website na magsisilbing kanlungan ng baguhang mga makata at manunulat: ang Philippine Literary Folio (http://www.philippineliteraryfolio.com).

 

Hindi man nababayaran ang may-akda sa kanyang mga isinusulat, sabi ni Factolerin, nagsisilbi namang mainam na daluyan ang PLF para maipakita ang galing at talas ng baguhan at propesyunal na mga makata at manunulat (at maging mga pintor at litratista) sa pamamagitan ng kanilang makabuluhang mga likha o akda.

 

Wala pang isang taon ang website subalit napakarami nang akdang masasabing karapat-dapat na maihanay sa akda nina Rogelio L. Ordoñez, Bayani S. Abadilla, Fermin Salvador, Abet Umil, Lualhati Bautista, at iba pang dekalibreng manunulat sa wikang Filipino at Ingles.

 

Kung susuriin ang mga akdang lumabas, katulad ng tulang “Sonata con Daga” ni Paul Hansen Roquia, isang manunulat at makatang taga-Laguna, “Antigong Salamin” maikling kuwentong naisulat ng batambatang nobelistang si Mellanie Hernandez Quilla at “Bakit Ko Pinipilit Abutin ng Langit?” ni M. J. Rafal, isang dalubguro at makata, makikita ang buhay na pamana ng naunang nagsulat sa wikang sarili na namamandila ng kaisipan at damdaming Pinoy na Pinoy.

 

Nakalulungkot lamang isiping sa kabila ng maraming manunulat na mahuhusay at matatalas, hindi naman sila nabibigyan ng pagkakataon na maipakita ang kanilang husay at galing dahil wala nang maglathala. O kung may maglathala man ng kanilang mga akda, ay hindi naman sila nababayaran nang mahusay o sa halagang marapat sa kanila.

 

Nalulungkot din si Factolerin na hindi man lamang sila makapagbigay ng karampatang bayad para sa nalalathalang mga akda. Gayunman, ang tanging konsuwelo na lamang daw ay ang makatulong ang PLF sa pagpapasigla ng talakayang may kinalaman sa kultura at panitikan dahil malayang makapagkokomento ang mambabasa sa mga akdang kanilang inilalathala. (Isinulat para sa PINAS Filipino’s Global Newspaper)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s