Posted in counter-culture, critical essay, non-fiction, social injustice, social realism, women and children's issues

HIV at iba pang pagmumunimuni

KAGAGALING ko lamang sa isang palihan (workshop) para sa mga mamamahayag – sa radyo man o peryodiko o sa internet man – na naglalayong bigyang halaga ang kasensitibuhan ng pag-uulat hinggil sa sakit na human immunodeficiency virus o HIV.

Sumisirit na ang bilang ng taong nagtataglay ng virus at sumisirit din ang diskriminasyon laban sa kanila sa pag-aamalang sa kaimoralan kung kaya nakukuha nila ang sakit.

***

Matagal na akong nagsusulat nang hinggil sa kalusugan at ang ilan sa kanila, mayroong mukha. Subalit tila walang mukha ang people living with HIV (PL-HIV) dahil tinatabingan ito ng kung anong kulapol na singkutin ng mga alapaap sa tuwing nagbabanta ang isang mapangwasak at makabawing-buhay na bagyo.

***

Ayon sa pinakahuling estadistikang nagmula mismo sa Department of Health, nito lamang Hulyo 2010, umabot na sa 131 na ang pasyenteng nagtataglay ng virus na ito. At kung susumahin ang datos mula Enero hanggang Hulyo 2010, aabot na ito sa bilang na 940. Isang nakababahalang trend, sabi nga ni Bb. Amara T. Quesada, opisyal pamproyekto ng non-governmental organization na Action for Health Initiatives, Inc. na siyang nagbigay sa amin ng palihan.

Apat (4) hanggang limang (5) kaso, ulat ni Quesada, ang naitatala ng DOH kumpara sa nagdaang mga taon (mulang 1984 hanggang 2000) na ang isa kada tatlong araw lamang ang naitatalang kaso. Hindi rin mabatid ng mga eksperto kung bakit bigla ang pagtaas. Naghahagilap pa sila ng paliwanag. Dahil ba ito sa pagkakapasa ng batas hinggil sa AIDS (acquired immunodeficiency syndrome, ang huling yugto ng pagkakaroon ng HIV)? O dahil marami sa mga kababayan natin – babae, lalaki, bakla, tomboy, kabataan, at yaong may kaedaran na sa tinatawag na risky behavior o asal na nagsasapanganib sa kanila na magkaroon ng ganitong sakit na walang kalunasan at taglay-taglay nila habambuhay?

Subalit binigyang punto ni G. Joel Mendez, isa sa naging tagapagdaloy ng palihan na dinaluhan ng humigit-kumulang 20 kasapi ng midya sa Kamaynilaan (tanging ako lamang ang nagrerepresenta ng panlalawigang peryodiko na ilulunsad pa lamang sa darating na buwan, kaya abangan…), ang huli (practicing risky behavior) ang pangunahing salik kung bakit nagkakaroon ng HIV ang isang malusog na tao – anuman ang kanyang kasarian at katayuan sa buhay.

***

Nakatutuwang makatalamitam (makausap) ang matatapang-na-humantad na mga taong nagtataglay ng HIV na sina Humphrey, ate Ellen at ate Tina. Sila ngayon ang nagsisilbing ilang mukha, sa napakaraming mukha ng taong nagtataglay ng HIV na sa bawat araw ay humaharap sa pagkutya at panghuhusga ng makikitid na pag-iisip. Makasalanan kasi sila, sabi ng iba, kung kaya sila nagkaroon ng ganyang kagrabeng sakit. At sino sa atin ang hindi makasalanan? Sino sa atin ang hindi mapagpaimbabaw o ipokrito(a)? Sino sa atin ang walang bahid ng sala sa ating mga kaluluwa’t mga puso?

“Huwag kayong humatol, para hindi kayo hatulan… dahil ang takalang ginamit ninyo ay siya ring takalan na gagamitin sa inyo,” sabi nga ng ating Panginoong Hesukristo (Cf. Lucas 6:37).

“Bakla kasi sila, imoral kung kaya nagka-HIV.” Maaring sabihin ng ilan. Hindi ang kabaklaan ang dahilan kung bakit sila nagkaroon ng sakit. Nagkataon lamang na mga binabae sila’t nasalinan ng sakit. Pero hindi ang pagkatao nila ang batayan kung bakit sila nagkasakit – nasalinan sila ng sakit dahil sa isang gabi o tanghali o araw ng pagkakamali na hindi pinroteksyunan ang sarili na nakipagtalik o kaya naman ay aksidenteng nakagamit ng isang panturok o ineksiyong nagamit ng isang taong may HIV.

***

Sa palihang iyon, nakita ko ang kawalang kaalaman ng karamihan sa mga kasama ko sa hanapbuhay hinggil sa sakit at kung paano dapat itrato ang taong nalalinan ng sakit. Matatandang peryodista’t komentarista subalit sablay pa rin sa etika at paggamit ng wika. Bagaman sinasabing nagsipagdalo na sila ng iba’t ibang palihang katulad nito, nakatingin pa rin sila sa datos at kung gaano kasensasyunal ang isyu na maaari nilang gamitin para tumaas ang puntos (ratings) ng kanilang programa at dumami ang benta nila ng kanilang diyaryo. Nakalulungkot. Subalit ganoon talaga ang umiiral na kalakaran – nakasusulukasok, nakakarimarim, di-makatao.

***

Nagpapasalamat ako, sa ngalan ng Inang Bayan at maging ng isa pang pahayagang aking pinaglilingkuran, ang PINAS: The Filipino’s Global Newspaper, sa mga taga-Achieve: kina Amara, Joel, at Leslie Arididon-Tolentino na hindi ako tinantatanan sa kate-text. Maraming salamat din sa ating mga kasamahan, na bagaman agwatan na ang ating mga edad, ay naging magiliw pa rin sa bagitong hindi na bagitong tulad ko.

***

Hindi ko maiwasang tulaan ang mga taong nakilala kong nakikibaka at matapang nakikihamok sa kanilang karamdaman, kalakip ang pakikibaka’t pakikihamok din nila sa mapanghusga at mapangmaliit nating lipunang pinatatakbo ng may bulok at balikukong isipan.

At kapag naalis na ang lambong…

natatago kayo ngayon sa dilim
ngunit bukas ay aalisin inyong mga lambong
upang mabati ninyong may maaliwalas
at nakangiting mga mukha
ang kagintuan ng araw.

wala nang mang-aalipusta sa inyo
dahil kayo’y nagtataglay
ng tíbô ng sakit na tila ba isang sumpang
sumasaklot sa inyong buong pagkatao.
dalisay ang inyong mga kaluluwa
mapagmahal ang inyong tumitibok
at nakararamdam na mga puso
subalit itinuturing nila kayong inuuod na mga bangkay

bunga ng kabalighuan ng pag-iisip
na pinapaypayan ng kamangmangan
at kaipokrituhan niyaong nagkukunwang mga pantas
na namumunini sa pawis at dugo ng nagsisipagpunyagi
alalaong baga ang lahi ng mga ulupong na nasa mga asyenda’t
mga palasyo, nasa edipisyo ng dapat na nangangalagang gobyerno
kung kaya patuloy ang pagkulapol sa inyo
ng nang-aaglahing mga bansag:
imoral, makasalanan, mga pinarusahan ng Maykapal!

kung mapagtatanto lamang nila
na kayo’y mga tao na may pusong nagmamahal
at dahil nga nagmamahal ay malalim kung masugatan
ng mga sundang at mga balaraw
ng mahahayap na mga bansag
na unti-unting bumabasag
sa pagkatao ninyong malakristal.

hayaan ninyo –
sa pagdating ng araw ng katubusan
ng buong sambayanan
mula sa kuko at pangil ng halimaw
na nagpapaandara sa kasalukuyang kaayusan
ay maaalis din ang lambong
na tumatabing sa inyong mga mukha
at inyong hahagkan sa simoy ng pang-umagang hangin
ang isang bukas na ginto’t punumpuno ng pagmamahal…

Lungsod ng Antipolo, Set. 23, 2010

Nalathalang una sa FilipinoWriter.com, sa blog ng may-akda.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s