Posted in Other, poem

Pangitain

lumuluha ang langit
sa pangungulila sa naglalaho niyang
mga supling
sa pusod ng gubat
sa ilalim ng dagat
sa rumaragasang ilog
sa pinakatiyan ng lupa
sa himpapawid

ilang talulot na ba ang nalagas
sa mga bulaklak
dahil sa pabangong hindi naman
mabili ng kaunting barya
ng manggagawang ang lakas
ay parang produktong binabarat?

ilang puno na ba ang pinatay
para lamang itanim
sa pinakapusod ng bundok
ang mga mansiyon ng mayayaman
at para gawing pabrikang
ang usok at tubig na inilalabas
ay lason sa hangin, sa lupa
at sa katubigan?

ilang hayop na ba ang kinatay,
ilang isda ang hinuli,
ilang ibon ang sinilo sa patibong
para gawing palamuti
sa mga hawla’t babasaging mga lalagyan
o panglangkap sa pagkain ng mamahaling restwaran?

ilang bundok na ba ang pinasabog at pinatag
para lamang sa ginto, karbon, langis, batong hiyas
na kahit walang bayad na nagmula sa lupa’y
pinipresyuhan nang mataas?
ito ba talaga ang bayad
sa salitang pag-unlad?

subalit

hindi baga nila napapansin
silang buhong at praning
sa tubo at sa iba pang tutubuin
na habang sinusugatan nila
ang lupa, tubig, at hangin
ay angaw-angaw ang pinapatay
ng kanilang pagkasakim?

kunsabagay
may araw ding kanilang sasapitin
ang masaklap na katapusan
ng kanilang pagkahibang sa tutubuin!

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s