Posted in Uncategorized

Todos Los Santos Araw-Araw

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:
sapagkat ang bawat isa’y bangkay
at nakalibing sa mga nitso sa kalungsuran,
sa kanayunan, at maging sa mga dalampasiga’t
lupaing hindi kilala ang amoy, kulay
at maging ang anyo ng mabuting kapalaran.

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:
labing-apat na milyong kabataan
ang nakalibing sa kahirapan
labing-tatlong milyong kababaihan
ang nasa pantiyon ng karukhaan
samantalang nasa mga puntod na walang krus
ang 6.9 milyong maralitang tagalungsod
at ang mga bangka sa lawa’t karagatan
ng bayan kong mahal ay mumunting ataul
ng milyun-milyong mamalakayang salakab
ng kahirapa’t kagutuman.

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:
Bangkay ang magbubukid na nagpapatubo ng pantawid buhay
Nakalibing sa bukid ng asendero’t multinasyunal
Nakanitso sa patung-patong na utang
Bigti ng pag-asang ang lupang binubungkal
ay mapapasakanya balang araw
ngunit hindi – sapagkat ang lupang kanya lamang
ay nasa sementeryong pambayan.

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:
Nakalibing kasama ng malamig na makina
at aparato sa mga pabrika’t empresa
ang pangarap na maalwang buhay
ng mga empleyado’t manggagawa.
Multong nagsasalita ang mga empleyadong bata
na nakatapos man ng kurso’y
nakatali ang leeg sa dayuhang kompanyang
bampira kung humuthot ng lakas at talino nila
para lamang sa malaki-laking kita.

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:
sapagkat napakaraming bangkay ang utak sa paaralan
dala ng kakapusan ng libro’t gamit sa eskuwelahan
at paglulunoy sa ilusyon ng edukasyong
bitbit ng embalsamador-ng-kultura na mga dayuhan.
Bawat silid-aralan ng mababang paaralan,
Bawat pasilyo ng haiskul at pamantasan
ay pawang lalamunan ng mga libingan –
libingan ng talinong nasayang dahil sa kahibangan
ng mga edukador-kapitalista’t propitaryong opisyal ng bayan.

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:
Namamatay sa lungkot at hapis
ang mga aalis patungo sa malawak na dagat,
sa mga kabahayan ng mga Amerikano, Canadiano at Intsik
sa malawak na disyertong dukalan ng langis.
Ngunit anong magagawa ng hapis?
Higit na mas masakit ang makitang ang mga anak
ay walang makain kahit na mumo na pispis.
Pait ng luha ang tamis ng tsokolateng hatid ng balikbayan box
at samyo ng pangungulila ang bawat bote ng pabango
mga tiniis na paghihirap ang sapatos at baro.
Ngunit ang pinakamasakit sa lahat ng regalo
ay makitang ang nagpapadala’y nakakahon na ri’t
sinlamig ng bloke ng yelo.

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:
sapagkat dahil sa karalitaan,
humigit-kumulang 800 libong sanggol taun-taon
ang pilit na hinuhugot sa tiyan
at itinatapon na lamang sa basurahan,
pinalulubog sa inidoro’t itinatambak
sa pinto ng mga kapilya’t simbahan.

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw
sapagkat ang maysakit na sipon at lagnat
ay madaling namamatay sa kanilang mga higaan
dahil kapos ang gamot at mahal ang paospital
samantalang sa malalayong kanayuna’y
wala man lamang doktor o nars o hilot man lamang
na aagap sa sakit para ang mga paa’y huwag magpantay.
Nakadaragdag pa sa hinagpis sa mahabang martsa ng inis
ay ang pagtutulak sa doktor at narses
na umalis dahil ang pasuweldo sa kanila’y
kulang pang pambili ng istetoskop at guwantes.

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw
Ang mga uwak ay laging naghihintay ng makakaing laman
ang karne’y dili iba’t kundi ang kaban ng bayan
walang itinitira kahit gakusing lamang
mula sa pondong nagmula rin sa utang
kaya ang mga mamamayan
ay nakalibing sa napakaraming utang
na hindi nila napakinabanan
manapa’y sa kanilang bulsa’y umaagnas at pumapatay!

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:
Matagal nang nasunog sa krematoryo
ang paggalang sa karapatang pantao
at araw-araw ay naglalakad sa kalsada,
malayang pumapatay ang mga mersenaryo.
Nakaumang palagian ang baril
sa bungo at puso ng tagapagtanggol ng kalayaan
at ang piitang libingan ay laging naghihintay
Ang mababaw na hukay sa isang sulukan
ay laging nakahandang yapusin ang duguan nilang bangkay.

Sa bayan ko todos los santos araw-araw:
Ang mga tagadapit ng kaluluwa ay yaong dapat bumubuhay —
ang mga asendero’t propitaryong walang hangad kundi tubo lamang
ang mga tagapaglibing ay nagkukunwang serbidor ng bayan
ang mga pulitikong walang ibang nais kundi ang magpayaman
katuwang pa ang mga relihiyosong nagbabanal-banalan
na walang ibang nais kundi ang abuloy at mga ambag
subalit pipi, bulag at bingi sa hapis at hirap ng bayan.

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw…
Ngunit sasapit din ang panahong
na ang sindi ng kandilang nakatanglaw sa aking bayan
ay siya ring apoy na susupok sa kanilang mga embalsamador at kriminal
at saka lamang titigil ang paghimig ng mga ponebre
at pagdarasal ng Ama Nami’t Aba Ginoong Maria
at mapapalis din ang luha sa mata ng nagluluksang mamamayan.

Oktubre 18, 2010

 

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s