Posted in nationalist and genuine pro-people politics, opinion, Other, social injustice, social realism

100 Makata, 100 Tula ng Protesta, 100 rason kung bakit kailangang lumaya ang bayang Pinoy

TUMITINDI, at patuloy pang tumitindi, ang pingkian ng mga uri (class conflict) sa bayang Pilipino. Napatutunayan ng kaso, hindi lamang ng Asyenda Luisita sa Tarlac at Asyenda Yulo sa Laguna, kundi maging ng napipintong welga sa Philippine Airlines, ng nakaraang demolisyon sa Sityo San Roque sa Lungsod Quezon, at ang patuloy na paglawak ng gawak o pagitan ng mayayaman at mahihirap, ang naturang tunggalian sa pagitan ng pinagpalang mga anak ng diyos at ng uring tila pinagtampuhan na ng tadhana sapagkat mula nang sila’y ipanganak ay nasa pusalian na ng kasaysayan at patuloy pang inilulublob ng ilang naghahari-harian sa lipunang itong balintuwad at balikuko.

***

Humigit-kumulang, 100 araw nang nakaluklok sa Malakanyang ang pinagpala: si Pang. Benigno Simeon C. Aquino III na nagwagi dahil sa popularidad ng kanyang mga magulang. Walang sinumang tao ang makapagtatatwa ng katotohanang ito. Dahil bayani kung turingan ang mga magulang — sina dating pangulong Ma. Corazon Sumulong Cojuangco vda. de Aquino at dating Benigno Simeon Aquino Jr. — dapat ding ituring na bayani, tagapagligtas, matuwid ang anak. ‘Ika nga, it’s in the genes; dumadaloy sa dugo ni Noynoy ang dugo ng matuwid at mahusay na pinuno ng bayan.

Nitong nakaraan lamang, bumisita si Pang. Aquino sa Amerika. Kagaya ng ibang naging mga pangulo ng Pilipinas — mula kina dating Heneral Emilio Aguinaldo hanggang kay Noynoy nga — hindi tayo nakakawala sa anino ng Amerika. Pinakamahigpit nating alyado ang Amerika. May tulong na magmumula sa Amerika na pakikinabangan ng maraming Pilipinong gutom at uhaw sa pagbabago at pag-unlad. May magandang plano ang Amerika para sa bansang may 7, 107 pulo at lunod sa kahirapan. Laging mahusay ang dating ng Amerika. Parang nalimutan nating ang Amerika ang nagpasimula ng isang madugong giyerang pumatay sa 250,000 sibilyan, ang pangunahing nagbawal sa paglaladlad ng bandila ng Pilipinas sa tagdan, at nagpasok ng napakaraming kasunduang hindi naman papabor sa mga mamamayan kundi sa negosyanteng dayuhan. Mabuhay ang Amerika! Mabuhay ang mamamatay-taong gobyernong nakaluklok sa malaking musoleo sa pusod ng Washington, D. C. na naglunsad ng mga giyerang agresyon at pumatay ng daan-daang libo sa ngalan ng kapayapan at paglaban sa terorismo (kuno), pero sa katapus-tapusan, kaya pala nanggiyera ay dahil kinakapos ang suplay ng kanilang langis na nagpapatakbo sa kanilang empresa’t industriyang labis-labis kung magluwa ng mga produkto na ibabagsak naman sa mga bayang atrasad at pipilitin, dadahasin, tatakutin, babalitiin ang braso para lamang bilhin ang kanilang sobrang produkto – na nalalaman naman nating lahat – na dahil walang buwis, pumapatay sa lokal na negosyo at agrikultura na pinapatungan naman ng sangkaterbang buwis at kung anu-anong bayarin ng bangkaroteng gobyerong tuta ng gobyernong Amerikano. Mabuhay ang Amerika! Aysusmaryosep!

***

Dahil hindi naman tumutugot sa paglaban ang inaaping bayang Pilipino – kahit pa nga matagal bago makita ang tagumpay – patuloy rin ang paglulunsad ng makasining na opensiba ng mga artista’t manunulat na Pilipino na nakikilahok sa naturang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at tunay na kasarinlan.

Noong isang taon, panahon ng pamamayagpag ng rehimeng Ma. Gloria Macaraeg Macapagal-Arroyo nang ilunsad ang Tulagalag (tulang naglalagalag), isang proyekto ng Kilometer 64 Poetry Collective, na suportado naman ng iba’t ibang organisasyong pansining at pampanitikan na may makabayang layunin: Artists’ Response to the Call for Social Change and Transformation (Artists’ ARREST), College Editors’ Guild of the Philippines (CEGP), Kamanyang, Sinagbayan, atbp.

Ngayon, inaasaang may 100 makata buhat sa iba’t ibang sektor ang makikilahok sa proyektong 100 tula, 100 araw ni P-Noy na nakauwi na sa kanyang pagrereport sa napakabuti at napakabanal na gobyernong Estados Unidos. Lalamnin ng tula ang analisis o pagtatasa sa nagawa ng pangulo sa loob ng 100 na pananatili niya sa puwesto.

Unang 100 araw pa lamang, makikita na natin ang patutunguhan ng ating bayan. At hindi naman ito matututulan ninuman sapagkat nandudumilat ang katotohanan na kagaya ng iba pang naging lider-lideran ng bansa, ang pambansang soberanya at patrimonya ang laging puhunang pansugal sa pautang na ibibigay ng Amerika at iba pang imperyalistang bansa. At siyempre pa, dahil utang iyan, dapat bayaran — hindi ni Noynoy — kundi ng naghihikahos-kumain-dili at natuto nang magputang sambayanang Pilipino.

Mabuhay ang gobyerno! Mabuhay ang liderato! Aysusmaryosep!

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s